Analysis Istorya ng Linggo

Panayam kay Jose Maria Sison hinggil sa papasok na rehimeng Aquino


Hiniling ng Pinoy Weekly ang mga pananaw at pagsusuri ni Prop. Jose Maria Sison, nangungunang progresibong lider at chief political consultant ng National Democratic Front of the Philippines o NDFP, hinggil sa pag-upo sa poder ng bagong pangulong si Benigno “Noynoy” Aquino III.

Prof. Jose Maria Sison (photo from his Facebook account)
Prop. Jose Maria Sison
Hiniling ng Pinoy Weekly ang mga pananaw at pagsusuri ni Prop. Jose Maria Sison, nangungunang rebolusyonaryong lider sa bansa at chief political consultant ng National Democratic Front of the Philippines o NDFP, hinggil sa pag-upo sa poder ng bagong pangulong si Benigno “Noynoy” Aquino III.

Pinoy Weekly: Bakit sa palagay ninyo nanalo si Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III sa pagkapangulo sa nagdaang eleksiyon?

JMS: Nanalo si Noynoy Aquino dahil sa bago maghalalan siya ang pinili ng mga imperyalistang Amerikano at lokal na mga naghaharing uri ng malalaking komprador at asendero na maging bagong pangulo ng naghaharing sistema. Sa kabila ng pagkukunwaring umaasa siya sa piso-piso mula sa karaniwang mga tao, sa kanya idinagsa ng malalaking negosyanteng dayuhan at Pilipino ang kanilang suporta sa kampanya.

Sa kalaunan ng kampanya, hinigitan ni Noynoy si Manny Villar sa paglikom at paggamit ng pera para sa iba’t ibang tipo ng propaganda.  Sinuportahan si Noynoy ng malaking mass media. Tuso sa propaganda ang mga alalay niya. Para mapagtakpan ang kasalatan niya sa track record at kakayahan, pinatingkad ng kanyang media handlers ang palagay na siya ay malinis na tagapagmana ng tatay at nanay niya at ang pagbatikos sa korupsiyon  ng rehimeng Arroyo.  Kaugnay nito, sa pariralang “Villarroyo,” tumalab ang hambalos ng kampong Noynoy na ahente ni Arroyo si Villar dahil hindi siya umaatake kay Arroyo.

May mga palatandaan din na sa automated electoral system ng Smartmatic, na kontrolado ng US at mga ahente nila, may naganap na preprogramming para panaluhin sina Aquino at Binay.  Halatang kinabigan ng napakalaking boto sina Manny Villar at Loren Legarda. Overkill at di kapanipaniwala ang biglang pagbagsak nila.  May mga ulat na matataas na kinatawan ng CIA (Central Intelligence Agency ng US), pamilya ni Aquino at rehimeng Arroyo ang nagpasya sa pre-programming anim na linggo bago araw ng halalan.  Ang pag-uusap nina Pinky Aquino-Abellada at Ginang Arroyo ang nagbigay daan sa ganitong areglo.

Sa yugtong ito, sinasabing optimistiko pa ang sentimyentong publiko hinggil sa papasok na administrasyon. Magtatagal ba ang optimismong ito?

JMS: May optimismo sa sentimyentong publiko dahil sa tapos na ang kasuklam-suklam na rehimeng Arroyo at umaasa ang marami na tutuparin ni Aquino ang malalaking pangako niya  na papanagutin si Gloria M. Arroyo at mga kasapakat niya sa maraming krimen ng korupsiyon at paglabag sa karapatang tao.

Iba’t ibang partido at organisasyon ang nagtutulak kay Noynoy na tuparin niya ang mga pangako niya. Pati ang National Democratic Front of the Philippines ay gumawa ng pahayag para hamunin ang papasok na rehimeng Aquino na tuparin ang mga pinangakamahalagang  pangako sa loob ng unang 100 araw para mapahusay ang kapaligiran at takbo ng muling pag-uusap tungkol sa kapayapaan sa pagitan ng NDFP at reaksyonaryong gobyerno.

Kung sa loob ng 100 araw walang maipapatupad si Noynoy na mahalagang pangako at patuloy na lumubha ang krisis sa ating bayan, ikakamuhi ng malawak na masang Pilipino ang rehimeng Aquino at si Noynoy mismo bilang taksil at mapanlinlang sa bayan. Mapapatunayan na si Aquino ay dummy lamang ng sabwatang imperyalistang Amerikano’t lokal na naghaharing uri na kinabibilangan ng pamilyang Arroyo at pamilyang Aquino. Alam naman ng lahat na sa mahabang panahon magkasabwat ang dalawang pamilyang ito.

Sen. Noynoy Aquino: Kailangang umaksiyon sa mga kasong paglabag sa karapatang pantao sa unang 100 araw ng kanyang panunungkulan.
Sen. Noynoy Aquino: Kailangang umaksiyon sa mga kasong paglabag sa karapatang pantao sa unang 100 araw ng kanyang panunungkulan.

Paano masisiguro ng kilusang masa na mapapanagot si Gloria M.  Arroyo sa kanyang mga krimen laban sa taumbayan?

JMS: Dapat maging mapagmatyag, maagap at militante ang kilusang masa. Laging tandaan na kabilang sina Arroyo at Aquino sa mga nagsasamantalang uri.  Magkaribal sila sa paligsahan ng pagkamit ng mas malaking kapangyarihan at kayamanan. Subalit sa pagharap at paglaban sa mithiin at interes ng masa ng mga mamamayan ay magkasabwat pa rin sila. Kaya nilang magkaisa para manlinlang sa masang inaapi at supilin ang kilusang masa laban  sa pagsasasamantala, pang-aapi at pangungurakot sa loob ng reaksiyunaryong gobyerno.

