Istorya ng Linggo

Arroyo bilang punong ministro atbp. posible sa mundo ng Con-Ass


Posible ang lahat dito sa Pilipinas, si House Espiker Prospero Nograles mismo ang nagsabi. Kapag natipon ang Constituent Assembly, alin sa Konstitusyong 1987 ang posibleng galawin at para sa anong layunin?

Pangulong Arroyo: tatakbong kongresista ng Pampanga, tungo sa pagiging punong ministro?
Pangulong Arroyo: tatakbong kongresista ng Pampanga, tungo sa pagiging punong ministro?

Si House Espiker Prospero Nograles na mismo ang nagsabi, kinaumagahan ng pagpasa ng Kamara sa House Resolution 1109: “Here in the Philippines, everything is possible under the sun.” (Posible ang lahat dito sa Pilipinas)

Tugon ito ni Nograles sa tanong ng mga mamamahayag kung titipunin ang Constituent Assembly pagkatapos ng State of the Nation Address ni Pangulong Arroyo sa Hulyo. Pero tila sasapat din itong tugon sa tanong na umuukilkil ngayon sa utak ng mga Pilipino: Saan patungo ang binabalak na Con-Ass? Ano ang posibleng mga pagbabago sa Konstitusyong 1987 ang ipapanukala ng mga kaalyado ni Arroyo?

Higit pang kapangyarihan

Pinakamatingkad at nakakatakot na posibilidad, ayon sa mga kumokontra sa Con-Ass, ang pagpapahaba ng termino o term extension ni Pangulong Arroyo. Ito ang maitim na adyendang nasisipat—at nilalabanan—ng mga grupo mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan, pulitiko ng oposisyon, taong simbahan, at personalidad.

Noon pa mang 2006, nang unang itulak ng gobyernong Arroyo ang Charter Change, inilatag na ng mga kaalyado ng pangulo sa Kamara ang batayan para sa posibleng pagpapahaba ng termino ni Arroyo.

Sa mga pagbabagong ipinanukala ng House Committee on Constitutional Amendments, maililipat sa isang Punong Ministro ang lahat ng kapangyarihang ehekutibo na sa kasalukuya’y nasa kamay ng pangulo. Ihahalal ang punong ministro ng mga miyembro ng parlamento. Gaya ng pangulo, may immunity from suit ang Punong Ministro at maaari lamang mapatalsik sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment.

Kamakailan lamang, kinumpirma ng mga kaalyado ni Arroyo na sina Presidential Legal Counsel Raul Gonzalez at Kal. Nasser Pangandaman ng Department of Agrarian Reform ang matagal nang usap-usapang tatakbo bilang kinatawan ng Pampanga si Arroyo, na may 16 beses nang bumisita sa kanyang hometown province simula Pebrero.

“Pinatotohanan nito ang mga takot na ang ultimong layunin ni Arroyo ay tumakbong punong ministro sa ilalim ng isang parlamentaryong gobyerno,” reaksiyon ni Sen. Loren Legarda.

Lumalabas na hindi lamang ang mga pulitiko na may sariling ambisyon para sa 2010 ang may ganitong takot. Mayorya ng mga Pilipino o 67.3% ang naniniwalang term extension ang tunay motibo ng Cha-Cha, kung paniniwalaan ang  sarbey ng Ibon Foundation, isang indipendiyenteng think-tank. Isinagawa ang sarbey noong Abril 17 hanggang 26, bago pa man ipinasa ang resolusyon sa Con-Ass.

Pagkakait sa party-list

Idinagdag pa ng sarbey ng Ibon na 69.5% ng mga Pilipino ang hindi pabor sa parlamentaryong sistema ng gobyerno.

Kung babalikan, kabilang sa mga mga pagbabago sa ilalim ng parlamentaryong sistema ng gobyerno ang pagtanggal sa limitasyon sa bilang ng mga maaaring ihalalal sa parlamento (sa ilalim ng Konstitusyon, nasa 250 ang maksimum na bilang ng mga kinatawan sa Kamara). Magmumula rin sa parlamento ang 2/3 ng mga miyembro ng Gabinete, na siyang itatalaga ng Punong Ministro.

Sa pagsusuri ng Center for People’s Governance and Empowerment o CenPeg, isang sentro para sa pampublikong polisiya na kritikal sa Cha-Cha, lalong makokonsentra ang kapangyarihang ehekutibo sa kamay ng isa o iilan.

Wala rin umanong kaseguruhan na mananatili sa sistemang parlamentaryo ang mga kinatawan ng party-list. “Maaaring ipagkait sa mga progresibo at patriyotikong elemento ng party-list ang lehislatura, kung saan itinaguyod nila ang pulitika ng pagbabago at nilabanan ang makasariling interes ng political elite sa nakaraang mga taon,” sabi ng CenPeg.