Sarbey sa makakalikasang kandidato, ibinunyag


Ibinunyag ng isang alyansa ng mga grupong makakalikasan kung sino sa mga kumakandidato sa eleksiyong 2010 ang may malasakit sa kalikasan, at kung sino ang wala. Ayon sa Lyfe (League of the Youth for the Environment), na nakabase sa Unibersidad ng Pilipinas, isinagawa nila ang sarbey at background check na “Environment Vote 2010” para matulungan […]

Ibinunyag ng isang alyansa ng mga grupong makakalikasan kung sino sa mga kumakandidato sa eleksiyong 2010 ang may malasakit sa kalikasan, at kung sino ang wala.

Ayon sa Lyfe (League of the Youth for the Environment), na nakabase sa Unibersidad ng Pilipinas, isinagawa nila ang sarbey at background check na “Environment Vote 2010” para matulungan ang mga botante sa pagpili ng makamamamayan at makakalikasang mga lider sa darating na Mayo 10.

“Karapatan ng mamamayan na kilatisin ang paninindigan at rekord ng kanilang kandidato hinggil sa usaping pangkalikasan para matulungan silang pumili kung sino ang mas makamamamayan at makakalikasang mga lider,” pahayag ni Loi Manalansan, convenor ng Lyfe.

Sa mga tumatakbo sa pagkapresidente, nanguna sa “green list” sina Sen. Jamby Madrigal, Nicanor Perlas at Manny Villar, habang napasama naman sa “mean list” sina Sen. Richard Gordon, dating pangulong Joseph Estrada at Gilbert Teodoro.

Sa pagkabise-presidente, nasa unahan ng listahan sina Sen. Loren Legarda, Mayor Jejomar Binay at Perfecto Yasay habang nangulelat sina Jay Sonza at Bayani Fernando.

Sa mga tumatakbo sa pagkasenador, napasama sa green list sina Satur Ocampo, Liza Maza, Risa Hontiveros at Rizalito David, habang nasa mean list sina Kit Tatad, Ompong Plaza, Ralph Recto at Juan Ponce Enrile.

Sa mga party-list, pasado sa mga makakalikasan ang Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela, Kabataan, Katribu, Akbayan at Cibac.

Ayon kay Manalansan, ang mga isyu at tanong ay ibinatay nila sa kahalagahan at epekto nito sa bansa, lalo na sa batayang sektor na bumubuo sa kalakhan ng sambayanang Filipino at siyang unang tinatamaan ng mga kalamidad at kahirapan.

Ang mga katanungan ay ipinadala sa mga kandidato sa pamamagitan ng e-mail, fax at social networking sites. Nagsagawa rin ang Lyfe ng background check sa mga kumakandidato batay sa kanilang paninidigan sa 10 mayor na usaping pangkalikasan.

Kabilang sa mga isyu ang pagbuhay sa Bataan Nuclear Power Plant, komersiyal na pagtotroso, Mining Act of 1995, coal power plants, Visiting Forces Agreement at Jpepa (Japan-Philippines Economic Partnership Agreement).

Isang green bean ang ibinibigay sa bawat makakalikasang sagot ng isang kandidato o grupo, habang isang black bean naman ang ibinibigay sa mga sagot na maaaring mapanganib sa kalikasan. Ang bilang ng mga beans na ito ang ginamit ng Lyfe sa pagranggo sa mga kandidato.