Welga ng unyon sa CEU, pinigilan ng DOLE


Inalmahan ng Centro Escolar University-Faculty and Allied Workers Union ang ibinabang assumption of jurisdiction ng Department of Labor Employment nitong Peb. 6.

Inalmahan ng Centro Escolar University-Faculty and Allied Workers Union (CEU-FAWU) ang ibinabang assumption of jurisdiction (AJ) ng Department of Labor Employment (DOLE) nitong Peb. 6.

Sabi ng unyon, paraan umano ito ng pagkitil sa kanilang batayang karapatang magwelga.

Ang AJ ay ang pag-oobliga sa mga manggagawa na ihinto o huwag nang ituloy ang welga. Sa Labor Code of the Philippines, may kapangyarihan ang kalihim ng DOLE na ipatigil ang welga kung ito’y gagawin sa isang industriyang napakahalaga sa pambansang kapakanan (industry indispensable to the national interest).

Pero sa Department Order No. 40-H-13, na nagrebisa sa Rule XXII ng Implementing Rules and Regulations (IRR) of Book V ng Labor Code, wala ang akademya sa listahan ng mga industriya.

“It is clear that the honorable secretary cannot validly assume jurisdiction of the present labor dispute, since DOLE’s own Department Order and the [IRR] of the Labor Code prevents him from doing so,” pahayag ng unyon sa kanilang isinumiteng petisyon.

“The right to strike is the final legal recourse of workers backed to the wall. It is an indispensable and fundamental right of all workers to refuse work under oppressive conditions,” dagdag pa ng unyon.

Nauna nang sinabi ng Kilusang Mayo Uno na bukod sa paglabag sa karapatang magwelga, pinapahina rin ng AJ ang karapatan ng mga manggagawa sa pakikipagtawaran sa kapitalista.

Dahil sa AJ, naudlot ang nakatakdang welga ng mga guro, kawani at manggagawa ng unibersidad nitong Peb. 7.

Muling binuksan ang negosasyon sa pagitan ng unyon at management ng CEU noong Abr. 28, 2023. Sentro nito ang economic provisions ng ikaapat at panglimang taon ng kanilang 2020-2025 Collective Bargaining Agreement (CBA).

Unang inihain ng CEU-FAWU ang P10,000 dagdag-suweldo kada buwan at P50,000 signing bonus, pero tinapatan lang ito ng management ng P350 dagdag-sahod kada buwan at P20,000 signing bonus.

Noong Setyembre, ibinaba ng unyon ang hiling nito sa P3,000 taas-suweldo kada buwan para sa taong 2023 at 2024 na may kasamang P35,000 signing bonus. Ngunit P450 taas-suweldo kada buwan at P23,000 signing bonus lang ang binibigay ng kabilang panig.

Ayon sa CEU-FAWU, may kapasidad ang pamantasan na ibigay ang dagdag-suweldo na hinihingi nila.

Sa mga financial statement ng CEU, makikitang nagkamal ang unibersidad ng mahigit P155 milyon noong 2021, mahigit P119 milyon noong 2022 at mahigit P396 milyon—mahigit tripleng pagtaas sa netong kabuuang kita—noong 2023.

Pinapatuyan din ng rekord ng bilang ng student enrollees ang kita ng CEU. Sa akademikong taon 2021-2022, tumaas sa 24.29% ang mga nag-enrol noong unang semestre, habang 21.99% naman noong ikalawang semestre. Samantala noong akademikong taon 2022-2023, tumaas sa 9.90% ang enrollees noong unang semestre at 11.03% naman nooong ikalawang semestre.

Dagdag pa ng unyon, pinagbigyan na nila ang management sa P500 taas-suweldo kada buwan para sa taong 2020-2023, pinakamaliit sa buong kasaysayan ng CBA ng CEU, dahil sa pandemya.

“Why can’t CEU extend the same understanding to its employees?” sabi ng unyon.

Napilitang magsumite ng Notice of Strike ang CEU-FAWU sa National Conciliation and Mediation Board noong Nob. 9, 2023. Tatlong beses pang nag-usap ang unyon at management pero nanatiling hindi nagkakasundo ang dalawang panig.

Sa kasalukuyan, patuloy na naninindigan ang unyon at mga miyembro nito para sa kanilang karapatan sa sama-samang pakikipagtawaran at makatuwirang paglulunsad ng kolektibong aksiyon.