Kapirasong Kritika

Tapat sa Diwa ng EDSA


Paano maging tapat sa diwa ng Edsa People Power 1? Heto ang ilang paraan.

Paano maging tapat sa diwa ng EDSA People Power 1? Heto ang ilang paraan:

(1) Laging isaisip na larangan ng tunggalian ang pagdiriwang ng anibersaryo ng EDSA 1. Matapos pumutok ang eskandalong “Hello Garci,” halimbawa, pinaliit ng rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo ang pagdiriwang dito. Ang laging mensahe: lipas na ang paggamit sa kudeta bilang pamamaraan para magpalit ng gobyerno. Natural: naging puntirya ang rehimeng Arroyo ng panawagan para sa isa na namang People Power.

Ngayon, sa rehimen ni Noynoy Aquino, pagiging masunurin sa gobyerno ang mensahe. Ang madalas ireklamong hindi naidulot ng EDSA 1 – ang kaunlarang pang-ekonomiya – ang sinasabing kailangang pagsikapan at kamtin. Walang problema. Pero sa partikular na pakahulugan ng rehimeng Noynoy, nangangahulugan ito ng pag-asa pa rin sa dayuhang pamumuhunan, pag-eeksport ng mga Pilipino sa ibang bansa, pagpapanatili ng atrasadong agrikultura, pagsunod ng mga dikta ng US. Maraming problema.

(2) Magkaroon ng wastong pag-unawa sa EDSA 1. Ang EDSA 1 ay paglaban, pagtatakwil at pagsisikap na tapusin ang mga kasamaan ng diktadurang US-Marcos – ang mga kasamaan nito, at hindi lang ang diktadura mismo. Ordinaryo na, pero makatotohanan, ang daing na “Wala namang nagbago pagkatapos ng EDSA” dahil nasa likod nito ang paghangad ng sambayanan sa tunay na pagbabago – na siyang motor ng pag-aalsa.

Hindi lang ang diktadura mismo ang ginustong tapusin ng EDSA 1 – kahit pa diyan nagkaisa ang maraming kumilos doon. Hindi lang ito maniobrang pampulitika ng isang paksyon ng mga naghaharing uri laban sa isa pa. Tamang salita ang “kasamaan” dahil nagkahugis ang tunggalian noon sa pagitan ng diktadurang US-Marcos at ng sambayanan sa labanan ng masama at mabuti. Sa EDSA 1, sinikap ng sambayanan na tapusin ang pandarambong sa yaman ng bansa, pasistang panunupil at kahirapan.

(3) Kilalanin ang tunay na bayani ng EDSA 1 – ang sambayanan. Ang EDSA 1 ay nagkakaisang pagkilos ng sambayanan – mula sa mga magsasaka, manggagawa, at panggitnang uri hanggang sa maliliit na negosyante at isang bahagi ng mga naghaharing uri sa bansa. Malaki ang papel nina Ninoy at Cory Aquino rito, gayundin ng kanilang pamilya, pero hindi lang sila ang EDSA 1. Hindi sa mga Aquino ang EDSA 1.

Sa sambayanan, ang mga maralita, sa kanilang mga organisasyon at batay sa mga isyu nila, ang una at tuluy-tuloy na lumaban sa diktadura. Noong napatahimik o naitaboy sa ibang bansa ng batas militar ang mga oposisyunistang pulitiko, tuluy-tuloy na kumilos ang mga maralita – nag-organisa, nagprotesta, bumasag sa hilakbot na dulot ng batas militar. Isa-isa, unti-unting nagputukan ang protesta sa iba’t ibang panig ng bansa, hanggang sa dumami, nakakabingi na para sa diktadura, tila bisperas ng bagong taon.

(4) Pag-aralan ang kasaysayan ng paglaban ng sambayanan. Talagang sumasarap maging Pilipino kapag iniisip ang EDSA 1. Pero hindi lang iyan ang paglaban ng sambayanan sa kasaysayan. Sa elementarya at hayskul, inilalahad ang kasaysayan natin na parang magkakasunod lang na pananakop ng mga dayuhan. Pero hindi lang tayo nagdurusang sambayanan. Sa buong kasaysayan natin, lumalaban ang sambayanan.

Pwedeng sangguniin ang Edjop: The Unusual Journey of Edgar Jopson ni Benjamin Pimentel para sa mga pangyayaring rumurok sa EDSA 1. Basahin ang A Past Revisited at The Continuing Past ni Renato Constantino, ang Philippine Society and Revolution ni Amado Guerrero, ang Struggle for National Democracy ni Jose Maria Sison, ang Revolt of the Masses ni Teodoro Agoncillo. Pwedeng mangahulugan ito ng mas kaunting oras sa Facebook, pero gaganda naman ang mga status mo – birong may halong katotohanan.

(5) Makialam, makisangkot sa mga isyung panlipunan. Huwag magpadala sa ilusyong okey na ang bansa dahil si Noynoy na ang pangulo. Hindi okey ang bansa at isang dahilan ay si Noynoy na ang pangulo. Nananatili ang sistemang nagluwal sa diktadurang US-Marcos, at nananatili ang hamon ng kabayanihan sa sambayanan. Kahit sa rehimeng Aquino, kailangan nating tanganan ang tunay na diwa ng EDSA 1.

Makabuluhang dagdag-sahod, nagtataasang presyo, overpricing ng langis, pagkaltas sa subsidyo ng gobyerno sa kalusugan at edukasyon, kawalan ng tunay na reporma sa lupa, pakikialam ng Amerika sa ating pulitika at ekonomiya – napakaraming isyung dapat alamin at kasangkutan. Napakarami pa ng kailangan nating gawin bilang sambayanan para solusyunan ang pinakamalaki nating suliranin: ang kahirapan ng nakararami. At mas bahagi ng problema, hindi ng solusyon, ang mismong gobyerno.

(6) Sumali sa mga aktibistang organisasyon. Ito na siguro ang pinaka-kongkreto sa listahang ito – at ito rin ang susi para tuluy-tuloy at malalimang magawa ang iba pang nabanggit. Hindi iyung mga organisasyong “aktibista” na alalay ni Noynoy, kundi iyung mga organisasyong sinuman ang maupo sa pwesto ay tuluy-tuloy sa paglaban sa mga kontra-mamamayang patakaran, sa pagkilos para sa pagbabago ng lipunan.

Ipinapakita ng EDSA 1 na may magagawa ang bawat indibidwal, pero limitado. Kailangan ang organisasyon, ang organisadong pagkilos, ng nakararami para makapagdulot ng pagbabago. Alpasan ang mga pakiwari sa mga organisasyong ito (“Nakakaadwa ang mga rali”) at alamin ang mga dahilan nila (“Bakit ba nagrarali?”). Huwag magpatangay sa paninira sa kanila ng iba’t ibang grupo sa lipunan – dahil ang mga grupong ito rin ang takot at ayaw sa tunay na pagbabagong dapat ipaglaban.

26 Pebrero 2011