Pagkatao ng isang dakilang lider-obrero


Noong una, hindi kumbinsido si Ka Bel na karapat-dapat siyang maging paksa ng isang libro. “Sino ang magbabasa nito?” aniya.

Ina Alleco-Silverio, awtor ng librong Ka Bel: The life and struggle of Crispin Beltran (King Catoy)
Ina Alleco-Silverio, awtor ng librong Ka Bel: The life and struggle of Crispin Beltran (King Catoy)

Muntik nang hindi matapos ni Ina Alleco Silverio, dating chief of staff ni Crispin “Ka Bel” Beltran, ang libro tungkol sa yumaong lider-obrero at kongresista. Gaya ng iba pa, malubhang naapektuhan si Ina sa biglaang pagkamatay ng kanyang kinikilalang personal na idolo noong 2008.

Nabuo ang ideya para sa libro ni Ka Bel nang ipiniit ang huli ng gobyernong Arroyo. Na-confine sa Philippine Heart Center ang militanteng kongresista. Halos araw-araw siyang binibisita ni Ina. Siyempre pa’t walang ibang magawa ang dalawa kundi pag-usapan ang makulay na buhay at pakikibaka ni Ka Bel. Noong una, hindi kumbinsido si Ka Bel na karapat-dapat itong maging paksa ng isang libro. “Sino ang magbabasa nito?” aniya.

Dalawang taon makalipas ang kanyang pagpanaw, inilunsad ang librong Ka Bel: The Life and Struggle of Crispin Beltran. Nakasulat sa wikang Ingles at may 156 pahina, isa itong matapat, madetalye, at komprehensibong kuwento ng buhay ni Ka Bel.

Nagsimula ang libro sa isang matingkad na karanasan ni Ka Bel bilang bata: ang pagiging saksi sa pagpugot ng ulo ng mga sundalong Hapon sa limang magsasakang Pilipino. Ipinanganak sa isang mahirap na pamilya sa Bacacay, Albay, maagang namulat si Ka Bel sa mga reyalidad panlipunan.

Rosario Beltran, asawa ni Ka Bel (King Catoy)
Rosario Beltran, asawa ni Ka Bel (King Catoy)

Maraming mga sorpresa sa libro para sa mga nakilala lamang ang pampublikong buhay ni Ka Bel bilang lider ng Kilusang Mayo Uno o kongresista ng Anakpawis Party-list. Maraming interesanteng kuwento na nagpapakilala sa kapwa pagiging ordinaryo at ekstra-ordinaryo ni Ka Bel.

Ordinaryo siya dahil hindi malayo ang kanyang mga karanasan sa karanasan ng nakararaming Pilipino: simple ang pamumuhay at masigasig, hindi napipigilang mangarap, at paminsa’y nagkakamali. Ekstra-ordinaryo si Ka Bel dahil nangarap siya para ng bayan, nagwasto ng sarili noong nagkakamali, at kahit naging kongresista’y patuloy na naging simple at masigasig sa pakikibaka.

Ang librong ito ay libro tungkol sa pagkatao ni Ka Bel. Bihira ang mga librong tunay na nagpapalapit ng mambabasa sa pinapaksa. Pero sa pagkakataong ito, “binuhay” ni Ina si Ka Bel (pahayag ng kanyang anak na si Ofel Balleta-Beltran noong lunsad-aklat) sa pamamagitan ng pagsapul sa kanyang esensa. Hindi ito maisasalarawan sa ilang kapirasong salita; kailangang basahin ang libro at personal na samahan si Ka Bel, mula umpisa hanggang sa kadulu-duluhan ng buhay niyang dakila.

Mabibili ang Ka Bel: The Life and Struggle of Crispin Beltran sa halagang P250 sa Popular Bookstore (#305 Tomas Morato Ave., Quezon City) at Ibon Bookstore (#114 Timog Ave., Quezon City).