Con-Assan ka, andun kami! Wala kang ligtas. Belat.

June 15, 2009

lobby

kamara de representantes

Mahilig tayo sa joke. Kahit pang-asar lang o pangbira sa kalaban, epektibo ang mga biro: Umaaray ang tinatamaan, nasasaktan ang may kasalanan.

Kaya ngayong panahon ng House Resolution 1109, hayaan nating paganahin ang katatawanang Pinoy. Umaray na ang dapat umaray. Masaktan na ang dapat masaktan. Basta tayo, tawa lang nang tawa kahit nagpoprotesta.

Distrust kay GMA

Bago mag-eleksiyon noong 2004, nangako si GMA na hindi na siya tatakbo. Pero nagbago ang kanyang isip. Ngayon, wala raw siyang kinalaman sa pagpasa ng HR 1109. Wala ring term-extension na magaganap. Pasyal siya nang pasyal ngayon sa Pampanga dahil napapabalitang tatakbo siya bilang kongresista at kung matutuloy ang cha-cha ay maging prime minister. Itinanggi na rin ito ni GMA. Tigilan na raw ang paratang na hindi siya bababa sa poder sa 2010. Pramis!


Presidentiables

Ayaw sa charter change: tatakbo pa raw sila.

Mar: Tumakbo kayo. Basta ako, magpapadyak!

Atake ng Terorista

Kung ang US inatake ng mga tinerorize noong 9-11

Ang Pilipinas tinerorize gamit ang 1109

Climate change

Ramdam na kahit ng mga pulitiko ang climate change. Noong Hunyo 4 ng madaling-araw – kung kailan apurahang ipinasa ang HR 1109 – umulan daw sa bandang Batasan. Umulan ng pera. Bagamat malakas ang buhos ng pera, nilampasan daw ng buhos ng biyaya ang mga kongresistang bumoto laban sa pagpasa ng HR 1109.

May breeding

Samantala, nagalit umano ang mga kongresistang bumoto pabor sa HR 1109 sa mga maiingay na kongresistang tumututol sa naturang panukala. Wala daw “breeding” ang mga ito. Hindi tulad nilang nagmula sa iba-ibang breed; may german shepherd, bull dog, pit bull, chow, labrador at iba pa…

Nainsulto si Noggie

Galit na galit si Speaker Prospero Nograles Jr. sa tila walang modong pagbabansag sa kanya na “Noggie.”

“Walang respeto! Mahiya sila sa kanilang pagmumukha! Nakakainsulto! Hindi ba nila alam na Speaker of the House ako? Marangal ako!” nagpupuyos na sigaw ni Nograles.

Paliwanag niya, hindi raw Noggie ang tunay niyang palayaw, kundi:

“Doggie.”

Aw! Aw!

Bantay-Sarado

Sinisiguro ng Philippine National Police (PNP) na bantay-sarado ang mga kalsada sa Miyerkules, Hunyo 10. Hindi nila umano papayagang magkagulo ang crowd sa kalsada sa araw na iyon, habang nagkokonsiyerto ang Pussycat Dolls.

Lider-raliyista

Sa unang pagkakataon sa kanyang karera bilang pulitiko, pangungunahan ni Sen. Mar Roxas ang malaking bulto ng mga demonstrador sa Ayala Avenue sa Hunyo 10.

“Manggagaling pa kami sa Cubao. Libu-libo kami, na magpapaliban muna sa hanapbuhay para kondenahin ang Con-Ass ni Gloria!” sabi ni Sen. Mar sa isang panayam.

Pero hindi raw magmamartsa ang mga raliyista na pangungunahan ni Sen. Mar. Pangungunahan kasi niya ang libu-libong militanteng pedicab driver.

“Padyak lang ng padyak!”

Babala sa Mahilig sa Energy Drink

Nagbigay ng babala ang Department of Health sa taumbayan na huwag munang uminom ng mga energy drink dahil lumalabas na posibleng may Cocaine at iba pang droga ang mga inuming ito.

Samantala, sa palikuran ng Batasan Pambansa, tambak-tambak ang bote ng Cobra.

Adik!

Lumabas na negatibo si Hayden Kho sa drug test ng PDEA. Pati ang nanay niya na si Mrs. Kho na akala ng marami’y bangag nang magsalita sa telebisyon kamakailan ay lumabas ring negatibo rin sa drug test.

Nagkamali pala ang PDEA.

Akala nila si Hayden at Mrs. Kho ang order para sa drug test. Para kay Rep. Antonio Kho pala yun ng House of Representatives. Nagduda kasi ang PDEA sa parang bangag na pagboto ni Rep. Kho na pabor sa Con-Ass.

Kakanta

Nagprisinta si Nicole Scherzinger ng Pussycat Dolls na kakanta siya ng Pambansang Awit sa susunod na laban ni Manny “Pacman” Pacquiao.

Pero mahihirapan yata siya. Dahil kakumpetensiya niya sa mga gustong kumanta si:

Cezar Mancao.

Mangkukulam

May black magic daw si Gloria. Kinukulam niya ang lahat ng kalaban niya sa pulitika:

Namatay si FPJ.

Namatay si Raul Roco.

Nagkakanser si Cory Aquino.

Nagkasakit pati si JDV.

Epektibong epektibo ang kanyang pangkukulam. Si Mike Defensor kasi ang ginagawa niyang Voodoo Doll.