Sports

Congressman Pacman maghahanda sa laban – sa ring o sa Kongreso?


Napagwagian ni Manny Pacquiao ang kanyang laban kontra kay Roy Chiongban sa lalawigan ng Saranggani sa Mindanaw. Sa ika 10 ng gabi noong Martes, nakakuha na si Pacman ng 56,810 boto kontra sa 28,506 ni Chiongbian. Ito, matapos siyang makatanggap ng mga paalala na baka matalo siya sa halalan. Marami nang naghalintulad ng labanang ito […]

Napagwagian ni Manny Pacquiao ang kanyang laban kontra kay Roy Chiongban sa lalawigan ng Saranggani sa Mindanaw. Sa ika 10 ng gabi noong Martes, nakakuha na si Pacman ng 56,810 boto kontra sa 28,506 ni Chiongbian. Ito, matapos siyang makatanggap ng mga paalala na baka matalo siya sa halalan.

Marami nang naghalintulad ng labanang ito sa laban ni Pacquiao kay Oscar dela Hoya – isang tila imposibleng laban kung saan dehado ang Pambansang Kamao, ngunit napagwagian sa huli. Dahil bago pa magumpisa ang kampanya, dehado na si Manny sa pamilya ng Chiongban, na tinitignan ng marami na uungos dahil sa pera at sa impluwensiya ng kanilang pamilya – nagmamay-ari ang Chiongban ng isang shipping line.

Ito ang ikalawang pagtakbo ni Pacquiao sa Kongreso. Matatandaang natalo siya noong 2007 kay Darlene Antonino-Custodio sa South Cotabato.

Siya ang unang boksingero na nakakuha ng puwesto sa pampublikong opisina, ngunit hindi siya ang unang atleta na nakagawa nito. Maaalalang naging senador ang mga basketbolistang sina Robert Jaworski at Freddie Webb, at naging konsehal rin si Franz Pumaren sa isang distrito sa Quezon City (na nabigo naman sa kanyang pagtakbo sa Kongreso ngayong halalan).

Bagaman nagwagi na sa pulitika hindi pa rin dito magtatapos ang kanyang karera sa boksing. Napaulat nang binigyan na isya ng basbas ng kanyang ina na si Dionisia Pacquiao upang lumaban ng isa pang beses bago siya tumutok sa kanyang bagong tungkulin bilang representante sa Kongreso.

Kaya naman uminit muli nang husto ang usapan na itutuloy ang paghaharap nila ni Floyd Mayweather Jr.

Ngayon pa lang kasi, inabisuhan na si Pacquiao ni World Anti-Doping Agency chief John Fahey na sumailalim na sa drug testing. Si Bob arum naman, magpupunyaging makakasa ng isang negosasyon sa panig nina Mayweather upang makuha ang isang laban na aniya’y maitatala sa Nobyembre 13. “I won’t let this (ang negosasyon) drag on,” ani Arum na promoter din ni Pacquiao.

Samantala, saludo naman si Pacquiao sa kanyang pambato sa pagkapresidente na si Manny Villar, na pumapangatlo lamang sa karera bilang Presidente. Aniya, dapat tularan si Villar sa pagpupunyaging pag-isahin ang bansa. “Saludo ako sa kanya sa pag-concede. Dapat magkaisa tayong lahat, suportahan natin ang [Benigno] Noynoy [Aquino III] administration,” saad ni Pacquiao.

 

 

readbud - get paid to read and rate articles