Husgahan Natin

Con-Ass: Bakit inaayawan ng taumbayan?

Sa susunod na linggo ay isa na namang pagkilos  ang gagawin laban sa panukalang baguhin ang ating Saligang Batas sa pamamagitan ng  Constituent Assembly (Con-Ass). Noong unang ginawa ang protesta tungkol rito sa Lunsod ng Makati, mga 15,000 hanggang 20, 000 katao kaagad ang dumalo   Sa mga susunod na protesta, inasahang marami pa ang dadalo. Bakit ganun na […]

Sa susunod na linggo ay isa na namang pagkilos  ang gagawin laban sa panukalang baguhin ang ating Saligang Batas sa pamamagitan ng  Constituent Assembly (Con-Ass). Noong unang ginawa ang protesta tungkol rito sa Lunsod ng Makati, mga 15,000 hanggang 20, 000 katao kaagad ang dumalo   Sa mga susunod na protesta, inasahang marami pa ang dadalo.

Bakit ganun na lamang ang pagkamuhi ng publiko sa Con-Ass?

Una, dahil sa pamamaraan ng pagpapatawag nito. Matatandaan na ang panawagan para simulan ang Con-Ass ay ginawa ng House of Representatives sa pamamagitan ng isang resolusyon, ang House Resolution No. 1109. Prinsipal na awtor ng resolusyong ito si Rep. Luis Villafuerte, mahigpit na kaalyado ni Pang. Arroyo. Dumaan ang resolusyon sa Committee on Constitutional Amendments na pinamumunuan ni Rep. Victor  Orega, isa pang kaalyado ng pangulo. Nagpatawag ng public hearing ang komite kung saan inimbitahan si Father Joaquin Bernas at dating Supreme Court Justice Vicente Mendoza, kapwa dalubhasa sa constitutional law.

Sa naganap na public  hearing, pinaliwanag ni Father Bernas at Justice Mendoza na ang  pagbabago sa Saligang Batas sa pamagitan ng Con-Ass  ay magagawa lamang  kung 3/4 ng mga kasapi ng  House of Representatives at 3/4 ng mga kasapi ng  Senado ay sumang-ayon dito. Sa madaling sabi, sa House of  Representatives,  dahil may 250 tayong kongresista, dapat ay 3/4 o 197 sa kanila ang sasang-ayon. Sa Senado naman, dahil may 24 tayong senador, dapat ay 17 ang sasang-ayon. Pagkatapos nito, ipapasa ang panukala sa taumbayan sa pamamagitan ng isang plebesito. Kung aaprubahan ng karamihan ang nasabing mga panukala, saka lamang ang mga ito magkakabisa.

Nilinaw nina Father Bernas at Justice Mendoza na hindi maaring iwanan ng House of Representatives ang Senado sa ganitong gawain. Dapat laging kasama ang Senado bagama’t magkakaroon ng hiwalay na botohan. Ibig sabihin, sa pagkuha ng 3/4 na boto ay hindi dapat pagsamahin ang boto ng dalawang kapulungan. Dapat bilangin muna ang 3/4 na boto ng mga kongresista nang hiwalay  sa  3/4  na boto ng mga senador.

Ganito ang sistema dito sa ating bansa kapag gumagawa ng ordinaryong batas. Kailangan ang majority vote ng Kongreso na hiwalay sa majority vote ng Senado . Ito ay sa dahilang bicameral ang ating sistema. Dalawang kapulungan ang bumubuo sa ating Kongreso.  Puwes, ganun din dapat sa pagrerebisa o pag-aamyenda ng Saligang Batas.

Kung sa pagbabago ng batas, kailangan ang hiwalay na pagsang-ayon  ng mga senador at kongresista, sa pagbabago ng Saligang Batas pa kaya?

Oo nga’t hindi ito nababanggit  sa ating Saligang Batas ang magkahiwalay na pagsang-ayon ng  Senado at Kamara. Ngunit ang pagbibigay ng kahulugan sa ating Saligang Batas ay dapat ilagay sa  tamang konteksto. Ang Saligang  Batas ay hindi dapat bigyan ng literal na kahulugan: dapat itong unawain ayon sa intensyon ng mga gumawa nito. Dahil ang  ating Kongreso ay binubuo ng dalawang kapulungan, natural lamang na  kailangan ang magkahiwalay na pagsang-ayon ng bawat kapulungan sa pagbabago ng  ating Saligang Batas.

Ngunit lahat ng paliwanag tungkol sa tamang proseso ng pagbabago ng Saligang  Batas ay binale-wala ng Komite. Sa kabila ng paliwanag ni Father Bernas at Justice Mendoza, ipinasa nila ang Resolusyon  tungkol sa Con-Ass na hindi nagbabanggit ng hiwalay na pagsang-ayon ng Senado tungkol sa bagay na ito.

Pagdating sa plenaryo ng House of Representatives, walang paligoy-ligoy itong inaprubahan ng mga kongresista. Hindi na  dumaan sa normal na debate ang Resolusyon No. 1109  kundi  agad na sinang-ayunan ng mga kongresista  sa pamagitan ng viva voce.

Ang implikasyon ay itutuloy ng mga kongresista  ang pagbabago ng Saligang Batas kahit hindi ito aprubado ng Senado. Ngunit  paano kung  haharangin  ito sa Korte Suprema?  Sa kasalukuyan, halos lahat ng justice sa Korte Suprema ay nilagay ni Pang. Arroyo. Ito marahil ang dahilan kung bakit walang takot ang mga kongresista sa kanilang ginagawa – dahil umaasa silang kakampihan sila ng Korte Surprema.

Bakit atat na atat silang mabago ang  ating Saligang Batas?

Una ay upang panatilihin si Pang. Arroyosa kapangyarihan. Umaasa ang mga alipores ng pangulo na mababago nila ang sistema ng pamahalaan mula sa pagiging presidensyal hanggang parliyamentaryo. Kung parliyamentaryo na ang gobyerno, maari nang tumakbo bilang punong ministro si Pang. Arroyo at mananatiling pinuno ng pamahalaan. Sa ganun ay tuloy ang masasayang araw ng kaniyang mga alipores.

Pangalawa, ay dahil sa  utos ng mga imperyalistang bansa na gustong malubos ang pagkalubog ng  ating bansa sa kumunoy ng globalisasyon. Gusto nilang palitan ang makabayang mga probisyon ng  ating Saligang Batas upang padaliin ang pagpasok ng mga dayuhan sa ating pambansang ekonomiya.

Ito ang dahilan kung bakit muhing-muhi ang sambayanan sa panukalang Con-Ass ng Kamara. Ito ang dahilan kung bakit dumagsa ang mga dumalo sa unang kilos-protesta laban dito.

At  ito rin ang dahilan kung bakit ka dadalo sa  mga susunod pang kilos-protesta sa mga  araw na darating. Magkikita tayo roon kaibigan, hindi ba ?