‘Kawalang hustisya’ sa panahon ni PNoy
Anumang pag-usad ng kaso ng mga paglabag ng karapatang pantao, ito’y dahil sa pagpupursigi ng mga kaanak at grupong pangkarapatang pantao. Sabi nila, walang itinutulong ang gobyernong Aquino para maresolbahan ito. Malala pa, ipinagpapatuloy pa ni PNoy ang sa esensiya’y parehong madugong programang kontra-insurhensiya ng nakaraang administrasyon.

Mula sa mga sulok ng Plaza Miranda, sumulpot ang mga kaanak at biktima ng paglabag sa karapatang pantao. Bitbit nila ang mga larawan ng mga biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang, desaparecidos at mga bilanggong pulitikal. Habang unti-unti silang nagtitipon, kanilang isinisigaw: “Katarungan!”
Ito ang tinaguriang Day of Action for Justice na pinangunahan ng mga grupong Hustisya, Desaparecidos at Karapatan. Anila, isa itong pagkakataon para singilin si Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III sa mga pangakong lutasin ang mga paglabag sa karapatang pantao at sugpuin ang mga pang-aabuso tulad ng pamamaslang, pagdukot, panghaharas at pang-aabuso sa mga aktibista at mga tumututol sa gobyerno.
Siningil ng mga grupong pangkarapatang pantao ang aministrasyong Aquino sa umano’y kawalan ng hustisya sa loob ng mahigit isang taong panunungkulan nito. Sa halip na makamit ang hustisya, dumarami pa umano ang biktima ng paglabag sa karapatang pantao.
“Matapos ang isang taon sa panunungkulan, ano ang ginawa ni Pangulong Aquino upang mabigyan ng katarungan ang mga biktima?” tanong ng mga biktima.

Sinabi ni Cristina Guevarra, pangkalahatang kalihim ng Hustisya, na hindi nakakaaninag ng hustisya ang mga kaanak ng mga biktima ng masaker sa Ampatuan, Maguindanao, gayundin ang mga ina ng nawawalang dalawang estudyante, mga kaanak ni Jonas Burgos at iba pa ay patuloy na naghahanap ng katarungan. Sila pa umano ang gumagawa ng paraan, sa sarili nilang kakayanan, para makamit ang hustisya sa sinapit ng kanilang mga mahal sa buhay.
“Ang mga pamilya ng mga biktima ang nagtutulak sa mga kasong legal. Sila ang naghahanap ng mga paraan upang hilingin ang katarungan,” ayon kay Guevarra.
Isa sa mga dumalo sa protesta ang asawa at kapatid ni Anthony Homo, isang lider-maralita sa Navotas na pinaslang nito lamang Marso 16, 2011, panahon na ng panunungkulan ni Aquino. Ayon kay Violeta Homo, kapatid ng biktima, hindi umuusad ang imbestigayon sa pagpaslang sa kanyang kapatid.
“Wala pa ring nahuhuli sa mga suspek, hindi naman inaasikaso (ng kapulisan) ang kaso,” ani Violeta sa panayam ng Pinoy Weekly. Sinabi rin ng kapatid ng biktima na bagamat nakapagsampa sila ng kaso sa Commission on Human Rights o CHR, wala pa rin naisasagawang imbestigasyon dahil na rin sa walang testigong nais humarap.
“Nais lang naming magkaroon ng katarungan. Bakit naman siya pinatay, tumutulong lang siya sa mahihirap at wala siyang kaaway? ” sabi ng naluluhang si Marina Homo, asawa ng biktima. “Hindi ako mapapanatag hangga’t hindi nagkakaroon ng hustisya ang pagkamatay ng aking asawa,” aniya.
Maliban sa paghahanap ng katarungan para kay Anthony Homo, dobleng hirap ang nararanasan ngayon ng kanyang mga kaanak, dahil tuluyang nademolis ang kanilang mga kabahayan sa Kadiwa, Navotas. Kasalukuyang nasa evacuation center pa rin ang mahigit limampung pamilya, kabilang ang pamilyang Homo.
Ipinaliwanag ng Hustisya na sa nakaraang taon, walang ginawa ang administrasyong Aquino upang panagutin ang mga lumabag sa karapatang pantao. Samantalang isa ito sa mga komitment ni Aquino noong maupo ito sa puwesto.
“Sinabi ng Pangulo noong isang linggo na gagawin niya ang lahat para sa hustisya. Ngunit maliban sa mga magagandang pahayag, nasaan ang aksiyon? Lubhang atrasado na (pahayag ng Pangulo) para sa mga biktima ng nakaraang rehimen, hiling naming katarungan ngayon na,” giit ni Guevarra.
PNoy dapat rin managot
Sinabi pa ng grupo na maliban sa paghahanap ng katarungan ng mga libu-libong kaanak at biktima, sinabi nilang dapat ding managot si Aquino sa mga paglabag sa karapatang pantao sa unang taon ng kanyang administrasyon dahil nagpatuloy ang pamamaslang at pagdukot.
Sa tala ng Karapatan, mayroong 48 biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang at limang kaso ng pagdukot sa unang taon ni Aquino. Marami rin ang biktima ng tortyur, ilegal na aresto at detensiyon.
“Patuloy ang mababangong salita ni PNoy (Aquino) at ng Armed Forces of the Philippines na sila ay para sa katarungan at karapatang pantao, ngunit hindi nila maitatago ang katotohanan na ang kasalukuyang kontra-insurhensiyang programa, ang Oplan Bayanihan, ay nagpapatuloy sa mga paglabag sa karapatang pantao,” ani Guevarra.
Kinontra rin ni Guevarra ang mga pahayag ni Aquino sa unan niyang State of the Nation Address (SONA) na naresolbahan na ang unang kaso ng pagpatay sa ilalim ng kanyang termino. Ibinigay na halimbawa ni Guevarra ang unang kasong naitala sa ilalim ng administrasyong Aquino, ang kaso ni Fernando Baldomero. Ayon kay Guevarra, ang kaso ay na-archive kamakailan dahil ang warrant of arrest sa mga suspek na ipinalabas noong Enero 2010 ay hindi naibigay.
“Kaya wala pa ring resolusyon. Hindi dapat na maglakas loob si PNoy na sabihin niya sa kanyang ikalawang SONA na mayroon nang katarungan,” ani Guevarra.