P125 dagdag-sahod, suportado ni Sen. Manny Villar
Ikinatuwa ng Kilusang Mayo Uno ang pagbigay-suporta ni Sen. Manny Villar sa panawagan ng mga manggagawa para sa karagdagang makabuluhang sahod. Ayon sa KMU, ang bukas na pagsuporta ng senador ay dagdag sa hanay ng mga mambabatas na nagpapanawagan isabatas ang panukalang dagdag sahod na P125.

Ikinatuwa ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang pagbigay-suporta ni Sen. Manny Villar sa panawagan ng mga manggagawa para sa karagdagang makabuluhang sahod. Ayon sa KMU, ang bukas na pagsuporta ng senador ay dagdag sa hanay ng mga mambabatas na nagpapanawagan isabatas ang P125 across-the-board, legislated wage hike.
“Natutuwa kami sa suporta ni Sen. Manny Villar para sa panawagan sa dagdag sahod na P125 ng mga manggagawa,” ani Roger Soluta, pangkalahatang kalihim ng KMU.
Matagal nang nakasalaang sa Kongreso ang panukalang batas hinggil sa P125 across-the-board wage increase, ngunit hanggang sa kasalukuya’y hindi pa rin ito ipinapasa. Kakarampot na P22 ang idinagdag sa Cost of Living Allowance ng mga manggagawa na idinaan sa Regional Wage Board.
““Ubos na kaagad sa pamasahe pa lamang ang P22 Cola na ipinagkaloob ng regional wage board sa manggagawa sa pribadong sektor ng Metro Manila,” pahayag ni Villar sa midya.
Ayon pa sa senador, malaking porsiyento umano sa sahod ng mga mangagawa ang napupunta sa pamasahe pa lamang, lalo na at inaprubahan ang pagtaas ng pasahe sa MRT at LRT. Maliban pa ito sa dati nang pagtaas ng pasahe sa pampublikong mga sasakyan tulad ng dyip at bus.
“Pabor ako sa P125 legislated wage hike para matulungan yung mga manggagawa,” ani Villar na ikinatuwa naman ng KMU dahil bukod umano sa nanggaling ang panawagan sa isang pulitiko, isa rin siyang negosyante. “Nasa tamang posisyon si Villar na magsalita hinggil sa napakaliit na epekto sa tubo ng mga employer ang dagdag na P125,” ani Soluta.
Nanawagan rin ang KMU sa senador na hikayatin ang iba pang mambabatas at mga negosyante na suportahan ang kanilang panawagan sa P125 dagdag-sahod.
“Umaasa kami na maimpluwensiyahan ni Sen. Villar ang kanyang mga kapartido sa Nacionalista Party at ang mga kapwa negosyante niya na suportahan ang panawagan namin para sa 125 wage hike. Dahil ang rehimeng Aquino ay todo-todo ang pagtutol sa makabuhuluhang dagdag-sahod, kailangan namin ng maraming suporta tulad ng pagsuporta ng senador,” ani Soluta.
Idinagdg pa ni Soluta na maaari umanong mahikayat ng senador ang mga negosyante na magbigay linaw sa kung ano ang tunay na nagpapahirap sa maliliit na negosyante, upang makontra diumano ang argumento ng administrasyong Aquino, na ang P125 dagdag-sahod ay magdudulot ng pagsara ng mga pabrika.
“Dapat magsalita ang mga maliilit na negosyanteng Pilipino laban sa patuloy na pagtaas nang presyo ng enerhiya at walang patumanggang importasyon ng mga produktong dayuhan,” pagtatapos ni Soluta.