Karapatan: Pagdukot sa Fil-Am, 2 pang aktibista hindi gawa-gawa
Kinondena ng Karapatan and “malisyosong” mga pahayag ng Philippine Human Rights Committee (PHRC) kamakailan na gawa-gawa lamang ng grupong pangkarapatang pantao ang pagdukot sa isang Filipino-American at dalawang iba pang volunteer health workers sa La Paz, Tarlac. Sa isang pahayag noong Mayo 27, sinabi ng PHRC na gawa-gawa lamang ng karapatan at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang […]
Kinondena ng Karapatan and “malisyosong” mga pahayag ng Philippine Human Rights Committee (PHRC) kamakailan na gawa-gawa lamang ng grupong pangkarapatang pantao ang pagdukot sa isang Filipino-American at dalawang iba pang volunteer health workers sa La Paz, Tarlac.
Sa isang pahayag noong Mayo 27, sinabi ng PHRC na gawa-gawa lamang ng karapatan at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang pagdukot kina Melissa Roxas, Juanito Carabeo at Edward Handoc noong Mayo 19 dahil walang ulat ng kaso na nakasampa sa lokal na gobyerno at pulisya.
Pero ayon kay Marie Hilao-Enriquez, pangkalahatang kalihim, hawak ng Karapatan ang police report noong Mayo 20 hinggil sa pagdukot ng tatlong katao kung saan narinig ng mga kapitbahay sa Sitio Bagong Sikat, Bgy. Kapanikian ang isang babaeng sumigaw ng kanyang pangalan na “Elisa Roxas” habang pinupuwersa ng di pa nakikilalang mga armadong kalalakihan sa loob ng isang sasakyan.
Pirmado umano ang ulat ni La Paz Police Chief Inspector Ronald R. Fernandez.
Gayundin, sa isang sulat ng Police Anti-Crime and Emergency Response (PACER) sa Karapatan noong Mayo 26, sinabi rin nitong iniulat sa kanila ni Tarlac Provincial Police Office Director Rudy Lacadin ang insidente noong Mayo 25.
Sinabi ni Hilao-Enriquez na sa halip na imbestigahan ang mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao ng opisinang nilikha sa ilalim ng Office of the President, sinisiraan nito ang mga grupong tagapagtaguyod ng karapatang panto.
“Gawin niyo muna ang inyong trabaho; huwag niyong aksayahin ang pera ng taumbayan sa pagkakalat ng maling balita. Kumita na yan sa panahon ng martial law!” aniya pa.
Kinumpirma ng Bayan ngayong linggo na inilitaw na ang tatlong dinukot na aktibista at ngayo’y nasa ligtas na pangangalaga.
Si Roxas ay isang American citizen na miyembro ng Bayan-USA at grupong pangkulturang Habi Arts, na naka-base sa Los Angeles City. Bago ang insidente, may dalawang taon na siyang nasa bansa para tumulong sa iba’t ibang grupong nagtataguyod ng karapatang pantao.
Siya ang unang Filipino-American na dinukot sa ilalim ng gobyernong Arroyo.