Pag-usad ng kasong pangkarapatang pantao, pabilisin – pandaigdigang mga abogado

September 18, 2010

Iginiit ni Jan Fermon, progresibong abogadong Belgian, na kailangang pabilisin ng mga gobyerno ang pagtugon at pagresolba ng mga kasong pangkarapatang pantao. Partikular na nabanggit ang mga kaso sa masaker sa Ampatuan, Maguindanao noong Nobyembre 2009 at kaso ng Morong 43. (KR Guda)

Iginiit ni Jan Fermon, progresibong abogadong Belgian, na kailangang pabilisin ng mga gobyerno ang pagtugon at pagresolba ng mga kasong pangkarapatang pantao. Partikular na nabanggit ang mga kaso sa masaker sa Ampatuan, Maguindanao noong Nobyembre 2009 at kaso ng Morong 43. (KR Guda)

Kailangan ng agarang pagtugon ng mga gobyerno sa mga kaso ng karapatang pantao. Isa sa mga paraan ito para mabigyan ng hustisya ang mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao.

Ito ang inihayag ng mga abogadong delegado ng Conference of Lawyers in the Asia-Pacific (Colap) na inisponsor ng International Association of Democratic Lawyers (IADL) at ginanap sa SMX Convention Center sa SM Mall of Asia, Pasig City kamakailan.

The general perspective (on human rights cases) is that our struggle is a struggle for a speedy resolution of these cases,” sabi ni Jan Fermon, progresibong abogado na mula sa Belgium.

Nakipagdiyalogo kay Sek. Leila de Lima ng Department of Justice ang ilang pandaigdigang mga abogadong delegado ng Colap noong Setyembre 15. Dito, inihayag ng mga abogado ang kanilang pag-aalala sa sitwasyon ng Morong 43, mga manggagawang pangkalusugan na dinukot sa Morong, Rizal noong Pebrero 2010 at kasalukuyang nakapiit pa rin.

Mula kaliwa: Jan Fermon ng Belgium, Jitendra Sharma ng India, Jeanne Mirer ng US (presidente rin ng IADL), Osamu Niikura ng Japan, at Roland Wely ng France. (Macky Macaspac)

Mula kaliwa: Jan Fermon ng Belgium, Jitendra Sharma ng India, Jeanne Mirer ng US (presidente rin ng IADL), Osamu Niikura ng Japan, at Roland Wely ng France. (Macky Macaspac)

Inihayag ng delegasyon na nakipagdiyalogo kay De Lima na natuwa sila sa inihayag ng sekretaryo na intensiyon na gawing prayoridad ng kanyang departamanto ang kaso ng Morong 43. Malay din umano si De Lima at nag-aalala sa mga abusong natamo ng mga detinido habang nasa kamay ng pulisya at militar.

Umaasa ang delegasyon ng IADL at Colap na mapapabilis ang pagreresolba sa kaso ng Morong 43 at iba pang kasong pangkarapatang pantao.

Patuloy umanong ipagpapatuloy ng IADL ang pandaigdigang kampanya nito para sa Morong 43 hanggang tuloy na makalaya ang mga manggagawang pangkalusugan at maibabasura ang mga kaso laban sa kanila.

Kabilang sa sumama sa delegasyon sina Jeanne Mirer ng US (presidente ng IADL), Osamu Niikura ng Japan (pangkalahatang kalihim ng IADL), Jitendra Sharma ng Japan (president emeritus), Justice Vijender Jain ng India, Jan Fermon ng Belgium, Edre Olalia ng Pilipinas, Jun Sasamoto ng Japan, Russel Fraser ng United Kingdom at Michael Goold ng United Kingdom.

Halos 300 abogado, estudyante sa batas at tagapagtaguyod ng karapatang pantao mula sa 23 bansa ang dumalo sa Colap para talakayin ang iba’t ibang pagtugod sa mga isyung pangkarapatang pantao sa buong mundo.

Magaganap ang kumperensiya mula Setyembre 18 hanggang 19. Sa Setyembre 20, plano ng mga abogado na bumisita sa Morong 43 na nakadetine sa Camp Bagong Diwa, Quezon City.