Tatlong progresibo, kabilang sa 32 karagdagang kinatawan ng party-list sa Kamara


PASOK sa Kamara ang tatlong kinatawan ng progresibong mga party-list na Bayan Muna, Anakpawis at Kabataan matapos magdesisyon ang Korte Suprema na pasok ang 32 pang kinatawan ng mga part-list na lumahok noong 2007 halalan. Pero kasabay nito, pasok din ang ilang kinatawan na tinaguriang “kontra-komunista” at nanguna sa paninira sa progresibong mga party-list. Kabilang […]

PASOK sa Kamara ang tatlong kinatawan ng progresibong mga party-list na Bayan Muna, Anakpawis at Kabataan matapos magdesisyon ang Korte Suprema na pasok ang 32 pang kinatawan ng mga part-list na lumahok noong 2007 halalan.

Pero kasabay nito, pasok din ang ilang kinatawan na tinaguriang “kontra-komunista” at nanguna sa paninira sa progresibong mga party-list. Kabilang dito ang Alliance for Nationalism and Democracy (ANAD), Ang Kasangga, at Bantay.

Si dating Hen. Jovito Palparan, binansagang “berdugo” ng mga sibilyang aktibista noong siya’y nasa militar pa, ang unang nominado ng Bantay.

Samantala, pasok sa Kamara sina Neri Colmenares ng Bayan Muna, Joel Maglungsod ng Anakpawis, at Raymond Palatino ng Kabataan.Pahayag ni Maglungsod, agaran niyang itutulak ang mga hakbang ng Anakpawis para itaguyod ang karapatan ng mga manggagawa at magsasaka.

Kabilang dito ang P125 dagdag-sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor at P3,000 sa kawani sa gobyerno.Itutulak din ni Maglungsod at ng kasamahang progresibong mga kinatawan sa Kamara ang pagsabatas ng House Bill 3059 o ang Genuine Agrarian Reform Bill.

Nagdesisyon ang Korte Suprema matapos magpetisyon ang ilang party-list kabilang ang Banat at Bayan Muna na kumukuwestiyon sa tinaguriang First Party Rule ng Commission on Elections (Comelec).

Nakasad sa naturang rule ng Comelec na tanging ang partidong nakakuha ng pinakamalaking bilang ng boto ang makakapagpaupo ng maksimum na tatlong kinatawan sa Kamara. Kinuwestiyon ito ng mga party-list, pati na ang pamamaraan ng pagkompyut ng Comelec sa kuwalipikadong mga partido para sa Kamara.

Sa isang unanimous decision, kinatigan ng Korte Suprema ang naturang mga petsiyon, na kailangan umanong ipatupad sa pinakamaagang panahon. Si Justice Antonio Carpio ang nagsulat ng desisyon.