Dagdag-sahod makatwiran, posible – Ibon


Kaya magbigay ng sapat na dagdag-sahod ang mga employer sa Pilipinas kung tatanggapin lang nila ang kaltas sa kanilang malalaking tubo. Paliwanag ng Ibon Foundation, isang independiyenteng institusyon ng pananaliksik, malinaw na makikinabang ang mga manggagawa at kanilang pamilya sa dagdag-sahod na kayang-kayang ibigay ng mga employer.

Panawagan ng Kilusang Mayo Uno ang P125 dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor, samantalang hangad naman ng mga kawani ng gobyerno sa ilalim ng Confederation fo Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) ang P6,000 dagdag sa kanilang buwanang suweldo. (KR Guda)
Panawagan ng Kilusang Mayo Uno ang P125 dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor, samantalang hangad naman ng mga kawani ng gobyerno sa ilalim ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) ang P6,000 dagdag sa kanilang buwanang suweldo. (KR Guda)

Kaya magbigay ng sapat na dagdag-sahod ang mga employer sa Pilipinas kung tatanggapin lang nila ang kaltas sa kanilang malalaking tubo.

Paliwanag ng Ibon Foundation, isang independiyenteng institusyon ng pananaliksik, malinaw na makikinabang ang mga manggagawa at kanilang pamilya sa dagdag-sahod na kayang-kayang ibigay ng mga employer.

Aapat-sapat ang tubo ng mga negosyante sa bansa upang suportahan ang panawagan ng mga manggagawa para sa P125 dagdag-sahod.  Binanggit ng Ibon ang datos mismo ng gobyerno na nagmula sa 2008 Annual Survey of Philippine Business and Industry ng National Statistic Office  (ASPBI-NSO).

Nakasaad dito na tumutubo ng kabuuang P895.2-Bilyon ang mga employer na may 20 empleyado pataas. Sumasaklaw ito sa 2.74 milyong empleyado sa buong bansa.

”Kung magbibigay ng P125 across-the-board na dagdag-sahod, makakatanggap ang mga manggagawa ng dagdag na P3,802 kada buwan, at gagastos naman ang mga employer ng dagdag na P49,427 kada empleyado kada taon, at kung ipagpapalagay na 13 buwan ang pasahod,” paliwanag ni Sonny Africa, research head ng Ibon.

Ayon pa kay Africa, nasa P135.6-B lang ang kabuuang gastos sa panukalang dagdag-sahod na kung ibabawas sa kabuuang tubo. Kung ibabawas ito sa tubo ng mga kompanya, may matitira pa sa kanilang P759.6-B tubo. Nasa 15.1% na kaltas lang ito sa kanilang tubo.

Idinagdag pa ni Africa na kung maipapatupad ang P125 dagdag-sahod sa NCR, gagastos umano ang mga employer dito ng P61.0-B at ang kabawasan lamang sa kanilang tubo ay 17.3%. Mula sa P352.1-B, magiging P291.1-B ang kanilang tubo.

“Mababawasan lang ang karaniwang tubo kada establisimyento sa NCR ng P6.8-M at magkakaroon pa rin sila ng average na P32.3-M tubo kada taon,” paliwanag pa ni Africa.

Ayon sa Ibon Foundation, mas malinaw umano ang sitwasyon sa pinakamalalaking mga korporasyon sa bansa.  Lumobo ang pinagsamang taunang linis na kita (net income) ng Top 1,000 Korporasyon sa bansa mula P116.4-B noong 2001 patungong P756.0-B noong 2009, sa pinagsamang paglago na P3,788.9-B sa panahong 2001-2009.

“Kitang-kita ang kaibhan ng tubong ito ng negosyo at malalaking korporasyon kumpara sa kalagayan ng mga manggagawa,” ani Africa.

Tumaas mula P222 noong 2001 patungong P301 noong 2010 ang average na tinatanggap sa arawang sahod ng mga sahuran at suwelduhang manggagawa, kung ikukumpara sa isinabatas na minimun na pasahod.

Sinabi pa ni Africa na paunang pagtataya pa lamang ito, at hindi pa ikinukunsidera ang katotohanang maraming kompanya ang di nagbabayad ng minimum na sahod sa kanilang mga manggagawa.

Ayon pa sa Ibon, ang idinagdag na P79 sa sahod ng mga manggagawa sa huling 10 taon ay katumbas lamang ng 36% pagtaas. Hindi umano nito kayang humabol sa patuloy na pagtaas ng mga presyo na sumirit ng 56% sa parehong panahon.

Kung isasama umano ang  taunang inflation (pagtaas ng presyo ng mga bilihin) sa average na 5.2% at isasama pa ang pinarurok ng inflation noong 2008 na 9.3%, binawi at inubos umano nito nito ang idinagdag na sahod. Ipinabagsak umano nito ang tunay na halaga ng sahod  sa P28.

Idinagdag pa ni Africa na magiging maganda umano ang malaki-laking sahod hindi lang  para sa mga manggagawa at kanilang pamilya kundi para sa ekonomiya.
“Palalakihin ng paglipat ng pera mula sa mayayamang kabahayan patungo sa mahihirap ang kabuuang demand at pasisiglahin nito ang ekonomiya, May tendensiya ang mga kabahayang malaki ang kita na magtipid at ang mga kabahayang mababa ang kita, dahil walang batayang pangangailangan, na kumonsumo,” ani Africa.