Alegasyong pondo ng Balikatan nilustay ng heneral, pinaiimbestigahan

Nanawagan ang Junk VFA (Visiting Forces Agreement) Movement sa Senado na imbestigahan ang alegasyong nilustay ng ilang nakatataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pondong nakalaan para sa RP-US Balikatan Exercises. Isiniwalat ni Navy Lt. Nancy Gadian sa midya noong Miyerkules na ginawang “gatasan” ni retiradong Lt. Gen. Eugenio Cedo, hepe […]

Nanawagan ang Junk VFA (Visiting Forces Agreement) Movement sa Senado na imbestigahan ang alegasyong nilustay ng ilang nakatataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pondong nakalaan para sa RP-US Balikatan Exercises.

Isiniwalat ni Navy Lt. Nancy Gadian sa midya noong Miyerkules na ginawang “gatasan” ni retiradong Lt. Gen. Eugenio Cedo, hepe ng Western Mindanao Command (Westmincom), ang pondong nakalaan para sa Balikatan sa Sulu dalawang taon na ang nakararaan.

Ayon kay Gadian, na nagbitiw mula sa kanyang puwesto sa Navy, sa P46 Milyon na inilaan ng gobyernong US para sa ehersisyo-militar, umabot lamang sa P2.3-M ang nailaan para sa mga tropang Pilipino.

Sinabi ni Roland Simbulan, tagatipon ng Junk VFA Movement, na kung totoo ang alegasyon, pinatutunayan lamang nito na walang katotohanan sa sinasabing benepisyo sa bansa ng Balikatan.

“Lumalabas na mga heneral ang tunay na benepisyaryo ng Balikatan. Kaya patuloy nilang ipinagtatanggol ang Balikatan kahit na palaging nabibigo itong imodernisa ang AFP,” sabi ni Simbulan, propesor din sa Unibersidad ng Pilipinas.

Ayon kay Lt. Gen. Romeo Brawner Jr., tagapagsalita ng AFP, nahaharap si Gadian sa dismissal sa serbisyo sa pagkupit diumano sa P2.3-M na hindi alam ng nakatataas niyang opisyal na si Cedo.

Pero sinabi ni Simbulan na maaaring tugon umano ito ng AFP sa pagsisiwalat ni Gadian. Sa halip umanong protektahan ito at imbestigahan ang mga akusasyon, maaaring hinaharas pa si Gadian at pinagbabantaan ng mga kaso para matakot.

“Nauulit ang tugon ng AFP sa pagsiwalat ng iba pang whistleblowers sa militar tulad nina T/Sgt. Vidal Doble at General Francisco Gudani,” ayon kay Simbulan.

Si Doble ang nagsiwalat sa identidad ni Arroyo sa eskandalong Hello Garci, samantalang si Gudani naman ang nagsiwalat sa pandaraya umano ng Pangulo kasabwat ang mga opisyal ng militar noong halalang 2004.

Isang “kultura ng korupsiyon” ang napapalaganap dahil dito, ayon pa kay Simbulan.

“Pinupuri namin ang katapangan ni Lt./Sg. Gandia at umaasa kaming maprotektahan siya ng Senado,” ani Simbulan.