Ilusyon sa ugnayang panlabas


Lumipad noong Setyembre 22 si Pangulong Aquino patungong US. Ito ang unang opisyal na biyahe sa kanyang anim na taong panunungkulan bilang presidente ng  Pilipinas.  Sa kanyang mensahe bago lumipad, tahasang sinabi ng pangulo na ang nakaayon ang biyahe niya sa pagpapalakas ng ugnayan sa pagitan ng public at private sector. Sinabi pa niyang lilikha […]

100-daysLumipad noong Setyembre 22 si Pangulong Aquino patungong US. Ito ang unang opisyal na biyahe sa kanyang anim na taong panunungkulan bilang presidente ng  Pilipinas.  Sa kanyang mensahe bago lumipad, tahasang sinabi ng pangulo na ang nakaayon ang biyahe niya sa pagpapalakas ng ugnayan sa pagitan ng public at private sector. Sinabi pa niyang lilikha ito ng trabaho at kabuhayan para sa mga Pilipino at magdadala sa sa buong bansa sa tuwid na daan tungo sa pag-unlad ng ekonomiya.

“Maglalayag tayo upang magbigay mensahe sa buong mundo, partikular sa isa sa ating pinakamalaking kasosyo sa kalakalan, ang Estados Unidos. The Philippines is open for business,” ani Aquino.

Itinaon din ang pagbisita ni Aquino sa pagpirma ng Millenium Corporation (MCC), sa isang grant na magbibigay-pondo sa mga programa ng gobyerno na umaabot sa $434 Milyon. Pinamumunuan ang MCC ni Hillary Clinton, kasalukuyang secretary of state ng US na siyang responsable sa paglalabas  ng Counter-insurgency Guide 2009. At hinalawan ngayon ng Armed Forces of the Philippines ng kanyang panibagong operation plan laban sa mga tinaguriang mga kaaway ng gobyerno.  Ang $434-M na grant ay matagal nang ipinasa ng gobyerno sa panahon ni dating  pangulong Arroyo, hindi lamang inaprubahan ng MCC at naghintay sa papasok na administrasyon.

Sa loob ng pitong minutong pakikipagpulong ni Aquino kay US Pres. Barack Obama, tanging ang usapin hinggil sa Spartly Islands, at ang mga amunisyong (bala) na posibleng naiwan ng puwersang Amerikano sa Corregidor noong ikalawang digmaan ang naibalitang kanilang pinag-usapan.  Hindi man lang binanggit ng pangulo ang usapin ng Visiting Forces Agreement (VFA) na di hamak na mas malala kumpara sa sa posibilidad nang pagkakaroon ng tone-toneladang bala sa Corregidor.

Kamakailan lamang, dumaong sa Manila Bay ang USS George Washington, isang barkong pandigma ng Estados na bahagi ng US Navy 7th fleet. Sasakyang napapagana ng nuclear power ang barkong ito – tahasang paglabag sa probisyon ng Konstitusyon ng Pilipinas na nagdedeklarang “free nuclear zone” ang Pilipinas.

Bagkus, pinasalamatan pa ni Aquino si Obama dahil sa mga “tulong ng US laban sa terorismo sa Mindanao.”  Sa kabila ito ng panawagan ng abrogasyon ng kasunduang VFA, dahil sa mga paglabag ng tropang Kano hindi lang sa soberenya ng Pilipinas maging sa karapatang pantao, tulad ng misteryosong pagkamatay ni Gregan Cardeno sa loob ng kampong Amerikano sa Marawi.

Hindi pa man nakakabalik sa Pilipinas, buong giliw nang ipinagyabang ni Aquino ang mga ayuda o tulong na nakuha niya mula sa mga negosyante at maging sa gobyernong US.  Dismayado daw siya kung sasabihin niyang 10,000 bagong trabaho ang dala-dala niya para sa kanyang mga kababayan.  Subalit ang pagbisita niya sa Estados Unidos ay malinaw na pabor lamang sa mga malalaking  negosyante. Dahil ang patakarang ipinapatupad niya ay ang public-private partnership na ang ibig sabihi’y pagsasapribado at pagbubukas sa buong ekonomiya ng Pilipinas sa dayuhang puhunan. Wala ring kongkretong plano ang administrasyong Aquino hinggil sa matinding kahirapan, maliban sa conditional cash transfer o Pantawid Pamilyang Pilipino Program na ipapatupad daw ng administrasyon.

Tulad ng dinaanan ng nakaraang mga panulo, mistulang tumungo si Aquino sa US para sa seremonya ng pagpapahayag ng allegiance sa gobyerno ng US.