Nagtirik ng kandila at nagsindi ng lantern na may nakasulat na "Never forget" (huwag kalimutan) ang mga mamamahayag sa ilalim ng November 23 Movement at College Editors Guild of the Philippines para gunitain ang ikalawang buwan matapos ang masaker sa Ampatuan, Maguindanao. Hiniling nila sa publiko at kapwa mamamahayag ang patuloy na pagmamatyag para makamit ang hustisya para sa mga biktima. Ginanap ito sa University of the Philippines College of Mass Communication. (Boy Bagwis)
"Hindi tayo mapapagod na manawagan sa mga kinauukulan na lalo pang pangalagaan at itanghal ang kapakanan at mga karapatan nating mga alagad ng komunikasyon at midya para sa walang maliw na pakikipaglaban at pagtaguyod sa kapakanan ng sambayanan,” ayon sa pahayag ng UP College of Mass Communication.
Sa isang sitwasyong patuloy na pinapaslang ang mga peryodista at manggagawa sa midya at kinokompromiso ang kalayaan sa pamamahayag, ano pa ba ang puwedeng gawin ng mga ordinaryong taong katulad natin para mabago ang kasalukuyang kalakaran?