Katarungan, sigaw pa rin ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita
Patuloy ang pagtangis ng mga kaanak ng biktima ng masaker sa Hacienda Luisita noong Nobyembre 16, 2004. Ang masama, niyuyurakan ng pamilyang Cojuangco-Aquino ang alaala ng mga biktima sa patuloy na panloloko at panunupil sa mga magsasaka ang asyenda.

“Isa pa nga sa kanyang bodyguard ang namaril sa kapwa naming manggagawang-bukid sa harapan ng gate ng asyenda habang nakapiket,” ani Tatay Pedring. Sinabi din niya na naghuhugas-kamay lamang si Aquino III sa naganap na masaker.
Kasalukuyang pinag-aaralan ngayon ng Sentro para sa Tunay na Repormang Agraryo (Sentra) ang muling pagbuhay ng kaso ng masaker na matagal nang nakabitin sa Ombudsman. Ayon sa kanila, kukuwestiyunin nila ang resolusyong nag-aabsuwelto sa pangunahing mga respondent sa kaso tulad ng pamilyang Cojuangco-Aquino at iba pa.
“Pending pa sa Ombudsman ang kaso, pero natanggal bilang respondents sina Noynoy at Jose ‘Peping’ Cojuangco. Pinag-aaralan namin kung paano sila maisama uli sa kaso,” pahayag ni Atty. Jobert Pahilga, abogado ng mga manggagawang-bukid at direktor ng Sentra.
Serye ng karahasan at iba pang biktima
Maliban sa mga pamamaslang matapos ang masaker, nagpatuloy umano ang panghaharas at pananakot sa mga welgista.
Ayon kay Arnold Cunan, na resiente Barangay Balite sa loob ng Luisita, umabot sa 11 manggagawang-bukid, kabilang ang isang babae, ang inaresto ng militar habang nasa piketlayn sila sa west gate patungong residential area ng mga Cojuangco sa asyenda.
“Ilang araw matapos paslangin si Ka Marsing (Marcelino Beltran, lider ng mga manggagawang bukid sa asyenda), habang kami ay nagbabantay sa piket, aabot sa 15 militar na kasama sa 48th Infantry Battalion (ng Army) ang dumating. May hinahanap daw silang mga taong-labas,” pagbabalik-tanaw ni Cunan.
Nang mangatwiran umano sila na walang taong labas sa kanilang hanay, inaresto sila ng mga tauhan ng asyenda, at dinala sa isang bahay. Doon sinabi ni Cunan na pinahirapan siya at pinipilit paaminin na isang ‘taong-labas’ o rebelde siya. “Pinagsisipa nila ako at kinulata ng baril,” aniya.
Idinagdag pa ni Cunan na habang pilit na pinapaamin siya, nakatutok umano ang mga baril ng mga militar sa kanyang likod at ulo. “Pinanganga nila ako at pinasukan ng baril ang bunganga ko,” ani Cunan. Diumano, nakaramdaman din siya ng pangunguryente sa kanyang katawan.
Sinampahan sila ng kasong illegal possession of firearms at nakalaya lamang sa tulong ng grupo ng mga nagtataguyod ng karapatang pantao.
Ayon pa kay Cunan, diumano’y hanggang sa kasalukuyan takot pa rin ang namamayani sa mga taga-asyenda. “Na-trauma ang mga tao sa sundalo, hanggang ngayon,” aniya.
Magkakasunod na napaslang sina Ricardo Ramos, presidente ng CATLU; Tirso Cruz, direktor ng ULWU; Marcelino Beltran, lider-magsasaka sa Tarlac at Anakpawis –Tarlac provincial chairperson; Ben Concepcion, Anakpawis – Pampanga chairperson; Florante Collantes, Bayan Muna-Tarlac provincial chair; Tarlac City Councilor Abelardo Ladera, Fr. William Tadena, ng Iglesia Filipina Indepediente (IFI) at Bp. Alberto Ramento na Obispo ng IFI.
May mga kaso din ng pagdukot at sapilitang pagkawala, tulad ng nangyari kay Ronald Intal. Si Intal na isang lider-kabataan sa Brgy. Asturias, ay dinukot umano ng armadong kalalakihan habang gumagawa siya ng uling sa Brgy. Balite noong Abril 2006. Diumano, maraming nakasaksi sa pangyayari at sinasabing mga militar ang dumukot sa kanya.
Bukod sa mga pinaslang at nawawala, tahimik na nagdurusa sa kawalang hustisya ang mga naulila nila. Naiwan sa pangangalaga ni Tatay Pedring ang dalawang anak ni Jesus, na edad-12 at 14.
“Ipinagkakasya na lang namin ang kakarampot na kinikita ko mula sa kalahating ektaryang sinasaka ko. Huminto na sila sa pag-aaral ngayong taon na ito dahil hindi ko na kayang tustusan sila,” ani tatay Pedring.
Nanawagan din siya na magkaroon ng katarungan para sa mga anak ng mga biktima.
Hindi mapapasubali na ang karahasan sa Hacienda Luisita ay resulta ng pagharang ng mga magsasakang ariin ang lupa. Sa matagal na panahon, ipinagkait sa kanila ang kanilang karapatan sa lupa at patuloy pa ang pandarahas.
Ayon kay Tatay Pedring, hindi nila isusuko ang kanilang pakikibaka para sa lupa, na pinagbuwisan ng maraming buhay. “Ipinangako ko sa anak ko bago siya mamatay na hindi ako titigil sa laban,” pagtatapos niya.