Sa kabila ng malakas na ulan, nagsitigil-pasada ang mga drayber ng jeepney sa Litex, Quezon City para kondenahin ang sinasabing manipulasyon ng mga kompanya ng langis sa presyo ng langis. Pinangunahan ng Pagkakaisa ng mga Tsuper at Operators Nationwide o Piston ang naturang pagkilos. (Ronalyn V. Olea / bulatlat.com)Lumabas din ng kalsada ang mga drayber ng jeepney at mga tagasuporta nila sa Davao City para iprotesta ang di makatarungan umanong mga pagtaas ng presyo ng langis kamakailan. (Keith Bacongco / AKP Images)
Dagdag-pasanin ang linggo-linggong taas-presyo ng langis. Daing ng transport group na Piston, umabot na sa P7.25 kada litro ang kabuuang itinaas sa presyo ng diesel sa loob ng isang buwan.
Halos linggo-linggo kung magtaas ng presyo ng langis na sasabayan pa ng pagtaas ng singil sa kuryente. Sa patong-patong na taas-presyo, hindi na sumasapat ang pagtitipid.
Para sa isang minimum wage earner, hindi nga kalabisan kung sasabihing wala nang matitira para sa iba pang pangunahing na bilihin at serbisyo. Lalo pa dahil hindi naman sumasabay ang sahod ng mga manggagawa sa kaliwa’t kanang dagdag-singil.
Nitong Setyembre 5, muling nagtaas ng presyo ang malalaking kompanya ng langis. Kung susumahin, umaabot na sa P14.40 kada litro ang itinaas sa diesel, P9.65 kada litro naman sa gasolina at P13.74 kada litro sa kerosene mula Hulyo 11.