Mapait na karanasan ni Melissa sa landas ng kamulatan

Pumunta lamang sa Pilipinas si Melissa Roxas para kilalanin ang bansang pinagmulan ng mga magulang niya. Sa prosesong ito, nakilala niya ang kalupitan ng gobyernong Arroyo — pati na rin ng gobyernong US — sa mga mamamayang gusto lamang baguhin ang kanilang abang kalagayan.

Melissa Roxas: Nagnais alamin ang kalagayan ng bansang pinagmulan ng kanyang mga magulang. (Larawan mula sa Bayan-USA)
Melissa Roxas: Nagnais alamin ang kalagayan ng bansang pinagmulan ng kanyang mga magulang. (Larawan mula sa Bayan-USA)

Piniringan, pinosasan buong panahon, sinampal (o sinuntok) sa panga at katawan.

Ito ang ilan lamang sa mga naranasan ni Melissa Roxas, aktibistang Pilipino-Amerikano na dinukot ng pinaghihinalaang mga militar sa La Paz, Tarlac noong Mayo 19 at pinalaya noong Mayo 25. Nagboboluntir si Melissa para sa isang serbisyong medikal ng militanteng mga organisasyon sa Tarlac nang madukot siya at dalawang kasamahan. Sa kamay ng diumano’y sundalo, naranasan ni Melissa ang karahasang matagal na niyang nilalabanan bilang aktibista sa US.

Ang masaklap, ayon kay Berna Ellorin, kapwa Fil-Am at tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-USA na organisasyon din ni Melissa sa Los Angeles, USA, US citizen si Melissa. Ibig sabihin, tinortyur at tinangkang patayin siya ng militar ng Pilipinas na pinopondohan at sinasanay ng gobyernong US na binubuwisan ni Melissa.

“Balisa kami na ipinasailalim si Melisa sa isang karumaldumal, di-makatao, at lantarang ilegal na pagtrato na resulta ng kontra-insurhensiyang witchhunt ng gobyernong Pilipino,” sabi ni Ellorin.

Boluntir

Marami ang mga Pilipino-Amerikano na tulad ni Melissa na pumupunta sa bansa para makilala ang bayang pinagmulan nila.

Sa kanyang sinumpaang salaysay sa insidente ng pagdukot sa kanya, ikinuwento ni Melissa ang layunin niya sa pagpunta sa Pilipinas: “Nag-aplay ako para sa isang exposure program sa Pilipinas, na siyang pinagmulan ng mga magulang ko, sa pamamagitan ng Bayan-USA na miyembro ako para kumalap ng materyales sa isang proyektong sulatin bilang miyembro rin ng Habi Arts, isang community arts-based organization na nakabase sa Los Angeles, California.”

Sa kanyang exposure, humigit pa sa pangangalap ng materyales para sa isang sulatin ang nagawa ni Melissa. May background kasi siya sa mga isyung pangkalusugan, bilang gradweyt ng University of California San Diego sa kursong BS Animal Physiology and Neuroscience at BA Third World Studies na may minor sa Health Care and Social Issues. Tamang tama, nakatulong siya sa pagsasagawa ng mga sosyo-sibikong aktibidad ng Bayan sa Tarlac, laluna sa mga liblib ng lugar tulad ng La Paz.

Noong Mayo 19, ani Melissa, nasa La Paz siya para tumulong sa pag-oorganisa ng isang medical mission. Doon, habang humihimlay sa isang bahay (nanonood daw siya ng TV, tanghaling tapat, 1:30 ng hapon), humigit-kumulang sa 15 armadong kalalakihan na may suot na bonnet ang pumalibot sa bahay at puwersahang pumasok sa bahay. Tinutukan ng baril ang mga taong nasa bahay kabilang si Melissa.

“Sinubukan nilang i-tape ang bibig ko pero napigilan ko ito at gusto nilang posasan ako pero nalabanan ko at mahigit limang tao ang nagtulung-tulong sa akin, sa paghawak sa mga kamay at binti ko…[P]atuloy na nagpumiglas ako at sumigaw sa may-ari ng bahay na, ‘Kuya, tulungan mo ako’,” sabi ni Melissa.

Sinigaw niya ang pangalan niya pero ilang ulit siyang sinuntok sa kanyang tagiliran at pinasok sa isang van na kulay asul 15 metro ang layo mula sa bahay.

Dinala silang tatlo sa isang di-alam na lugar kung saan ikinulong si Melissa sa isang kuwartong “may rehas.” Nanatili siyang nakapiring at nakaposas sa likod niya.

Pagkadukot, tinortyur

“Sa dalawang araw ko roon, nakarinig ako ng gawaing construction — blowtorching, pamumukpok, at ingay sa construction…Nakarinig din ako ng mga putok ng baril sa isang firing range at mga eroplanong lumilipad at luma-landing at maingay ito…” salaysay pa ni Melissa.

Ayon kay Marie Hilao-Enriquez, pangkalahatang kalihim ng Karapatan na binigyan ng special power of attorney para magsalita sa ngalan ni Melissa, may pagkakahawig ang pagsasalarawan ng Fil-Am sa pagsasalarawan din ni Raymond Manalo sa lugar kung saan ikinulong sila ng kanyang kapatid. Malamang, aniya, na dinala si Roxas sa Fort Magsaysay, kampo ng Philippine Army sa Nueva Ecija.

