Kapirasong Kritika

Taas ng Turing


Bakit, kapag may hostage crisis ba sa isang estado ng US, inaasahan bang pumunta si Barack Obama? Bakit, ang isang gobernador ng Pilipinas, pwede bang direkta na lang sumulat kay Barack Obama o Hu Jintao?

Bakit, kapag may hostage crisis ba sa isang estado ng US, inaasahan bang pumunta si Barack Obama? Bakit, ang isang gobernador ng Pilipinas, pwede bang direkta na lang sumulat kay Barack Obama o Hu Jintao?

Narinig natin ang mga tanong-argumentong ito sa rehimeng Noynoy Aquino kaugnay ng naganap na hostage crisis noong Agosto 23. Ang una, bilang tugon sa malaganap na pagtinging dapat ay mas sumangkot pa si Noynoy sa krisis. Ang ikalawa, bilang tugon sa umano’y nakakainsultong sulat na natanggap ni Noynoy mula sa isang opisyal ng Hong Kong kaugnay ng krisis.

Paglilinaw: ang pagtingin ng marami pagkatapos ng hostage crisis ay dapat mas sumangkot si Noynoy at ang pambansang gobyerno – hindi, tulad ng pinagmukhang absurdong punto ng mga tulad ni John Nery, na dapat nakita si Noynoy sa mismong hostage crisis. Si Noynoy nga, napwersang umamin dito – patunay na masyadong panatiko ang mga tulad ni Nery.

Walang duda, mga argumento itong bahagi ng pagpipilit ng rehimeng Noynoy na bigyang-katwiran ang palpak-sa-negosasyon pero todo-sa-dahas na naging pagharap nito sa hostage crisis. Bahagi rin ang mga ito ng pagsisikap ng rehimen na ibangon ang dangal mula sa nangyari.

Sa pagsisikap gawin ang mga ito, pinapagtibay ng rehimen ang isang pantasya: ang gobyerno ng Pilipinas, na sa isip nito’y walang ipinagkaiba sa Pilipinas mismo, bilang entidad na kaantas o kahanay ng ibang gobyerno/bansa sa komunidad ng mga gobyerno/bansa sa mundo.

Bangga ang ganitong pantasya sa aktwal na lugar o papel ng Pilipinas sa ekonomiyang pampulitika ng mundo. Kaugnay ng Hong Kong, patakaran ng gobyerno ng Pilipinas ang paghikayat sa tatlong bagay: pamumuhunan sa bansa ng mga negosyante nito, panunurista sa bansa ng mga mamamayan nito, at paninilbihan ng mga Pilipino bilang domestic helpers sa Hong Kong.

Hindi naman patakaran ng gobyerno ng US ang pag-akit sa dayuhang mamumuhunan o turista; hindi rito nakaasa ang ekonomiya nila. Hindi naman mamumuhunan o turista ang pinapupunta ng isang probinsya ng Pilipinas sa ibang bansa, kundi migranteng manggagawa. At kung susulat man ang isang gobernador sa US sa gobyerno ng Pilipinas, tiyak na iba ang resulta.

Sa ganitong perspektiba, ibang-iba talaga ang relasyon ng Pilipinas sa Hong Kong sa gustong ipakita ng rehimeng Noynoy. Masasabing may batayan talaga para hilingin ng gobyernong Hong Kong ang higit na pagsangkot ng pambansang gobyerno ng Pilipinas sa kakatapos na krisis, at para direktang itulak nito ang gobyerno ng Pilipinas na gumawa ng ilang hakbangin.

Kakatwa, samakatwid, na ginagamit at pinapatibay ng rehimeng Noynoy ang pantasyang kaantas o kahanay ng Pilipinas ang ibang bansa, at mga makapangyarihang bansa pa nga, habang ipinagpapatuloy at pinapatibay ang mga patakarang naglalagay sa Pilipinas sa posisyong mas mababa sa ibang bansa. Independyente sa pantasya; nakayukod-sa-dayuhan sa praktika.

Maaalala na sa mga unang taon ng rehimeng Cory Aquino, inilahad ni Auggie Cordero, namamahala sa mga damit ng dating pangulo, na dahil naglilibot sa ibang bansa si Cory para mangutang at humingi ng kung anu-anong tulong – at, maidadagdag, nang dumidistansya sa anino ng “Imeldific” niyang pinalitan – kailangan niyang magbihis nang simple, hindi nang magara.

Kaiba rito ang asta ng rehimeng Noynoy. Marahil, ito ang pagtinging itinutulak ng mga gobyernong naluklok sa pwesto at umiiral sa panahong dominante na mga patakarang neoliberal, kung paanong ipinanganak at nabubuhay ang mga isda sa tubig: Natural, hindi kakatwa, ang pagseserbisyo at pagyukod sa pangangailangan ng ibang bansa. Marangal ito, hindi kahiya-hiya.

14 Setyembre 2010