Project RunAway ng Gabriela: Fashion show para sa pagbabago

May 4, 2010

Maipapamalas kaya sa pananamit ang hangarin ng mga mamamayan para sa pagbabago? Ipinakita ng Gabriela, pambansang alyansang pangkababaihan, kung papaano.

Nirekluta ng grupo ang ilan sa pinaka-mahuhusay na fashion designers at visual artists sa bansa para magdisenyo ng damit na magsisimbolo sa mga suliraning kinakaharap ng bansa sa ilalim ng gobyernong Arroyo, at kakaharapin ng susunod na rehimen matapos ang eleksiyon. Tinagurian ito na “Project RunAway: The Election Season Collection,” at isinagawa sa Mowelfund sa Quezon City noong Abril 30.

“Ito ang paraang para hilingin sa mga kandidato sa pagkapresidente na bumalik sa mga isyu at dalhin ang kanilang mga kampanya sa mas mataas na antas,” sabi ni Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Kabilang sa mga napalahok ng Gabriela sa fashion show ang fashion designers tulad nina Gerry Katigbak, Dennis Cabalinan, Joelle Francisco, Rei Rana, at visual artists tulad nina Boy Dominguez, Adi Baen Santos, Egai Fernandez, Lia Torralba, Mona dela Cruz-Gaston at ang UgatLahi Artists Collective.

Kabilang sa mga nagmodelo ng mga damit sina Angel Aquino, Keanna Reeves, Rochelle Barrameda, Bibeth Orteza, Malu de Guzman, Shamaine Buencamino, at mga lider ng mga organisasyong masa kabilang sina Satur Ocampo at Liza Maza, mga kandidato sa pagkasenador. Nagmodelo rin ng mga damit si Rodolfo “Jun” Lozada, at online editor ng Pinoy Weekly na si Ilang-Ilang Quijano.

Noong Abril 30, muntik nang hindi matuloy ang naturang satirical fashion show dahil sa malakas na buhos ng ulan. Ngunit napagdesisyunan ng mga organisador na iraos ang aktibidad sa isang indoor na lugar sa Mowelfund.

Mahahati sa dalawang bahagi ang Project RunAway: (1) Fall Collection, hinggil sa pagtatapos ng rehimeng Arroyo, na naglalaman ng anim na sets ng damit na sumasalamin sa diskuntento ng mga mamamayan sa 10-taong administrasyon ni Arroyo; (2) Spring Collection, na naglalaman ng anim ring sets ng damit hinggil sa mga hangarin ng mga mamamyan para sa pagbabago matapos ang halalan.

Ang tema ng mga damit ay: (1) Good Governance; (2) Civil Liberties and Democratic Rights; (3) Sovereignty and National Patrimony; (4) Genuine Agrarian Reform and National Industrialization; (5) Women’s Emancipation; at (6) Call to Action.

Ito ang pangatlong beses na nag-isponsor ang Gabriela ng enggrandeng satirical fashion show. Unang nag-insponsor sila ng ganito noong panahon ng diktadurang Marcos. Noong 2000, sa kalagitnaan ng kampanya kontra sa rehimeng Estrada, ay nagsagawa muli ang grupo ng ganitong aktibidad.

Narito ang mga larawan ng likhang mga damit sa Project RunAway:

(Iklik ang “Nextpage”)
***