Istorya ng Linggo

Resesyon, titindi dahil sa Con-Ass


Nasa bingit na ng resesyon ang Pilipinas. Sa tangka sa Kamara na tipunin ang Constituent Assembly, lalo pang malalagay sa alanganin ang tagibang nang ekonomiya at patitindihin ang sigalot sa pulitika sa bansa.

Ekonomiya ng bansa: nasa bingit na ng resesyon. Dahil dito, lalong babagsak ang kakayahan ng ordinaryong mga mamamayan na mamili ng batayang mga pagkain. Hihina ang ekonomiya dahil sa papaunting ginagastos ng mga mamimili. (Soliman Santos / PW File Photo)
Ekonomiya ng bansa: nasa bingit na ng resesyon. Dahil dito, lalong babagsak ang kakayahan ng ordinaryong mga mamamayan na mamili ng batayang mga pagkain. Hihina ang ekonomiya dahil sa papaunting ginagastos ng mga mamimili. (Soliman Santos / PW File Photo)

Lugmok na ang ekonomiya ng Pilipinas. At kung paniniwalaan ang mga eksperto, masasabing lalo lamang itong sasadsad sa pagtatangka ng Kamara na magbuo ng isang Constituent Assembly (Con-Ass) para sa mga pagbabago sa Saligang Batas.

Ayon sa Ibon Foundation, isang independiyenteng institusyon sa pananaliksik, kabilang sa inaasahang mga panukala ang 100 porsiyentong dayuhang pagmamay-ari sa mga negosyo at lupain na siyang magpapabagal sa ekonomiya ng bansa.

Hindi lang iyan, ayon sa Ibon. Magdudulot umano ng matinding political instability sa bansa ang pagmamadali ng mga kaalyado ng pangulo na ipasa ang House Resolution 1109. Ang aktuwal namang pagkakaroon ng Cha-Cha na magbubukas sa ekonomiya ng bansa sa dayuhang mamumuhunan at kapital ay epektibong magsasantabi sa kapakanan ng lokal na ekonomiya at taumbayan. Ang resulta, ibayong kahirapan.

Lalo na ngayong panahon ng krisis at resesyon.

Resesyon sa Pilipinas?

Noong nakaraang taon pa sumasailalim sa resesyon ang Pilipinas, ayon sa Ibon. Batayan umano nito hindi lamang ang bagsak na growth rate, kundi ang paglaki ng bilang ng walang trabaho at tumitinding kahirapan ng taumbayan.

Sa pananaliksik ng grupo, pumapalo na ng 10.7 milyon ang bilang ng unemployed at underemployed. Noong 2008, mahigit 11 porsiyento na ng lakas-paggawa ang walang trabaho at dahil sa pagtindi ng krisis pang-ekonomiya, lalo pa itong lumalaki. Matatandaang ang pagbubukas ng 2009 ay isinalubong ng malawakang tanggalan ng mga manggagawa sa mga export processing zone at industrial park sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Bagama’t nakapag-empleyo ang mga ito ng signipikanteng bilang ng mga manggagawa, hindi pa rin nito mahahabol ang napakalaking bilang ng tanggalan kada buwan mula pa noong huling kuwarto ng 2008.

Samantala, umabot na umano sa 4.7 milyong pamilya o 26.7 milyong Pilipino ang naghihirap noong 2006. Sa kanilang sarbey nito lamang Abril, pito sa sampung Pilipino umano ang nagsasabing sila ay naghihirap.

Sa kabila nito, argumento ng pamahalaan, hindi masasabing sumasailalim ang bansa sa resesyon. Ayon sa Malakanyang, hindi pa nagkakaroon ng dalawang magkasunod na kuwarto na negatibo ang pag-unlad ng gross domestic product o GDP ng bansa, na siya namang pamantayan sa pagdedeklara ng resesyon.

Pero ayon sa Ibon, hindi ito aplikable sa Pilipinas kung saan ang datos ng pag-unlad ay siya ring indicator ng mahinang pag-unlad ng ekonomiya.

Ayon sa grupo, tuluy-tuloy ang paglagapak ng GDP ng bansa sa nakaraang mga taon hanggang unang kuwarto ng 2009. Noong 2007, ang GDP growth rate ay 7.1 porsiyento lamang. Bumagsak ito sa 3.8 porsiyento noong nakaraang taon at sa unang tatlong buwan ng taong kasalukuyan, 0.4 porsiyento na lamang ito. Sa kanilang pag-aaral, kung hindi tataas ang growth rate sa nalalabi pang mga kuwarto ng 2009 gaya ng inaasahan, haharapin ng bansa ang pinakamatinding pagbulusok ng ekonomiya mula noong 1984-1985, mga taon bago maganap ang unang People Power. Kabilang din ito sa mga panahon kung saan sinasabing sumailalim ang bansa sa resesyon, kasama ang mga taong 1991 at 1998.

Sa hiwalay na pag-aaral, napag-alaman rin ng Ibon na umaalagwa na ang fiscal deficit ng pamahalaan. Mula pa lamang noong Enero hanggang Abril, umaabot na ito ng P111.8 Bilyon. Maaari umano itong mag-resulta sa paglaki ng kinakailangang pambayad ng utang panlabas, pagnipis ng pondo para sa serbisyong panlipunan at lalo pang pagtaas ng buwis.

Hindi nararamdaman ng mga mamamayan ang pinagmamalaking pag-unlad ng bansa sa mga nakaraan taon, partikular noong 2007 kung saan naitala umano ang pinakamabilis na pag-unlad ng ekonomiya sa loob ng 30 taon. Sa halip, kawalang trabaho, pagbaba ng sahod, kakulangan sa serbisyong panlipunan at ibayo pang kahirapan ang naranasan ng mamamayan, giit ng grupo.

Ekonomiya sa ‘bagong Saligang Batas’

Sa pagbabago umano ng Saligang Batas, “uulitin ng kasalukuyang pamahalaan ang nabigong neo-liberal na balangkas at isusuko ang [lokal na] ekonomiya sa dayuhang kapital.” Malaking bahagi ng planong pagbabago sa Konstitusyong 1987 ay may kinalaman sa foreign economic relation ng bansa.