Unang bigwas ni ‘P-Noy’?: Magsasaka sa Mendiola inaresto, kampuhan dinispers

July 3, 2010

Kampuhan ng mga magsasaka sa paanan ng Mendiola Bridge, na nagsimula noong Hunyo 30. (KR Guda)

Kampuhan ng mga magsasaka sa paanan ng Mendiola Bridge, na nagsimula noong Hunyo 30. (KR Guda)

Unang bigwas kaya ito ng kamay na bakal ng administrasyong Noynoy Aquino?

Dinispers ng mga elemento ng Philippine National Police ang kampuhan ng mga magsasaka sa paanan ng Mendiola Bridge, Manila alas-tres ng hapon ngayong araw. Umabot sa 41 magsasaka ang arestado at ikinulong sa himpilan ng Manila Police District sa UN Avenue, Manila, ayon kay Roy Morillo, public information officer ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.

Kabilang sa mga inaresto ang mga magsasaka ng Hacienda Luisita, na nananawagan kay Aquino at sa kanyang pamilyang Cojuangco na iatras ang temporary restraining order na pumipigil sa distribusyon ng mga lupain ng asyenda sa mga magsasaka. 

Marami ang nasaktan nang tumutol ang mga magsasaka sa pag-aresto.

Nagsagawa ng piket-protesta ang iba pang magsasaka, kasama ang militanteng mga organisasyon, sa harap ng himpilan ng MPD. Mahigit anim na oras matapos hulihin, pinalaya ang mga magsasaka at maglilipas ng gabi sa Caritas Manila.

Tinagurian ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano ang mga magsasakang nadispers at hinuli bilang “unang mga casualty ng administrasyong Aquino” at maaaring palatandaan na “magpapatuloy ang mga paglabag ng estado sa mga karapatang pantao.”

Para naman sa Promotion for Church People’s Response (PCPR), maaga pa man para husgahan ang administrasyong Aquino, nakakabahala ang aksiyong ito para sa mga mamamayan. “It has paraded its harshness and non concern of the peasants plight. While the “wang-wang” issue has been addressed , the issue of land reform must be considered as an urgent agendum because it is a matter of life and death for the Filipino people,” sabi ni Nardy Sabino, pangkalahatang kalihim ng PCPR.

Sinabi naman ng Anakbayan, militanteng organisasyon ng kabataan, na makikita sa dispersal ang aktitud ng administrasyong Aquino hinggil sa problema ng kawalan ng reporma sa lupa sa bansa. “If he is this swift in breaking promises and disappointing the peoples’ expectations, it will be no surprise if Aquino ends up more hated than his predecessor,” sabi ni Anton Dulce, pangalawang tagapangulo ng Anakbayan.

Tauhan ni Noynoy, hugas-kamay bago ang dispersal

Nasaksihan ng Pinoy Weekly ang pagtayo ng kampo ng mga magsasaka sa Mendiola noong Hunyo 30, matapos ang inagurasyon ni Aquino. Nanawagan ang mga magsasaka na kausapin sila ng mga kinatawan ng bagong administrasyon para ihayag sa bagong pangulo ang hiling nila. (Panoorin ang bidyo rito)

Lampas alas-sais noong Hunyo 30 nang kausapin ng isang Jig Abella, na nagpakilalang istap ni Pang. Aquino, ang pangkalahatang kalihim ng KMP na si Danilo Ramos at iba pang lider-magsasaka. Tinanggap ni Abella ang dokumentong naglalahad ng hiling ng mga magsasaka, pero sa kundisyong kailangang umalis sila sa Mendiola.

Tumanggi si Ramos sa hiling ni Abella, na mistulang naghugas-kamay at sinabing wala silang kasalanan kung paaalisin ng mga pulis ang nagpipiket na mga magsasaka.

Nagkampo ang naturang mga magsasaka sa Mendiola Bridge noong unang araw ng administrasyong Aquino, Hunyo 30, para ihain sa bagong pangulo ang panawagan nilang mga magsasaka. Pangunahing panawagan nila ang pagpapatupad ng isang tunay na repormang agraryo.

Panawagan din nila ang pagtigil sa panunupil ng karapatan ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita, Hacienda Yulo, at iba pa. (Tingnan ang mga larawan ng inagurasyon, protesta at kampuhan dito.)