Morong 43, ipinanawagan ng mga abogado, doktor na palayain
Nagmartsa ang mahigit 200 abogado, doktor, nars at mga estudyanteng kumukuha ng kursong medikal patungo sa paanan ng Mendiola Bridge sa Maynila upang igiit ang kagyat na pagpapalaya sa mga manggagawang pangkalusugan na tinaguriang Morong 43. Halos sampung buwan na sa Disyembre 6 na nakapiit ang Morong 43, dahil sa umano’y gawa-gawang kaso. Inakusahan sila ng […]
Nagmartsa ang mahigit 200 abogado, doktor, nars at mga estudyanteng kumukuha ng kursong medikal patungo sa paanan ng Mendiola Bridge sa Maynila upang igiit ang kagyat na pagpapalaya sa mga manggagawang pangkalusugan na tinaguriang Morong 43.
Halos sampung buwan na sa Disyembre 6 na nakapiit ang Morong 43, dahil sa umano’y gawa-gawang kaso. Inakusahan sila ng militar na “gumagawa ng bomba” para sa rebeldeng New People’s Army. Pero pinabubulaanan ng iba’t ibang grupo ng mga manggagawang pangkalusugan na sila’y mga rebelde.
At sa kabila umano ng pag-amin ni Pangulong Aquino, na depektibo ang kaso laban sa Morong 43, patuloy pa ring nakakulong ang mga ito.
Ayon kay Julius Matibag, abogado ng Morong 43 at kasapi ng National Union of People’s Lawyers (NUPL), na kung gugustuhin diumano ng Department of Justice na iatras ang kaso maaring hindi tututol ang korte sa pagbasura ng kaso.
“The DOJ as the prosecutorial arm of the government has the authority to file a motion to withdraw the information it filed in court, it has the authority to do that, subject to the discretion of court, considering the implications of this,” ani Matibag.
Idinagdag pa ni Matibag na naniniwala umano sila at diumano’y malakas ang kanilang kumpiyansa na kung sakaling magsampa ng motion to withdraw ng DOJ ay aaprubahan ito ng korte.
Sinang-ayunan din ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang panawagan na kagyat na palayain ang Morong 43. Sa isang resolusyong ipinasa ng Board of Governors ng IBP, kanilang ipinahayag ang panawagang kagyat na palayain ang mga manggagawang pangkalusugan. Hiniling din nilang kailangang panagutan ng Armed Froces of the Philippines (AFP) ang pag-aresto at pagdetine sa Morong 43.
“We demand accountability from the Armed Forces of the Philippines, who are supposed to be guardians and protectors of the citizenry, for the detention and classification of the Morong 43 as subversives meant to undermine national security and peace,” bahagi ng resolusyon ng IBP na nilagdaan ng anim na governors sa buong kapuluan.
“Matigas ang puso ng pangulo dahil sa pagpupumilit niya na ituloy ang kaso sa korte, sa halip na iatras ang kaso laban sa mga mangagawang pangkalusugan, at mismong siya ay may pag-amin na malinaw ang pagiging depektibo nang pag-aresto at hindi na dapat dumaan sa hudisyal na rebyu,” ani kay Dr. Julie Caguiat, tagapagsalita ng Free the 43 Health Workers Alliance.
Idinagdag pa ni Caguiat, na sa mga nagdaang pahayag umano ng pangulo, diumano’y nagbibigay pa ito lakas ng loob sa mga militar na gumawa ng mga paglabag sa ilalim ng kontra-insurhensiyang programa.
Kasama sa mga dumalo at nagpanawagan na kagyat na palayain ang Morong 43, ang mga grupong medikal tulad ng Philippine Nurses Association, Alliance of Health Workers, Health Alliance for Democracy o HEAD, Nagkakaisang Adhikain Reporma sa Kalusugan ng Sambayanan (NARS), IBP, NUPL, International Alliance of Progressive Lawyers o IAPL, International Association of Democratic Lawyers (IADL) at mga representante ng iba’t ibang paaralang medikal at legal.