Mga bata hinamon si P-Noy na umaksiyon sa tumitinding kahirapan

Naglunsad ng serye ng street play ang mga batang kasapi ng Children’s Collective sa ilalim ng Salinlahi Alliance for Childrens’ Concerns bilang paghamon kay Pang. Benigno Aquino III na tugunan ang kanilang mga karaingan.

Street play ng mga bata ng Salinlahi Alliance for Children's Concerns hinggil sa kahirapan at pagsasamantala sa kababaihan at pamilyang maralita. (Macky Macaspac)

Ginanap sa Plaza Miranda sa Quiapo, Manila ang naturang street play, na bahagi ng paghihikayat ng Salinlahi at militanteng alyansang pangkababaihang Gabriela sa madla na lumahok sa pagkilos nila sa Marso 8, pandaigdigang araw ng kababaihan.

Ayon sa Salinlahi, nangangamba silang maraming mga bata ang hindi makakatapos ng pag-aaral dulot na rin ng patuloy na pagtaas ng matrikula, batayang bilihin, serbisyo, langis at karagdagang taon sa pag-aaral.

“Batay sa datos ng Ibon Foundation, mayroong 3.33 milyong batang hindi na nag-aaral noong 2007, kumpara noong 2001 na 1.87 milyon lang. Ibig sabihin, mas malaki ngayong taon na ito at sa mga susunod pa na mga tao,” ani Melissa San Miguel, tagapagsalita ng Salinlahi. Idinagdag niyang hindi rin nakakatugon ang programa ng gobyerno na Conditional Cash Transfer.

Band-aid solution lamang ito,” aniya.

Ayon pa sa grupo, napipilitang magtrabaho diumano ang mga bata sa murang edad upang makatulong sa kanilang mga pamilya. At inaasahan umano nila na lalaki ang bilang ng mga batang manggagawa dahil sa di maampat na pagsirit ng mga batayang bilihin, tulad ng bigas, asukal, mantika, sardinas at ganundin ang Liquefied Petroleum Gas (LPG) na kadalasang ginagamit ng mga maralita.

Nanawagan din ang grupo na kagyat na ibasura ang 12% Expanded Value-Added Tax (EVAT) na panawagan din ng Gabriela.

Ipinakita rin ng mga bata ang suporta sa komprehensibong Reproductive Health Bill at iba pang anila'y magtataguyod ng karapatan at kagalingan ng mga bata at kababaihan. (Macky Macaspac)
Ipinakita rin ng mga bata ang suporta sa komprehensibong Reproductive Health Bill at iba pang anila'y magtataguyod ng karapatan at kagalingan ng mga bata at kababaihan. (Macky Macaspac)

“Sinusuportahan namin ang panawagan ng maralitang kababaihan dahil ang mga kababaihan at bata ang direktang apektado ng malnutrisyon, misedukasyon, at pagsasamantala sa lakas paggawa,” dagdag ni San Miguel.

Sinabi din ni San Miguel na lalahok ang mga bata at mga child rights advocate sa martsa ng mga kababaihan sa Marso 8, bilang paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan.

“Hinahamon namin si Pangulong Noynoy na tugunan ang pangangailangan ng sambayanang Pilipino tulad ng kaseguruhan sa pagkain, de-kalidad na serbisyo sosyal, desenteng trabaho, pabahay at sapat na sahod,” hamon ni San Miguel.