200 OFW sa Jordan naghihintay mapauwi sa Pinas
Mahigit 200 OFW (overseas Filipino workers) na tumakas mula sa kanilang mga employer ang nananatili pa rin ngayon sa Amman, Jordan, ayon sa Migrante-Middle East. Ayon kay John Leonard Monterona, tagapaugnay ng Migrante-ME, kasalukuyang tumutuloy ang mga naturang OFW sa FWRC (Filipino Workers Resource Center) na pinapatakbo ng Philippine Embassy. Karamihan umano sa mga […]
Mahigit 200 OFW (overseas Filipino workers) na tumakas mula sa kanilang mga employer ang nananatili pa rin ngayon sa Amman, Jordan, ayon sa Migrante-Middle East.
Ayon kay John Leonard Monterona, tagapaugnay ng Migrante-ME, kasalukuyang tumutuloy ang mga naturang OFW sa FWRC (Filipino Workers Resource Center) na pinapatakbo ng Philippine Embassy. Karamihan umano sa mga OFW ay inabot na nang mula anim na buwan hanggang isang taon sa FWRC.
Sinabi ni Monterona na dahil sa maraming kaso ng pagmaltrato at pang-aabuso sa mga OFW ay nagpatupad ng deployment ban sa Jordan ang gobyerno ng Pilipinas noong nakaraang taon.
“Pero ang pagpapatupad ng deployment ban ay hindi dapat makapigil sa pagpapauwi sa mga inabusong OFW, lalo na ang mga matagal na sa FWRC. Dapat silang pauwiin agad para makapagsimula ng bagong buhay at makapiling ang kanilang mga mahal na matagal na ring naghihintay sa kanila,” ani Monterona.
Samantala, isa sa mga OFW, si Realyn Orio, ang umano’y nais pang pagkakitaan ng isang tauhan ng embahada para lamang ito makauwi.
Ayon kay Monterona, nakatanggap siya ng reklamo noong Hulyo 23 mula kay Jennifer Modernel, na nagpakilalang pinsan ni Orio. Nakasaad sa sulat ni Modernel na hindi man lang naaawa sa kanyang pinsan at sa iba pang OFW ang mga tauhan ng embahada.
Nang makausap umano ni Monterona si Modernel, sinabi nitong pinagbabayad siya ng dolyar ng isang nagngangalang Enrico Garcia, na nagpakilalang taga-embahada, para lamang makauwi ito sa Pilipinas.
Agad namang nanawagan ang Migrante sa Department of Foreign Affairs na imbestigahan ang tangkang pangingikil ng isang tauhan ng embahada sa Jordan at sampahan ito ng kasong administratibo.
Nanawagan pa ang grupo sa mga mambabatas sa Pilipinas na ipasa na ang batas na nagpaparusa sa mga korap na opisyal ng mga embahada.