Teodoro, tinawag na ‘utak-giyera’


Compostela Valley–Tinawag ni Bayan Muna Rep. Satur Ocampo si Kal. Gilbert Teodoro ng Department of Defense na “utak-giyera,” sa lokal na kumbensiyon ng koalisyong Makabayan na dinaluhan ng 2,000 katao, karamiha’y mga biktima ng militarisasyon. “Gibo speaks of change. Pero ang panawagan niya sa paglaban sa insurhensiya ay ang dagdag na badyet sa militar at […]

Compostela Valley–Tinawag ni Bayan Muna Rep. Satur Ocampo si Kal. Gilbert Teodoro ng Department of Defense na “utak-giyera,” sa lokal na kumbensiyon ng koalisyong Makabayan na dinaluhan ng 2,000 katao, karamiha’y mga biktima ng militarisasyon.

Gibo speaks of change. Pero ang panawagan niya sa paglaban sa insurhensiya ay ang dagdag na badyet sa militar at dagdag na mga gamit pandigma,” sabi ni Ocampo, na tatakbo sa pagkasenador sa ilalim ng Makabayan.

Si Teodoro ang standard bearer sa pagkapangulo ng partidong Lakas-Kampi ng administrasyong Arroyo.

Kaharap ang mga komunidad ng magsasaka at lumad sa Davao Del Norte, nangako si Ocampo na mangunguna ang Makabayan, koalisyon ng progresibong mga party-list, sa paghahanap ng hustisya para sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao.

Sinabi rin ni Ocampo na bagaman maraming mga pulitiko ang nagsasalita hinggil sa “pagbabago,” ang totoong pagbabago ay ang “pagpapalakas sa kapangyarihan ng sambayanan.” Makakamit umano ito sa pamamagitan ng tunay na repormang agraryo at pagtugon sa kanilang batayang mga pangangailangan gaya ng edukasyon, kalusugan, pabahay, at iba pa.

“Mas higit na maililinaw natin sa mamamayan kung ano ang pulitika ng pagbabago na dala ng mga progresibong party-list na simula pa lamang noong Partido ng Bayan na lumaban sa diktadurang Marcos ay dala-dala natin hanggang ngayon,” sabi ni Ocampo.

Layon ng Makabayan na makapagpatakbo sa halalan sa 2010 ng mga kandidato mula sa pambansa hanggang sa lokal na mga posisyon sa gobyerno.

Kamakailan, inanunsiyo ng Makabayan na tatakbo ang lokal na kandidato nitong si Belen Galletohas sa munisipalidad ng Pantukan, Compostela Valley.

Samantala, sa Nobyembre 4, pangungunahan ni Ocampo at Gabriela Rep. Liza Maza, kandidato rin ng Makabayan sa pagka-senador, ang kumbensiyon ng koalisyon sa Cagayan de Oro City, kung saan dadalo ang mga miyembro ng mga party-list na Bayan Muna, Gabriela, Anakpawis, Kabataan, Katribu, Alliance of Concerned Teachers, at Courage.