Sugod mga Kapatid

Much ado about the STFAP


Para sa ‘di nakakaalam, ang STFAP (Socialized Tuition and Financial Assistance Program) ay sistema sa Unibersidad ng Pilipinas kung saan ginu-grupo ang mga estudyante batay umano sa kanilang katayuan sa buhay at pinagbabayad ng iba’t ibang antas ng matrikula. Nakabatay ito sa prinsipyo na ‘mayamang estudyante’ ang dapat magbayad (o mag-subsidyo) para sa kanyang mas mahirap na kapwa.

Para sa ‘di nakakaalam, ang STFAP (Socialized Tuition and Financial Assistance Program) ay sistema sa Unibersidad ng Pilipinas kung saan ginu-grupo ang mga estudyante batay umano sa kanilang katayuan sa buhay at pinagbabayad ng iba’t ibang antas ng matrikula. Nakabatay ito sa prinsipyo na ‘mayamang estudyante’ ang dapat magbayad (o mag-subsidyo) para sa kanyang mas mahirap na kapwa.

Uminit ang talakayan hinggil dito sa simula ng pasukan ng napabalitaang ginawang ‘default bracket‘ ang ‘Bracket A’ (Tinaguriang ‘millionaires bracket‘ ito at ang mga estudyante ay nagbabayad ng P1k kada yunit o mahigit P20 kada semestre). Ibig sabihin, tinutukoy muna sila bilang bahagi ng Bracket A at kinakailangan pa nilang patunayan na hindi para magbayad ng mas mababang matrikula.

Kaya ito tinawagan na ‘di-direktang’ tuition increase dahil dati, Bracket B ang tinaguriang ‘default bracket‘. Sa paglipat sa Bracket A, tila tumaas ang matrikula ng marami mula P1,000 tungong P1,500 kada yunit.

Hindi na ito nakapagtataka. Matagal ng pinuna ng mga aktibista sa UP ang STFAP bilang paraan para magtaas ng matrikula na hindi naman ito tinatawagan na ‘tuition increase‘. Sa simpleng pangangalikot mo lang sa mga iba’t ibang alituntunin ng sistema, pinaparami mo ang nagbabayad ng mas mataas na matrikula. Nung unang ipinatupad ito nung 1989, tumalon ang matrikula mula P45 tungong P200 kada yunit. Nung kinalikot ito (rebracketing) nung 1994, naging P300 kada yunit. Nangyari uli ito nung 2007, kung saan tumaas na tungong P1000 kada yunit.

Kung tutuusin, ang STFAP ay isa lang paraan para higit na kumita ang Unibersidad. Ayon sa pag-aaral ng Philippine Collegian, sa panahong 2007-2009, gumastos ang UP ng P25-Milyon para sa mga nakikinabang sa STFAP, samantalang kumita ito ng mahigit P400-M! Laging mas malaki ang bilang ng mga estudyante na di na nakikinabang sa STFAP (yung mga nagbabayad ng P1,500 at P1,000 kada yunit) kumpara sa mga nakikinabang (sa P600, P300, at P0 kada yunit).

Matapang at napapanahon ang panawagan ng mga aktibista sa UP para ibasura ang STFAP at ibaba ang matrikula sa Unibersidad. Hindi mahihiwalay ang una sa pangalawa. Hangga’t andyan ang nasabing programa, gagamitin ang pagkakaroon ng ilang estudyanteng may libreng matrikula para gawin katanggap-tanggap sa atin ang pagtataas ng mga bayarin ng mayorya.

Higit pa rito, laging gagamitin ang pagkakaroon ng STFAP para bigyang-katwiran ang pagkakaltas sa badyet ng UP. Kung maaalala natin ang sagutan ng mga estudyante at ng gobyerno nung 2010, ginamit na katwiran ang Ayala Techno Hub para bawasan ang pondo ng Pamantasan sapagka’t kumikita naman ito. Ganun din ang STFAP: isa itong paraan para kumita ng dagdag ang UP, at katwiran para kaltasan ang budget.

Kung ninanais ng mga Iskolar ng Bayan ng mas mababang matrikula, o kung kakayanin pa nga ay libreng edukasyon, para sa kanila at sa mga susunod na henerasyon, hindi tayo mangingimi na ipaglaban ang pagbabasura ng STFAP at pagbibigay ng mas mataas na pondo sa ating Pamantasan. Tanging sa sapat na pondo mula sa gobyerno maibibigay ng libre ang ating pag-aaral, at ang STFAP ay nananatiling sandata laban dito.