Kahit hindi na presidente si Arroyo, may kapangyarihan pa siya. Tagapangulo siya ng Lakas-KAMPI. Tiniyak niya na mga tao niya ang may kontrol sa Korte Suprema, Sandigangbayan at Ombudsman at  ilang malaking kaso laban sa kanya ay pinawalang-saysay. Tiniyak niya na marami pang gobernador at  mayor ang nasa Lakas-KAMPI. Tiniyak niya rin na may tuwirang bahagi pa siya sa kapangyarihan.  Pinangungunahan niya ang bloke ng Lakas-KAMPI sa loob ng Kamara ng mga Representante.

Puwedeng sikapin ni Arroyo na siya o alipuris niya ang maging Speaker o kaya makipagkasundo kay Aquino na ang alipuris nito ang maging Speaker basta’t huwag papanagutin si Arroyo sa kanyang mga krimen at huwag ding ilagay si Aquino sa pangamba ng impeachment sa hinaharap. Puwedeng alamin ng  kilusang masa ang takbo ng mga alignment at realignment sa loob ng  Kongreso dahil may mga progresibong kongresista.

Pinakaimportante sa lahat ang matatag na paninindigan ng kilusang masa laban sa mga krimen ni Arroyo at ang puspusang pagsisikap nito na papanagutin siya. Dapat ding matyagan at labanan ang posibleng pagsabwatan ng mga Aquino at mga Arroyo.  Papanagutin si Aquino kapag hindi niya tuparin ang pangakong papanagutin si Arroyo.  At abangan din ang mga bagong alon ng krimeng tiyak na susulpot mula sa  bagong rehimen.

Nangako si Aquino na aaksiyunan ang pinakatampok na mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao. Ano ang palagay ninyo sa pangako niyang ito?

JMS: Tingnan natin kung kaya ni Aquino na tuparin ang kanyang pangako. Kung seryoso siya, marami siyang magagawa sa loob ng unang 100 araw para magkaroon ng hustisya hinggil sa mga kaso ng abduction, illegal detention, torture at extrajudicial killings. Mahusay ang dokumentasyon ng mga kaso. Mainam kung may mabuting magagawa siya.

Subalit may mga nakaambang dahilan na umurong siya sa kanyang mga pangako. Nariyan ang pagkatakot sa kabuaan o sa ilang bahagi ng reaksiyunaryong hukbo at kapulisan. Maaaring hindi niya kayang isipin at gawin ang pagbalasa sa mga opisyales ng militar at pulis para lumikha ng mga kondisyong paborable sa pagpapatupad ng  hustisya tungkol sa maraming kaso ng paglabag sa mga karapatang tao sa panahon ni Arroyo.

Pero puwede ring walang usapin ng pagkatakot ni Noynoy sa militar at pulis. Sa kabila ng sinabing pag-ayaw niya sa paglabag sa mga karapatang tao, malamang pa rin na manginigabaw sa kanya ang pagkatig sa sakim at brutal na katangian ng reaksiyunaryong estado at ng kanyang uring malaking komprador-asendero at pagsunod sa patakaran at utos ng mga imperyalistang Amerikano tungkol sa paggamit ng militar, pulis at mga paramilitar para supilin ang mga rebolusyonaryong puwersa at pati ang mga legal na demokratikong puwersa.

Naging aktibo sa red-baiting ang ilang indibidwal sa kampo ni Aquino noong panahon ng kampanya. May indikasyon ba ito sa magiging sitwasyong pangkarapatang pantao, at sa usapang pangkapayapaan, sa ilalim ng administrasyong Aquino?

JMS: Malakas na indikasyon o maliwanag na hudyat ng kung ano ang magiging patakaran ni Aquino tungkol sa usaping karapatang tao at usapang pangkapayaan ang aktibo at garapal na red-baiting na ginawa ng tampok na mga alipuris niya sa panahon ng kampanya.

Ipinihiwatig ni Aquino mismo sa isang talumpati sa mga dayuhang koresponsal na hindi niya kailangan ang usapang pangkapayapaan dahil kaya niya ang pasipikasyon o pagsupil sa kilusang rebolusyonaryo sa pamamagitan ng sabay na paggamit na lakas militar at umano’y patakaran na may apat na bahagi: 1) mahusay na pamamahala (good governance), 2) paghatid ng serbisyo sosyal (delivery of social services), 3) ekonomikong rekonstruksiyon at pagpapaunland at 4) mga reporma sa seguridad.

Lumilitaw na pinili siya ng mga imperyalistang Amerikano at malalaking komprador-asendero na maging presidente dahil sa nakita nila sa Hacienda Luisita massacre at sa mga sumunod na pamamaslang sa Tarlac ang hilig at kakayahan niyang gumamit ng dahas laban sa mga  anakpawis at mga tinaguriang komunista at kung gayon ay maasahan siyang magpatupad sa umanoy patakarang anti-terorista at partikular sa  US Guide to Counterinsurgency.

May mga indikasyon na lulubha pa pa kaysa sa noong mga panahon nina Marcos, Cory Aquino at Arroyo ang magiging sitwasyon pangkarapatang-tao. May mga indikasyon ding itatakwil ng bagong rehimen ang usapang pangkapayapaan para ipatupad ni Noynoy ang mga utos ng imperyalistang Amerikano. Malamang na mangingibabaw ang hilig niya sa paggamit ng dahas para mapanatili ang kapangyarihan at kayamanan ng kanyang pamilya at mga kauri.