Sa sumunod na mga araw, inenteroga si Melissa ng mga dumukot sa kanya. Pinagbintangan diumano siyang miyembro ng “CPP NPA” pero sinagot ni Melissa na “may karapatan din ako.”

Sa sumunod na mga araw, patuloy siyang inenteroga at pisikal na sinaktan (“sinuntok ako sa aking upper sternum at sumakit ito at pagkatapos may idiniing hinlalaking daliri sa aking lalamunan…”).

Pinuwersa umano siyang papirmahin sa isang dokumento pero tinanggihan ito ni Melissa.

Mayo 25 nang palayain siya sa kanyang bahay sa Quezon City. Binigyan siya ng cellphone dahil “patuloy daw nila akong imomonitor.”

Hanggang ngayon, mental na tortyur

Balisa si Melissa nang datnan siya ni Enriquez sa bahay sa Quezon City ilang araw matapos palayain. Natatakot umanong kahit lumabas sa kuwarto. Mental na tortyur pa rin ang nararanasan niya, lalupa’t iniwanan ng cellphone para patuloy na “mamonitor.”

Ayon kay Dr. Reggie Pamugas ng Health Action for Human Rights na siyang nag-eksamen kay Melissa, matindi ang pisikal na tortyur na dinanas ng Fil-Am na aktibista, pero buwan o taon pa raw ang lilipas bago tuluyang makerekober si Melissa sa sikolohikal na tortyur, kabilang ang takot na mamamatay siya habang nasa kustodiya ng mga dumukot sa kanya.

Sinabi naman ni Enriquez na batay sa sirkumstansiyang inilahad ni Melissa, nakakatiyak silang militar ang dumukot kina Melissa at sa dalawa pa niyang kasamahan na sina Juanito Carabeo at John Edward Tandoc.

Lumipad na pabalik sa US si Melissa noong nakaraang linggo, ayon kay Enriquez. Umaasa silang aalalayan ng mga kasamahan sa Bayan-USA si Melissa bilang rehabilitasyon mula sa mapait na sinapit sa kamay ng diumano’y militar.

Samantala, nakumpirmang pinalaya rin ang isa sa dalawang kasamahan ni Melissa na si Carabeo. Hindi pa rin nakukumpirma ng Karapatan kung tiyak ngang pinalaya na ang pangalawang kasamahan na si Tandoc, kung kaya itinuturing pa rin nilang nawawala ito.

Kontra sa sinasabi ng Palasyo

Pinabulaanan ng Karapatan ang pahayag ng Presidential Human Rights Commission na gawa-gawa lamang ng naturang grupong pangkarapatang pantao ang pagdukot. Pinabulaanan din nila ang pahayag ni Executive Secretary Eduardo Ermita na “NPA ang dumukot” kay Melissa.

Ayon kay Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan, “Sa huling pagkakaalam namin, wala namang eroplano ang NPA.”

Sinabi naman ni Aya Santos, pangkalahatang kalihim ng Desaparecidos, organisasyon ng mga kaanak ng mga dinukot at nawawala, na patunay ang kaso ni Roxas na nagpapatuloy ang pagdukot ng mga militar sa mga aktibista.

“Nagpapatuloy ang pagpapatupad ng Oplan Bantay Laya,” sabi pa ni Santos. Oplan Bantay Laya ang programang kontra-insurhensiya ng gobyernong Arroyo na ayon sa mga grupong pangkarapatang pantao ay tumatarget diumano sa ordinaryong mga sibilyan na pinaghihinalaang sumusuporta sa insurhensiya.

Sa pahayag ng PHRC, binanggit nito ang isang internasyunal na organisasyon, ang Asian Federation Against Disappearances (AFAD), para sabihing walang katotohanang dinukot nga si Melissa at sina Tandoc at Carabeo.

Pero pumalag ang AFAD. Anila, “Our Federation is shocked by the content of the said statement, citing us as one of the sources of the information related to the above-mentioned case. We categorically deny ownership of the information mentioned in the statement as a source of our alleged initial investigation…

Kinondena rin ng AFAD ang pahayag ng PHRC na “mas kredible” naorganisasyong pangkarapatang pantao ang AFAD kaysa sa Karapatan. Anila, habang independiyente ang kanilang organisasyon, patuloy silang nakikipag-ugnayan sa Karapatan na pinupuruhan din ng paninira at harasment ng militar.

Hinala ni Enriquez at Reyes na may kinalaman ang pagiging citizen ni Roxas ng US kaya siya pinalaya. Ani Reyes, maaaring natatakot ang militar sa epekto ng balita na may nawawalang US citizen at pinaghihinalaan sila.

Para naman sa Bayan-USA, panahon na para patunayan ng gobyerno ni Barack Obama na di ito sang-ayon sa mga paglabag sa karapatang pantao, laluna sa mga citizen nito.

“Kailangang singilin ang may kagagawan sa nagsagawa ng tortyur, hanggang sa gobyernong US na nagbibigay ng ayudang militar at pagsasanay sa militar ng Pilipinas,” ani Ellorin.