Pacquiao, tinawag na ‘kampeon ng OFW’

November 13, 2010

Saranggani Rep. Manny Pacquiao, suportado ng mga OFW

Sarangani Rep. Manny Pacquiao, suportado ng mga OFW

Hangad ng Migrante International, ang pinakamalaking alyansa ng mga overseas Filipino worker (OFW), ang tagumpay ni Manny “Pacman” Pacquiao sa kanyang nalalapit na laban sa Mexicano-Amerikano na boksingerong si Antonio Margarito.

“Para sa mga OFW, si Pacquiao ay hindi lamang ‘People’s Champ’ kundi kampeon ng karapatan at kagalingan ng mga OFW,” sabi ni Gina Esguerra, pangkalahatang-kalihim ng Migrante International, sa isang pahayag.

Si Pacquiao, representante ng Sarangani sa ika-15 na Kongreso, ay isang masugid na tagapagsulong ng adbokasiyang anti-human trafficking.

Noong Hulyo, nagpahayag si Pacquiao ng pagkabahala sa dumaraming kaso ng human trafficking, lalo na ng mga Pilipino mula sa Visayas at Mindanao. Nangako ang mambabatas na itutulak ang mas mataas na badyet para sa inter-agency committee na humahawak sa mga kaso.

Maglulunsad din umano ang boksingero ng isang public awareness campaign para labanan ang nasabing krimen.

“Aasahan naming tutuparin niya ang pangako niyang tumulong para ma-knock out ang human trafficking at iba pang krimen at pang-aabuso sa ating mga OFW,” sabi ni Esguerra.