Pulong nina Obama at Arroyo, kinuwestiyon
Walang pakinabang sa taumbayan ang napipintong pagpupulong nina Pangulong Arroyo at US Pres. Barack Obama sa Hulyo 30, ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan). “Balak gamitin ni Arroyo at Obama ang pagpupulong para sa sarili nilang interes. Kailangan ni Arroyo ng publicity para sa kanyang bumabagsak na rehimen. Kailangan naman ni Obama na tiyakin ang […]
Walang pakinabang sa taumbayan ang napipintong pagpupulong nina Pangulong Arroyo at US Pres. Barack Obama sa Hulyo 30, ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).
“Balak gamitin ni Arroyo at Obama ang pagpupulong para sa sarili nilang interes. Kailangan ni Arroyo ng publicity para sa kanyang bumabagsak na rehimen. Kailangan naman ni Obama na tiyakin ang interes pang-ekonomiya, pampulitika, at pangmilitar ng US sa Timog Silangang Asya,” sabi ni Renato M. Reyes, Jr, pangkalahatang kalihim ng Bayan.
Binatikos ng grupo ang pagkawala sa adyenda ng isyu ng mga paglabag sa karapatang pantao, gaya ng pagdukot sa Filipino-American na si Melissa Roxas. Pangunahin sa adyenda ng pag-uusapan ng dalawang presidente ang mga isyu ng counterterrorism at global warming.
Nagpahayag ng pagkadismaya ang grupo kay Obama, na nangangako ng “politics of change” o pulitika ng pagbabago.
“Dapat paalalahanan si Obama ng sarili niyang inauguration speech, kung saan sinabi niyang ‘those who cling to power through corruption and deceit and the silencing of dissent are on the wrong side of history.’ Makikipagpulong siya kay Arroyo, isang presidenteng kilala para sa korapsiyon at mga paglabag sa karapatang pantao sa sarili niyang bansa,” dagdag ni Reyes.
Sinabi pa ng grupo na hindi tatalakayin ang Visiting Forces Agreement at ang mga abusong dulot ng nasabing kasunduang militar sa pagitan ng US at Pilipinas.
Matatandaang tinawagan ni Obama si Arroyo para sabihing isang “importanteng” kasunduan ang VFA. Makaraan ang dalawang buwan, pinawalang-sala ng Court of Appeals si Daniel Smith, sundalong Kano na napatunayan ng mababang korte na nanggahasa sa isang Pilipina. Sinabi ng Bayan na ang pawawalang-sala kay Smith ay dahil sa presyur ng US.
Binalaan ng grupo ang gobyerno ng US laban sa pagsuporta ng mga hakbang ng gobyerno para baguhin ang 1987 Konstitusyon na maaaring magpahaba ng termino ni Arroyo.
Matagal nang sinusuportahan ng American Chamber of Commerce of the Philippines ang pagtanggal ng restriksiyon sa dayuhang pagmamay-ari ng lupa.
“Ang hakbang ni Arroyo para makapanatili sa puwesto at ang tulak ng US para buksan ang ekonomiya ng bansa ay nagsasalubong sa Cha-Cha. Ito ang dapat nating bantayan,” sabi ni Reyes.