Kampuhan ng magsasaka binuwag; 9 sugatan

Marahas na binuwag ng mga elemento ng Philippine National Police at sergeant-at-arms ng House of Representatives ang kampuhan ng mga magsasaka sa harap ng Batasan Complex, Quezon City bandang 2:30 ng hapon ngayong Mayo 22. Sa kabila ng pakikipagnegosasyon na pinagunahan ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano, pinalayas ng mga awtoridad ang mahigit 150 magsasaka ng […]

Marahas na binuwag ng mga elemento ng Philippine National Police at sergeant-at-arms ng House of Representatives ang kampuhan ng mga magsasaka sa harap ng Batasan Complex, Quezon City bandang 2:30 ng hapon ngayong Mayo 22.

Sa kabila ng pakikipagnegosasyon na pinagunahan ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano, pinalayas ng mga awtoridad ang mahigit 150 magsasaka ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas na may 40 araw nang nakakampo para igiit ang pagsasabatas ng Genuine Agrarian Reform Bill (GARB).

Ayon sa ulat mula sa Anakpawis Party-list, mahigit 30 pulis at blue guards na may bitbit na mga truncheon ang pumasok sa loob ng mga tent at saka pinaghahampas ang mga magsasaka. Mula sa mga trak ng bombero, binomba din umano ang mga magsasaka.

Siyam na katao ang sugatan sa insidente, ayon kay Cherry Clemente, pangkalahatang-kalihim ng Anakpawis.

Tinawag ni Anakpawis Rep. Maglunsod ang dispersal bilang isang “akto ng barbarismo.”

Binatikos din ng bagong pinasumpang kongresista ang kawalang-respeto sa kanyang opisina na pansamantalang nakatirik sa nasabing kampuhan dahil sa kabiguan ng liderato ng Kamara na bigyan siya ng opisina sa loob ng Batasan Complex.

Aniya, nalabag ang naunang kasunduan ng grupo kay House Speaker Prospero Nograles na hindi bubuwagin ang kampuhan.

“Kalunos-lunos na hindi matanggap ng House of Representatives ang kalayaan ng mardyinalisadong mga mamamayan na magpahayag laban sa mga batas na di epektibo at kontra-mahihirap,” sabi ng kongresista.

Sinabi ni Maglunsod na nagmula pa sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang mga magsasaka na nagkampo para igiit ang pagsasabatas ng GARB o House Bill 3059 at tutulan ang ekstensiyon ng Comprehensive Agrarian Reform Program.

Isang photo exhibit para gunitain ang unang anibersaryo ng pagkamatay ni Anakpawis Rep. Crispin Beltran ang nakatayo rin sa kampuhan bago ito binuwag. Si Beltran ang pangunahing awtor ng HB 3059.