Laos na pagbabago


Sa katatapos lang na napaikling pag-uusap nina US President Barrack Obama at Pangulong Arroyo, mukhang wala bago at walang magaganap na pagbabago sa Pilipinas. Sa katunayan, pinagtibay lang ng dalawang lider ang hindi pantay na relasyon sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas.

goodbye-gloria-editorial-cartoon

Sa katatapos lang na napaikling pag-uusap nina US President Barack Obama at Pangulong Arroyo, mukhang wala bago at walang magaganap na pagbabago sa Pilipinas.

Sa katunayan, pinagtibay lang ng dalawang lider ang hindi pantay na relasyon sa pagitan ng US at Pilipinas.

Dahil umano sa mga tagumpay sa paglaban sa terorismo, itinalaga ni Obama si Arroyo bilang tagapag-ugnay ng Estados Unidos (EU) sa Timog Silangang Asya. Una, hinding maaaring ituring na tagumpay ang patuloy na digmaan sa Mindanao at ang kaakibat na pinsala nito sa mga mamamayang Moro. Ikalawa, ang estado, sa pamamagitan ng militar nito, ang naghahasik ng takot sa mga mamamayan.

Pinuri pa ng una ang huli sa pagharap nito sa iba’t ibang isyu sa Asya, kabilang na ang mga paglabag sa karapatang pantao sa Burma. Kahit pa alam ng buong mundo ang karimarimarim na rekord ng administrasyong Arroyo kaugnay ng karapatang pantao, kahit pa itanong kay UN Special Rapporteur Philip Alston.

Ni hindi rin napag-usapan ang isyu tungkol kay Melissa Roxas, isang Filipino-Amerikanong nagsabing tinortyur siya ng mga militar habang siya’y nasa Pilipinas. Ito’y sa kabila ng protesta ng mga aktibistang Fil-Am sa labas mismo ng White House.

Napuri rin ni Obama si Arroyo dahil sa umano’y pagsusulong ng matibay na ugnayan ng EU at Pilipinas. Patunay nito ang Visiting Forces Agreement at ang pagpapawalang-sala kay Daniel Smith, na napatunayan ng korte sa Pilipinas na nanggahasa ng isang Pilipina.

Ano nga ba ang maganda sa naganap na pagpupulong? Isang kasisimula pa lamang, may mataas na popularidad at mabangong pangalan at isang matatapos na ang termino pero kabaligtaran ng katangian ng una. Maganda ito para kay Arroyo na matagal nang gustong makaharap si Obama dahil baka iniisip niyang makatutulong ito sa pagbangon ng lugmok niyang popularidad sa mahabang panahon.

Isa itong photo-op para kay Arroyo habang sinisiguro ni Obama ang pampulitika, pang-ekonomiya at pang-militar na interes ng EU sa Pilipinas.

Noong nanumpa si Obama bilang presidente, binatikos niya ang mga lider na kapit-tuko sa kapangyarihan sa pamamagitan ng korapsiyon at pandaraya, at sumisikil sa mga nagpoprotesta. Dapat aniyang malaman ng mga ganitong klase ng lider na sila ay nasa “maling panig ng kasaysayan”.

Pero nang nakaharap niya si Arroyo, na pinaniniwalaang pinakakurakot, mandaraya at sumisikil sa tinig ng taumbayang nagpoprotesta, walang humpay niya itong pinuri. Hindi niya alam na siya ang mismong nasa maling panig ng kasaysayan nang gawin niya ito. (SAS)