Kabataan inilahad ang 10-araw na tortyur sa kamay ng militar


Pinangangambahan ang posibleng whitewash sa kaso ng pagdukot sa kabataang aktibistang si Noriel Rodriguez matapos ideklara ng mga opisyal ng Commission on Human Rights (CHR) sa Tuguegarao City na “sarado” ang kaso sa kabila ng ebidensiya ng tortyur. Sa salaysay na ipinadala ng Tanggulan Youth Network for Human Rights and Civil Liberties, ibinunyag ni Rodriguez […]

Pinangangambahan ang posibleng whitewash sa kaso ng pagdukot sa kabataang aktibistang si Noriel Rodriguez matapos ideklara ng mga opisyal ng Commission on Human Rights (CHR) sa Tuguegarao City na “sarado” ang kaso sa kabila ng ebidensiya ng tortyur.

Sa salaysay na ipinadala ng Tanggulan Youth Network for Human Rights and Civil Liberties, ibinunyag ni Rodriguez kung paano siya pinahirapan ng umano’y mga miyembro ng 17th Infantry Battalion ng Philippine Army at pilit pinapirma ng affidavit na siya umano ay isang rebel returnee.

Dinukot si Rodriguez, tumutulong sa isang lokal na organisasyon ng mga magsasaka, noong Setyembre 6 sa Sitio Sta. Isabel, Barangay Tapel, Gonzaga, Cagayan.

“Piniringan nila ako at may pumasok na apat na sundalo. Tinakpan ng sabay-sabay ang kanang tainga ko at ang bibig habang hinihipan ang kaliwa kong tainga gamit ang straw. Ginawa nila ito ng halos 30 minuto,” ayon sa kanyang salaysay.

“Dahil hindi ko naman alam ang mga tinatanong nila kaya hindi ako sumasagot. Tapos, tinutukan ako ng kalibre .45 sa likod ng ulo ko. Sabi ng tumutok sa akin ‘Papatayin kita at pamilya mo.’ Pero hindi pa rin ako nagsasalita pero sobrang kinakabahan na ako at natatakot ako dahil binantaan nila pati pamilya ko… Mula sa unahang upuan ay hinatak nila ako sa gitna ng sasakyan at binugbog ng grabe…Paulit-ulit nila akong sinusuntok sa tagiliran, panga, at panay din akong tinatadyakan,” ayon pa sa salaysay.

Sinabi ni Rodriguez na pilit siyang pinapaamin kung nasaan ang kampo ng mga rebeldeng New People’s Army. Pinilit din umano siyang pumirma ng mga papeles na nagpapatunay na isa umano siyang rebel returnee.

“Nung araw ding iyon, hindi ko na matandaan ang oras ay pumasok ang tatlong sundalo at  kinukuhanan ako ng larawan gamit ang isang cellphone nila habang pilit na pinapapirmahan ang isang papel na ang nakasaad ay surenderee ako sa laban nila sa Cumao at hindi daw nila ako binaril dahil asset nila ako nung Mayo pa. Ayaw kong pumirma at binugbog nila ako ng isang oras kaya sa sakit ay napilitan akong pumirma,” ayon sa kanyang salaysay.

Dagdag pa niya, “Pina-fingerprint nila ako sa isang papel na surrenderee daw ako. Nung ayaw ko ay binigti nila ako, tinalian ang leeg ko at inaangat ang lubid na nylon na yellow ng isang sundalo habang pinipigil naman ng isang sundalo na nakahawak sa likuran ko ang pag-aangat ng torso.”

Pinalaya si Rodriguez noong Setyembre 17 matapos punatahan ng CHR ang kampo ng 17th IB sa bayan ng Alcala. Binigyan ang biktima ng cellphone, SIM card, at P300, ayon kay Cristina Guevarra, tagapagsalita ng Tanggulan.

“Kapareha ang kanyang kaso kay Melissa Roxas, kung saan nagsagawa ng psychological warfare at pisikal na tortyur ang militar,” aniya.

Si Roxas ang Filipino-American na dinukot at tinortyur din umano ng pinaghihinalaang mga sundalo. Dinukot si Roxas noong Mayo 19 at pinalaya noong Mayo 25. Inihatid siya sa kanyang bahay sa Quezon City at binigyan ng isang cellphone.

Na-trauma ang pamilya ni Rodriguez dahil pinasok ng pinaghihinalaang mga ahente ng militar ang kanilang bahay sa Sta. Ana, Maynila para kumuha ng mga litrato, ayon pa sa Tanggulan.

Nangangamba si Guevarra na posible umanong “kasabwat” ng mga opisyal ng CHR sa probinsya dahil pinapirma ng mga ito si Rodriguez ng affidavit ng paghingi ng proteksiyon sa militar bilang isang  rebel returnee, ayon sa mga kapamilya ng biktima.

Posibleng magsampa si Rodriguez ng writ of amparo sa Court of Appeals at ng kasong kriminal laban sa mga miyembro ng 17th IB, ayon sa grupo. Kasalukuyan munang nagpapagamot ang biktima at nasa piling ng kanyang pamilya.