Ayudang militar ng US sa RP pinapaputol dahil sa pamamaslang

Nanawagan ang mga grupong pangkarapatang pantao ng mga Pilipino sa US na putulin ng gobyernong US ang ayudang militar nito sa Pilipinas dahil sa patuloy na paglala ng paglabag sa karapatang pantao rito. Inanunsiyo ni Katrina Abarcar, tapag-ugnay ng Katarungan: Center for Peace, Justice, and Human Rights in the Philippines, na hiniling nila ang Kongreso […]

Nanawagan ang mga grupong pangkarapatang pantao ng mga Pilipino sa US na putulin ng gobyernong US ang ayudang militar nito sa Pilipinas dahil sa patuloy na paglala ng paglabag sa karapatang pantao rito.

Inanunsiyo ni Katrina Abarcar, tapag-ugnay ng Katarungan: Center for Peace, Justice, and Human Rights in the Philippines, na hiniling nila ang Kongreso ng US na gawing kondisyon sa pagbigay ng ayuda sa gobyerno ng Pilipinas ang pagsugpo sa pampulitikang pamamaslang at iba pang paglabag sa karapatang pantao.

Samantala, sinabi naman ni US Sen. Barbara Boxer (Democrat, California), na nairekomenda na ang panukalang batas sa Senate State Department and Foreign Operations Appropriations na naggagawang kondisyon sa $2 Milyon ayudang mlitar sa Pilipinas ang implementasyon ng mga rekomendasyon ni Prop. Philip Alston, U.N. Special Rapporteur on Extrajudicial, Summary or Arbitrary Executions.

Matatandaang inirekomenda ni Alston sa gobyernong Arroyo na agarang imbestigahan ang mga opisyal ng Armed Forces na pinaghihinalaang salarin sa pamamaslang tulad ni dating Heneral at ngayo’y Rep. Jovito Palparan. Inirekomenda rin ni Alston na ibasura ng gobyernong Arroyo ang planong kontra-insurhensiyang Oplan Bantay Laya.

Sinabi rin ni Alston na kailangang itigil ang mga aksiyon ng Inter-Agency Legal Action Group (Ialag) na nanghaharas umano ng mga aktibista sa pamamagitan ng pagsampa ng mga gawa-gawang kaso laban sa kanila.

Sinabi naman ni US Sen. Patrick Leahy na “ikokonsidera ko ang karagdagang limitasyon sa ayudang militar ng US sa gobyerno ng Pilipinas kung hindi pa rin sapat na natutugunan ang isyung ito.”

“Umaasa kaming hihikayatin ng mga tanggapan ng mabubuting senador na sina Leahy at Boxer ang mga kapwa senador nila para suportahan dito,” ayon kay Abarcar.

Nakatakda umanong magtipon ang Katarungan sa isang summit sa Washington DC sa Hunyo 6 para pagkaisahin ang iba’t ibang organisasyon, institusyon, at indibidwal na nagtataguyod ng karapatang pantao sa Pilipinas.