Ano’ng bago sa ‘Pagbabago’?
Sa sobrang gamit ng salitang ito — laluna sa pulitika — malapit nang maging palasak ang salitang “pagbabago.” Pero hanggang may matatapat na mga nagtataguyod nito, buhay ang pag-asa ng pagbabago. Isang kalipunan ang naglalayon ngayong buhayin ang pag-asang ito.

Gasgas na raw na salita na ang pagbabago. Ginagamit ito mula sa indibidwal hanggang sa bayan, hanggang sa buong mundo. Pero lalo itong nagagasgas kapag malapit na ang eleksiyon. At ang pagbibigay ng kaunting silahis ng pagbabago mula sa isang “lumang kaayusan” – na madalas na isinusuka na ng mga tao – ay napatunayang mabisang pangpukaw sa mga mamamayan.
Matingkad na halimbawa nito ang bitbit na pangakong pagbabago ni Barack Obama nang tumakbo siya sa nakaraang eleksiyon sa US. Gamit ang katagang “Change We Can Believe In,” nagtagumpay si Obama laban sa isang plataporma na hindi na masikmura ng kanyang mga mamamayan at ng mundo.
Sa Pilipinas – na nalalapit na sa isang eleksiyon sa 2010 – uso na rin ang salitang pagbabago. Lahat ng nagpaparamdam ng pagtakbo sa inaasahang eleksiyon ay naniniwalang kailangang may baguhin at palitan. Nagkakaisa ang lahat na kailangan nang alisin ang isang administrasyong batbat ng katiwalian, pandaraya, panunupil, at iba pang kasalanan sa taumbayan.
Nitong nakaraang Mayo 6, 2009, isang bagong koalisyon ang inilunsad laban sa pang-aabuso sa kapangyarihan at korupsiyon sa pamahalaan. Pagbabago ang sigaw nila at ito rin ang pangalan ng koalisyon.
Hindi sila tatakbo sa eleksiyon pero magbabantay sila. Sa isang pahayag, sinabi ng Pagbabago! (Peoople’s Movement for Change) na hindi sila papayag na idikta ng mga basalyos ni Pangulong Arroyo at tradisyunal na pampulitikang partido ang adyenda, pagsasagawa at resulta ng eleksiyon.
Naniniwala ang Pagbabago! na watak-watak ang oposisyon at maaaring samantalahin ito ng administrasyong Arroyo. Ayon sa grupo hindi sila papayag na maging tagamasid na lamang ang taumbayan o kaya’y magamit pa sa darating na eleksiyon na maaaring maging isa na namang “pampulitikang sarsuwela.”
Sino sila?
Itinatag nito lamang Marso 2009, ang pagbabago ay bukas sa mga propesyunal, akademista, manggagawa, magsasaka, artsita, negosyante at iba pang sektor. Basta’t kasama sa layuning yugyugin ang huklubang isyu ng kahirapan, dayaan sa eleksiyon, korupsiyon at iba pang sakit ng lipunan sa pamamagitan ng sustenado at epektibong kilusan ng mga mamamayan.
Pinagbigkis sila ng paglaban para sa tunay na reporma hindi lamang para sa gobyerno kundi sa buong lipunan.
Kasapi ng Organizing Committee ng Pagbabago! si Engr. Rodolfo “Jun” Lozada at aktibo sa mga aktibidad nito bago inaresto noong Abril 29, 2009 sa kasong perjury na isinampa ni dating Presidential Chief of Staff Mike Defensor kaugnay ng pagkakasangkot ng huli sa eskandalong NBN-ZTE.
Kaya ang isa sa mga naging kampanya ng Pagbabago! ang pagbalik ni Lozada sa kustodiya ng Senado na pinagbigyan naman ng korte noong Mayo 7. Bagamat isa itong tagumpay, naniniwala ang Pagbabago! na marami pang panggigipit na daranasin ang whistleblower sa kamay ng administrasyong Arroyo.
Ayon kay Prop. Rolando Tolentino, tagapagsalita ng grupo, napakabalintuna na ang mga sangkot sa eskandalong NBN-ZTE ay hindi pinapanagot sa ibinibintang na korupsiyon habang ang mga naninindigan para sa kung ano ang tama at makatarungan ang siyang ikinukulong.
Naniniwala ang Pagbabago! na ang pag-aresto kay Lozada ay pangungutya sa sistema ng hustisya sa bansa. Minamaliit umano nito ang mga seryosong pagtataguyod ng katapatan at pananagutan sa gobyerno. .
Isa rin umano itong pananakot sa lahat ng whistle blower laban sa korapsiyon at lahat ng anyo ng katiwalian sa gobyerno na ang kanilang paglalantad ay tatatapatan ng pampulitikang panunupil.
Idinagdag ni Toletino na ang paglulunsad ng Pagbabago ay napapanahon dahil mukhang pinatitindi ng gobyernong Arroyo ang paninikil sa mga kritiko nito at kalaban sa pulitika.
Maliban kina Lozada at Tolentino, kasapi rin Organizing Committee ng Pagbabago! sina Sr. Mary John Mananzan; OSB, Prof. Judy Taguiwalo (Faculty Regent, UP); Fr. Joe Dizon (Solidarity Philippines); Bibeth Orteza; Edita Burgos (Desaparecidos); Dr. Carol Araullo (Bayan);
Rey Casambre (Philippine Peace Center); Jigs Clamor (Karapatan); Franz Castro (QCPSTA-ACT); Leni Jara (Council for Health Development); Francis Gealogo (Ateneo-ACT); Arlene Brosas (Akap Bata); Rick Bahaque (Computer Professionals Union); Dr. Giovanni Tapang (Agham); Teri Ridon (League of Filipino Students) at iba pa.
Adyenda ng taumbayan
Kabilang sa mga adyenda para sa pagbabago na inilatag ng grupo ang paglaban sa korupsiyon, pandaraya sa eleksiyon at pamimili ng boto, mahusay na pamamalakad ng gobyerno, tunay na reporma sa lupa, pagpapaunlad ng industriya, pagtatanggol sa karapatang pantao, matagalang kapayapaan, pantay na pagtingin sa kababaihan, makabayang kultura, pagtatanggol sa kalikasan at soberanya at paggalang sa karapatan ng mga Moro at iba pang pambansang minorya.
Bagamat naniniwala ang Pagbabago! na hindi agad na magreresulta sa malakihang pagbabago ang pakikisangkot ng mamamayan sa eleksiyong 2010 dahil dominante pa rin ito ng mga tradisyunal na pulitiko, malaki naman ang papel ng mamamayan sa pagsusulong tunay na pagbabago sa lipunan.
May ulat mula kina Carmie Barsaga at Che Almuena