Istorya ng Linggo

Pagsipat sa papalapit na halalan


Palapit na nang palapit ang halalang 2010. Kabi-kabila na ang paghahanda ng iba’t ibang partido politikal at mga indibiduwal na nais maging sunod na pangulo ng bansa. Ngunit sa pagkakataong ito, ano nga ba ang mananaig: rekurso’t personalidad pa rin ba o platapormang nakabatay sa kahilingan ng taumbayan?

Si Sen. Chiz Escudero, sa press conference niya sa Club Filipino noong nakaraang linggo. Siya pa lamang ngayon sa tinaguriang presidentables ang naglalatag sa publiko ng kongkretong pagtingin sa mga isyu ng mga mamamayan tulad ng deregulasyon ng langis, kontraktuwalisasyon sa paggawa at repormang agraryo. (Jeffrey Ocampo)
Si Sen. Chiz Escudero, sa press conference niya sa Club Filipino noong nakaraang linggo. Siya pa lamang ngayon sa tinaguriang presidentables ang naglalatag sa publiko ng kongkretong pagtingin sa mga isyu ng mga mamamayan tulad ng deregulasyon ng langis, kontraktuwalisasyon sa paggawa at repormang agraryo. (Jeffrey Ocampo)

Palapit na nang palapit ang halalang 2010.

Kaya naman kabi-kabila na ang paghahanda ng iba’t ibang partido pulitikal at mga indibiduwal na nais maging sunod na pangulo ng bansa. Laman ng mga diyaryo ang kanilang mga pahayag, gayundin naman ang mga bira laban sa kanila. Rekado na ang kanilang mga political ad ng pang-araw-araw na putahe ng telebisyon at radyo.

Samantala, sa bahagi ng taumbayan, mahalaga ng halalang ito dahil muli na namang papalitan ang mga humahawak sa kapangyarin, lalo na ang kasalukuyang pangulong matagal na nilang nais paalisin sa Malakanyang.

Sa tuwina, mahalagang agimat ng isang kandidato ang rekurso’t popularidad sa tradisyunal na halalang palaging may bahid ng duda ang prosesong pagdadaanan at resultang ipapatanggap sa taumbayan.

Ngunit sa mapait na pinagdadaanan ng bansa dahil sa pamumuno ng mga politikong ginamit lamang ang kanilang lugar sa burukrasya para sa sariling interes at ng kanilang uri, marahil ay may matutunan mula sa kasaysayan. Kaya naman napakahalagang suriin ang tindig ng mga nangangarap ng maging pangulo bago pumili.

Sa mga posibleng maging ika-15 na pangulo na bansa na pawang maaamo at tila pang-paslit na palayaw – Noynoy, Gibo, Erap, Manny at Chiz – sino nga ba ang dapat piliin ng taumbayan?

Popularidad

Batay sa mga sarbey, nangungunang kandidato sa pagkapangulo si Benigno Aquino III (o mas kilala bilang Noynoy) ng Partido Liberal. Bentahe ni Aquino ang malawak ng suporta ng panggitnang uri na bukang-bibig ang popular na nosyon na walang bahid ng katiwalian ang kanyang pangalan. Maaari ngang hindi pa nadadawit si Aquino sa anumang kaso ng katiwalian. Ngunit kasabay nito, tanong ng marami, saan o kailan nga ba nabanggit ang kanyang pangalan, kasuklam-suklam o kasalu-saludo mang usapin?

Palaisipan sa marami kung ano ang kanyang mga nagawa sa mahabang panahon ng pagiging politiko – una bilang representante ng Tarlac at nitong huli, bilang senador.

Malaon na ring hinamon si Aquino ng makabayang mga organisasyon kaugnay ng pagbibigay ng katarungan sa mga magsasakang napaslang sa Hacienda Luicita at kaakibat nitong usapin ng reporma sa lupa. Ngunit bakit tila naghugas-kamay lamang ang batang Aquino sa usapin?

Sa kabila nito, tunay ngang malakas ang kabig ni Aquino, pangunahin dahil nanariwa sa diwa ng sambayanan ang legasiya ng kanyang mga magulang, sa pagpanaw ng kanyang ina nito lamang Setyembre.

Kung babalikan, matagal ding “pinagnilayan” ni Aquino ang pagtakbo ngunit sa huli, heto siya’t handang handa na sa 2010, kaalinsabay ng isang political ad na pinagsama ang malalaking artista ng dalawang higanteng broadcasting network.

Samantala, tila parehong alas at malas ni Gilberto Teodoro, o Gibo, ang pagiging manok ng administrasyon at ng partido nitong Lakas-Kampi-CMD. Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan, bentahe ni Teodoro ang rekursong ibubuhos ng administrasyon para kampanya nito. Ngunit dahil din itinuturing na pinakamasahol ang administrasyong Arroyo sa nagdaang mga nagdaang pamunuan, ito rin ang isa sa mga dahilan kung bakit malabong manalo si Teodoro, paliwanag ng grupo.