Morong 43 taas-kamaong lumaya

December 18, 2010

Kababaihan ng Morong 43, matapos ang unang mga hakbang sa kanilang pagkalaya. (Macky Macaspac)

Kababaihan ng Morong 43, matapos ang unang mga hakbang sa kanilang pagkalaya. (Macky Macaspac)

Matapos ang sampung buwan at pitong araw na pagkakabilanggo, pinalaya ang 33 sa 43 mga manggagawang pangkalusugan na tinaguriang Morong 43.

Isa-isang lumabas ang mga kababaihang bilanggong pulitikal, pasado alas-11 ng gabi noong Sabado. Unang lumabas si Delia Ocasla sa Metro Manila District Jail (MMDJ) na nasa loob ng Camp Bagong Diwa, Taguig. Sinalubong siya ng masigabong palakpakan mula sa mga kaanak at tagasuporta ng Morong 43.

Ofel Beltran-Balleta, ina ni Jane ng Morong 43, hawak ang release order ng Morong RTC. (KR Guda)

Ofel Beltran-Balleta, ina ni Jane ng Morong 43, hawak ang release order ng Morong RTC. (KR Guda)

“Palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal,” taas kamaong sigaw ng isang babae sa Morong 43 habang isa-isang lumalabas sa gate ng MMDJ.  Puno ng emosyon ang pagsalubong sa 23 kababaihang bilanggong pulitikal ng kanilang mga kaanak, mahigpit na yakap at iyak ng kagalakan ang sumalubong sa mga ito.

Ganito din ang eksena  nang lumabas pasado alas-dos ng umaga ng Disyembre 18 ang 10 sa mga lalaking bilanggo mula sa hiwalay na kulungan.

Naiwan sa MMDJ ang lima pa dahil diumano sa mga lumang kasong nahukay ng Department of  Justice.

Five males remained (over the objection of defense attorneys) in Bicutan because of spurious old cases and incredulous charges like bouncing checks charges and because of namesakes,” paglilinaw ni Atty. Edre Olalia, abogado ng Morong 43.

Sinabi din ni Olalia na kagyat nilang aasikasuhin ang mga kaso ng naiwang mga bilanggo upang makalaya agad ang mga ito.

Sampung buwang paghihintay sa kalayaan

Ipinag-utos ni Judge Gina Cenit-Escoto ng Morong Regional Trial Court Branch 78, na palayain ang tinaguriang Morong 43 matapos iatras ng DOJ ang kaso laban sa mga ito.

Nakasaad sa desisyon na kagyat na palayain ng BJMP at ibasura ang mga ebidensiyang nakuha diumano sa reyd noong Pebrero 6 at kasuhan ng Armed Forces of the Philippines ang mga ito ng illegal possession of explosives/firearms.  Bukod sa kaso na isinampa sa RTC, tatlo sa Morong 43 ang kinasuhan sa Municipal Trial Court ng paglabag sa election gun ban ngunit pareho itong ibinasura.

Wherefore the motion to withdraw filed by the state through the prosecutor of the Department of Justice with the concurrence of the accused through counsel is hereby granted and dismiss the cases filed against the accused,” bahagi ng order ng korte.

Ibinasura din ang oposisyon ni Jun Alcover ng maka-militar na party-list na ANAD laban sa pagpapalabas ng release order ng korte.

Bago ipalabas ang kautusan ng korte, ilang araw din na nagbantay ang mga kaanak ng Morong 43 sa harapan ng RTC Morong. At sa paglabas ng pinal na kautusan kahapon, walang pagsidlan ng tuwa ang mga ito.

Yakap sa isa, pagpalit ng sombrero sa isa pa. Kalayaan sa sampung lalaki ng Morong 43. (KR Guda)

Yakap sa isa, pagpalit ng sombrero sa isa pa. Kalayaan sa sampung lalaki ng Morong 43. (KR Guda)

“Masayang regalo sa amin para sa pasko ito, kahit abutin kami ng gabi maghihintay kami dito, mahawakan lang namin ang order na iyan,” naluluhang nabigkas ni Evelyn Montes.  Matapos nito mahigpit na yakap ang isinalubong niya sa kanyang asawang si Dr. Alexis Montes, kinagabihan matapos itong lumabas sa gate ng MMDJ.

Bago mailabas ang pinal na desisyon ng dalawang korte (RTC at MTC), nagkaroon ng ilang kalituhan at pangamba, matapos mapag-alaman at makakuha ng kopya ng motion to arraign ang mga kaanak ng Morong 43 na diumano’y isinampa ng abogado ng mga militar na humihiling sa korte nang pagdinig sa kaso ng limang bilanggong nasa kustodiya ng militar sa Camp Capinpin.

Tuloy ang paglilingkod para sa kalusugan ng sambayanan

Sa press conference na ginanap matapos silang salubungin ng mga tagasuporta at iba pang kaanak sa Quezon City, kalakhan ng mga dating bilanggong pulitikal na tinaguriang Morong 43 ang nagsabing itutuloy pa rin nila ang kanilang paglilingkod sa mga mamamayan para sa maayos na kalusugan.

“Kung hindi sa ingay na nilikha ng kilusang masa, maaring hindi pumabor si PNoy sa aming kalagayan,” ani Jane Balleta, isa sa dating bilanggong pulitikal na diumano’y dumanas ng tortyur sa kamay ng military, sa kabila nang pagkakaroon niya ng sakit na epilepsy.

Sinabi din ni Dr. Merry Mia Clamor, isa din sa mga dating bilanggong pulitikal, na ang kaso umano ng Morong 43 ay isa lamang sa mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa buong bansa. “Ang kabiguan ng gobyerno na magbigay ng sapat na kalusugan sa mamamayan ay isa ding porma ng paglabag,” aniya.

Simula ng makulong ang Morong 43 noong Pebrero, hindi tumigil sa paghingi ng katarungan si Adoring Paulino, ina ni Valentino Paulino isa sa limang dating bilanggong pulitikal na  kasalukuyang nasa kustodiya pa rin ng militar sa Camp Capinpin sa Tanay at diumano’y umaming isang kasapi ng NPA.

Kasama siyang naghintay sa paglabas ng mga kasamahan ng kanyang anak sa Camp Bagong Diwa.

Sa kabuuan tatlumpu’t tatlo sa Morong 43 ang aktuwal na lumaya, 23 ang babae at sampung  lalaki mula sa MMDJ,  lima ang naiwan dito at lima ang nasa Camp Capinpin.

Tingnan ang mga larawan ng pagpapalaya sa 23 babae at 10 lalaki ng Morong 43.

Tingnan din ang ilang larawan ng paghihintay ng mga kaanak sa harap ng Morong RTC.