Panukalang batas na magbabasura sa AJ ng DOLE isinampa

Ikinatuwa ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang pagsampa ng isang panukalang batas na nagbabasura sa assumption of jurisdiction ng Department of Labor and Employment (DOLE). Ayon sa KMU, nagsisilbing lisensiya umano DOLE ang AJ sa pagwasak sa mga welga ng mangagawa tulad ng pangyayari sa welga ng mga manggagawang bukid sa asyenda Luisita noong 2004 na nagresulta sa isang masaker.

Masaker sa Hacienda Liusita noong 2004: Nagsimula sa AJ ng DOLE. (Mayday Video Grab)

Isinampa ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano ang House Bill No. 4671 na mag-aalis sa kapangyarihan ng DOLE na gamitin ang AJ sa mga labor dispute tulad ng welga. Ayon kay Mariano, ang paglalagay ng jurisdiction sa ilalim ng kalihim ng DOLE sa mga hidwaan sa paggawa  ay paglabag sa karapatan ng mga manggagawa na maglunsad ng kolektibong aksiyon at pagpapahina sa batayang karapatan nila sa collective bargain sa mga kapitalista.

Sinabi pa ng KMU na matagal na nilang ipinaglalaban ang pagbasura sa kapangyarihang AJ ng  kalihim ng DOLE.  “Sang-ayon kami sa HB  4671, na nilalabag ng AJ ang mga batayang karapatan ng mga manggagawa na maglunsad ng protesta at welga,” ani Roger Soluta, pangkalahatang kalihim ng KMU.

Ang panukalang batas umano ay magbibigay-ayos sa Labor Code, na nagbibigay ng malawak na kapangyarihang AJ ang kalihim ng paggawa. Idinagdag pa ng grupo na sa ilalim ng mga umiiral na batas-paggawa, sapat na umano sa kalihim ng paggawa ang pagbibigay opinyon upang makapagpalabas ng  kautusang AJ  at maging legal ang naturang kautusan.

“Nakakagalit ang katotohanan na ang AJ ng Labor Secretary ay napakahirap kuwestiyunin sa korte at  kagyat na ipinapatupad ito,” ani Soluta.

Sa welga noong 2004 sa Hacienda Luisita, nagpalabas ng kautusang AJ si dating DOLE Sec. Patricia Sto. Tomas upang diumano’y ayusin ang gusot sa asyenda na pag-aari ng pamilya ni Pangulong Benigno Aquino III.  Ngunit nagresulta sa masaker na isinisi ng mga manggagawa sa pamilya ng mga  Coquangco-Aquino at sa AJ na ipinalabas ng DOLE.

“Ang AJ ang nagsilbing lisensiya upang magpadala ng mga militar at puwersa ng kapulisan sa lugar ng welga at ang kasunod na pamamaril sa mga nakawelgang manggagawang bukid, na ikinamatay ng pitong katao at pagkakasugat ng mahigit isandaang iba pa,” ani Soluta.

Sinabi din ni Soluta na sa pamamagitan ng AJ, pinapakilos umano ng kalihim ng paggawa ang mga puwersa ng estado upang supilin ang mga pagkilos ng mga manggagawa na humiling ng mga lehitimong karaingan.  Bigay ng langit ang AJ sa mga kapitalista,” aniya.