Miyembro ng Anakbayan na pinaslang sa Navotas, pulis ang salarin?
Kinondena ng militanteng grupong pangkabataan na Anakbayan ang diumano’y pagpaslang ng mga pulis sa Navotas sa isa nilang miyembro.
Kinondena ng militanteng grupong pangkabataan na Anakbayan ang diumano’y pagpaslang ng mga pulis sa Navotas sa isa nilang miyembro.
Ayon sa Anakbayan at batay rin sa paunang pagsisiyasat ng Karapatan, alyansang pangkarapatang pantao, ang biktima ay si Jerwin De Antonio, 27 anyos at residente ng Bagong Silang, San Jose Village, Navotas City.
Nakita raw ng ilang testigo si De Antonio na dinampot ng mga pulis pagkagaling niya sa palengke upang magtinda ng isda noong Abril 20.
Kinasuhan ng bagansiya ang biktima ngunit noong Abril 22 ay natagpuan ng kanyang pamilya ang bangkay nito sa isang punerarya sa Navotas.
Sa mga naunang ulat sa midya, binaril umano ng isang PO1 Ronie dela Cruz at dalawa pa nitong kasamahan ang biktima dahil nang-agaw umano ito ng baril.
Ngunit ayon sa Karapatan at batay sa kuwento ng ilang testigo, pilit na pinasakay ng tatlong pulis ang biktima sa kanilang patrol car. Habang nasa loob ng sasakyan, binubugbog umano ng mga pulis si De Antonio kahit nakataas na ang mga kamay at humihingi ng tulong.
Sa ulat ng Karapatan, dinala ang biktima sa Police Station 3 ng Navotas at kinasuhan ng bagansiya. Ngunit bandang alas-singko ng umaga matapos dalhin sa isang klinika ang biktima para sa medical check-up, ilang testigo ang nagsabing nakita nila ang tatlong pulis (dalawa ang naka-uniporme) na muling binubugbog ang biktima sa isang eskinita malapit sa barangay outpost sa Navotas West.
Sa kabila raw ng pagmamakaawa ng biktima, patuloy pa rin siyang sinasaktan ni Dela Cruz at kasamahan niyang pulis. Sinabi pa ng mga saksi na pilit raw na binigyan ng baril ang biktima upang makapanlaban siya.
Idinagdag pa ng mga testigo na matapos nakarinig ng apat na putok, nakita umano nila ang mga pulis habang isinasakay sa isang traysikel si Jerwin.
“Ang pagpatay kay De Antonio ang pinakahuli sa sunud-sunod na barbarikong aksiyon ng PNP laban sa mga maralitang tagalunsod,” ani Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan.
Ibinigay na halimbawa ni Crisostomo ang ilan sa mga kasong kinasangkutan ng PNP tulad ng pamamaril at pagpatay sa isang 13-anyos na bata sa Makati noong Mayo 9, sa dalawang bidyong kumalat sa internet noong nakaraang taon kung saan ipinapakita ang pangunguryente sa isang lalake at sa dalawang diumano’y isnatser na puwersahang pinaghalik sa isa’t isa ng mga pulis.
“Matingkad rin ang pagkakasangkot ng mga pulis sa sunud-sunod at madudugong demolisyon sa mga komunidad ng informal settlers, mula ng maupo sa poder si Pangulong Noynoy Aquino, tulad ng demolisyon sa North Triangle sa Quezon City, Corazon de Jesus sa San Juan, Laperal Compound sa Makati at sa Kadiwa, Navotas,” ani Crisostomo.
Maliban sa mabilis at patas na imbestigasyon, hiniling din ng Anakbayan na hulihin at parusahan ang lahat ng mga lumalabag sa karapatang pantao na diumano’y nagkalat sa loob ng institusyon ng PNP at AFP.
Ipinanawagan ng grupo sa Department of Justice na magsagawa ng kagyat at masusing imbestigasyon sa naturang insidente.