Karapatang pantao, sistematiko pa ring nilalabag ng gobyerno – Karapatan


Hindi lang sa walang pagbabago. Luma pa ang mga paglabag sa pampulitika at sibil na karapatan ng mga mamamayan, ulat ng Karapatan, bilang paghahanda sa Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao.

Karapatan: Tinala ang patuloy na paglabag ng armadong mga ahente ng estado sa ilalim ni Pangulong Aquino. (Macky Macaspac)
Karapatan: Tinala ang patuloy na paglabag ng armadong mga ahente ng estado sa ilalim ni Pangulong Aquino. (Macky Macaspac)

Hindi lang sa walang pagbabago. Luma pa ang mga paglabag sa pampulitika at sibil na karapatan ng mga mamamayan, ulat ng Karapatan, bilang paghahanda sa Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao.

Sa loob ng huling anim na buwan ng administrasyong Arroyo, sinabi ng gupo na nakapagtala raw sila ng 18 kaso ng ekstra-hudisyal na pamamaslang. Subalit nalampasan diumano  ito ng kasalukuyang administrasyong Aquino na nakapagtala ng 20 kaso.

“Taliwas sa kanyang pangakong pagbabago at daang matuwid, walang pagsisikap si Pangulong Aquiuno na makamit ng mga biktima ang katarungan, bagkus nagdadagdag siya sa mahabang listahan ng mga biktima,” ani Marie Hilao- Enriquez, pambansang tagapangulo ng Karapatan.

Idinagdag pa ni Enriquez na ang ipinangako ni Aquino na pagtugis at pagkulong sa mga salarin ng ekstra-hudisyal na pamamaslang ay mabilis na nawawalan ng saysay. “Sa totoo lang, nagiging mas malupit ang mga salarin. [L]umalala din ang impunidad,” aniya.

Ipinakita ng Karapatan kung papaanong "walang ginagawa" si Aquino para sa mahihirap. (Darius Galang)
Ipinakita ng Karapatan kung papaanong "walang ginagawa" si Aquino para sa mahihirap. (Macky Macaspac)

Kasama din sa ulat ng grupo ang kalagayan ng Morong 43, mga manggagawang pangkalusugan na nananatiling nakabilango sa Camp Bagong Diwa, Taguig  sa kabila ng panawagan sa loob at labas ng bansa.

Ayon sa ulat, diumano’y mayroong 371 bilanggong pulitikal sa buong bansa kasama na ang Morong 43 kung saan dalawa dito ay kababaihang bagong panganak.

“Hindi patas na nagbigay ng amnestiya ang Malakanyang sa rebeldeng mga sundalo kahit ang kanilang mga kaso ay nakabinbin sa korte, at ang  kalagayang ng mga bilanggong pulitikal ay korte na lang ang bahalang magpasya,” ayon pa sa Karapatan.

Idinagdag pa ng grupo ang diumano’y nakakabahalang kalagayan sa mga kanayunan sa ilalim ni Aquino. Diumano, lumalaki ang bilang ng puwersa ng paramilitar, at aktibo umano sa pag-rekrut ang AFP sa mga menor-de-edad upang maging mga miyembro ng Citizens Armed Forces Geographical Unit (Cafgu).

Naalarma din ang grupo sa pagtalaga ni Aquino kay Col. Domingo Tutaan bilang hepe ng Human Rights Office ng Armed Forces of the Philippines.

“Paano iimbestigahan ni Col. Tutaan ang kanyang kapatid na si Lt. Col. Federico Tutaan, na sangkot ang yunit sa pagpasalang sa kilalang botanist na si Leonard Co (sa Kananga, Leyte noong Nob. 15)?  Ngayon pa lang, itinatanggi na niya na may pagkakamali sila sa pangyayari at naghuhugas-kamay,” ani Enriquez.

Ayon sa Karapatan, magiging tampok na pagkilos sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, gayundin ang isasagawang hunger strike ng mga kaanak ng Morong 43 at sasabayan ng mga bilanggong pulitikal sa buong bansa.