Halaga ng sahod, lalong bumaba


Kabilang ang Pilipinas sa mga bansa sa Asya na bumaba ang halaga ng sahod noong 2008 at 2009, na posibleng magdulot ng mas matinding mga tensiyong panlipunan, ayon sa bagong ulat ng International Labor Organization (ILO).

Ulat ng ILO na bumaba ang halaga ng sahod sa Pilipinas, lalong katwiran para itaas ang sahod ng manggagawa, ayon sa KMU (PW File Photo/Soliman A. Santos)

Kabilang ang Pilipinas sa mga bansa sa Asya na bumaba ang halaga ng sahod noong 2008 at 2009, na posibleng magdulot ng mas matinding mga tensiyong panlipunan, ayon sa bagong ulat ng International Labor Organization (ILO).

Sa ulat na Global Wage Report: Wage policies in times of crisis, sinabi ng ILO na nagdulot ang pandaigdigang krisis pangekonomiya ng pagbagsak ng halos kalahati ng halaga ng sahod ng mga manggagawa sa rehiyon. Sa Pilipinas, bumaba nang mahigit apat na porsiyento ang halaga ng sahod noong 2008.

“The recession has not only been dramatic for the millions who lost their jobs, but has also affected those who remained in employment by severely reducing their purchasing power and their general well-being,” ayon kay Juan Somavia, director general ng ILO.

Idinagdag ni Somavia na pinababagal ng pagbaba sa halaga ng sahod ang pagbangon ng ekonomiya ng iba’t ibang bansang apektado ng krisis.

Lumalabas din sa pag-aaral ng ILO na tumaas ang wage inequality o hindi pagkakapantay-pantay ng sahod–dumami ang bilang ng mga low wage earner habang kumakaunti ang sumasahod nang mataas.

Sa Pilipinas, nasa 15 porsiyento ng mga manggagawa ang nasa low income employment.

Samantala, inihayag ng Kilusang Mayo Uno (KMU), militanteng sentro ng paggawa, na patunay ang pag-aaral ng ILO na kailangang kagyat na ipasa ni Pang. Benigno Aquino III ang panukalang batas para itaas ang sahod sa buong bansa.

“Makakatulong ang dagdag-sahod sa mga manggagawa para makaagapay sa papataas na presyo ng mga batayang pangangailangan, at para mabigyan sila ng mas malaking hati sa kanilang pinaghirapan,” ayon kay Lito Ustarez, executive vice-chairperson ng KMU.

Binatikos ng grupo ang pagkansela ng House Committee on Labor and Employment noong Disyembre 15 sa pagdinig ng Kamara sa panukalang batas para sa dagdag-sahod.

Inihain ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano ang House Bill 375 para sa P125 across the board na dagdag-sahod, na ilan taong isinusulong ng progresibong mga kongresista ngunit hindi naipapasa.

Hinaing ni Ustarez, “Ipinapakita ng pagkansela sa pagdinig na insensitibo ang ating mga kongresista sa panawagan ng mga manggagawa. Sa halip na salubungin ang panukalang dagdag-sahod, hindi nila ito pinapansin na para bang wala silang pakialam.

Kabilang ang KMU sa Koalisyon ng Progresibong Manggagawa at Mamamayan, isang alyansang itinutulak ang dagdag-sahod ng mga manggagawa kapwa sa pribado at pampublikong sektor.