Migrante

Mandatoryong singil sa Pag-Ibig, napaatras ng OFW sa Hong Kong


Matagumpay na napaatras ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa Hong Kong ang mandatoryong membership at paniningil ng Pag-Ibig, na tinitingnang isang pabigat sa mga migranteng Pilipino. Inihayag ni Cynthia Abdon-Tellez, tagapangulo ng Gabriela-Hong Kong, na pansamantalang iniatras na ng gobyerno ang panukalang gawing mandatoryo ang pagiging kasapi ng Pag-Ibig para sa mga OFW sa […]

Matagumpay na napaatras ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa Hong Kong ang mandatoryong membership at paniningil ng Pag-Ibig, na tinitingnang isang pabigat sa mga migranteng Pilipino.

Inihayag ni Cynthia Abdon-Tellez, tagapangulo ng Gabriela-Hong Kong, na pansamantalang iniatras na ng gobyerno ang panukalang gawing mandatoryo ang pagiging kasapi ng Pag-Ibig para sa mga OFW sa Hong Kong.

Sa isang porum kasama ng mga Pilipino sa Hong Kong noong Enero 31, inihayag mismo ni Jaime Fabiaña, Chief Executive Officer ng Pag-Ibig, na hindi pupuwersahin ang mga OFW na maging miyembro ng Pag-Ibig at hindi ito gagawing rekisito sa pagpoproseso ng kanilang mga dokumento.

“Isa itong tagumpay para sa militanteng mga OFW na nilababan ang state exactions. Habang desidido ang gobyernong Arroyo sa panghuhuthot ng karagdagang kita mula sa aming lakas-paggawa, lalabanan kami,” sabi ni Abdon-Tellez.

Nilabanan ng mga OFW ang panukala simula noong huling bahagi ng 2009. Anila, maaaring gamitin ng gobyerno ang maiipong pondo para sa darating na halalan.

Noong 2007, bago ang halalan, sumubok din ang Philippine Overseas Employment Agency na ipatupad ang karagdagang rekisitos sa pagsasanay at akreditasyon ng mga domestic helper. Hindi rin ito naipatupad dahil sa pagtutol ng mga OFW.

Noong 2004 naman, ilang buwan bago ang halalan, puwersahang inilipat ni Pangulong Arroyo ang Medicare Fund ng Overseas Workers Welfare Administration sa Philhealth, na siyang hinihinalang ginamit sa kampanya.

Sa Pebrero 7, magsasagawa ng malaking kilos-protesta ang mga OFW sa Hong Kong para ipanawagan ang tuluyang pagbabasura ng mandatoryong membership at paniningil ng Pag-Ibig.

Sasama sa nasabing kilos-protesta sina Bayan Muna Rep. Satur Ocampo at Gabriela Rep. Liza Maza, na kapwa tatakbo bilang senador sa ilalim ng koalisyong Makabayan.

“Sawa na ang mga OFW na ginagawang gatasan ng gobyerno, at nasasabik sa araw na bababa sa puwesto si Arroyo, matapos ang halalan sa Mayo,” sabi ni Abdon-Tellez.