Opisyal na sangkot sa human trafficking, tukoy ng grupong OFW
Tukoy umano ng isang grupo ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) ang mga opisyal ng gobyerno sa iba’t ibang bansa na sangkot sa human trafficking, at hinamon si president-elect Benigno “Noynoy” Aquino III na parusahan ang mga ito. Kamakailan, inilabas ng US State Department ang ulat hinggil sa human trafficking kung saan nasa “watchlist” o […]
Tukoy umano ng isang grupo ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) ang mga opisyal ng gobyerno sa iba’t ibang bansa na sangkot sa human trafficking, at hinamon si president-elect Benigno “Noynoy” Aquino III na parusahan ang mga ito.
Kamakailan, inilabas ng US State Department ang ulat hinggil sa human trafficking kung saan nasa “watchlist” o mga bansang binabantayan ang Pilipinas. Itinukoy ng ulat na kabilang sa sanhi ng mataas na insidente ng human trafficking ang korupsiyon at pakikipagsabawatan ng mga opisyal ng gobyerno sa mga sindikato.
“Hindi na kailangan pang mag-imbestiga para lamang matukoy kung sino-sino ang mga yan. It’s an open secret. Alam ng mga taong nasa gobyerno kung sinu-sino ang nakikinabang sa mga krimeng ito,” ayon kay Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante.
Inihayag ni Martinez na mayroon silang listahan ng mga opisyal na sangkot sa human trafficking, batay sa mga reklamong natanggap mula sa mga OFW sa nagdaang mga taon. Pero tumanggi ang grupo na isapubliko ito dahil sa inihahandang reklamo na isasampa sa Office of the Ombudsman.
Gayunpaman, sinabi ni Martinez na kung pakikinggan sila ni Aquino, bukas sila na isiwalat sa bagong pangulo ang pangalan ng pinaghihinalaang mga opisyal.
Hinikayat din ng grupo si Aquino na papanagutin ang Task Force on Trafficking in Persons ng Department of Justice (DOJ) para sa kabiguan nitong masugpo ang krimen. Umano’y hindi kulang sa pondo ang DOJ, kundi kulang lamang sa political will.