Nagwawagi kung sama-sama


Maraming sakripisyo sa pag-oorganisa nina Eva at Gilberto. Pero sa pagkakaisa, walang hindi magagawa.

Napatunayan nina Eva at Gilberto na sa sama-samang pagkilos ng mga mamamayan nakakamit ang mga tagumpay. (Macky Macaspac/PW File Photo)
Napatunayan nina Eva at Gilberto na sa sama-samang pagkilos ng mga mamamayan nakakamit ang mga tagumpay. (Macky Macaspac/PW File Photo)

Ordinaryong mga manggagawa sila. Pero nang maging bahagi ng sama-samang pagkilos, napakita nila ang lakas para magtagumpay sa mga laban.

Bagamat nagtatrabaho at nag-oorganisa sa magkahiwalay na lugar, bahagi sina Eva Victorino at Gilberto Dumalanon ng pag-oorganisa sa mga maralita. Kapwa nila naipamalas na marami ang kayang magawa kung nagkakaisa lamang ang mga maralita para militanteng ipaglaban ang kanilang mga karapatan.

Mula dilawan tungong palaban

Manggagawa sa Hansson Paper Corporation si Gilberto, 55. Mahirap ang kalagayan sa pabrika. Umabot sa 26 taon siyang nagtatrabaho sa pabrikang ito.

Ngunit may iba pa siyang trabaho. Bago naging manggagawa, organisador na si Gilberto sa maraming komunidad ng Pasig. Kasapi siya ng Samahan ng Demokratikong Kabataan (SDK), isang organisasyon ng kabataan na na lumaban sa diktadurang Marcos.

Nang mapasok sa Hansson, inabutan niyang “dilawan” o maka-manedsment ang unyon dito, ang Tupaz-February Six Movement o Tupaz-FSM.

Dahil sa nanggaling sa community organizing, nahirapan noong una si Gilberto. “Kakaiba ang dilawang pederasyon. Walang pag-aaral o seminar na ginaganap para sa mga unyonista,” kuwento pa niya. Iba rin ang taktika sa negosasyon sa collective bargaining agreement o CBA. Grabe umano magkompromiso pabor sa manedsment.

Tulad na lang sa welga nila noong 2005. Pinagkasunduang hihilingin ng unyon ang dagdag-sahod na 15/15/15 sa loob ng tatlong taon (P15 pesos kada taon). Ayaw pumayag ng manedsment. Natapos ang welga sa kahilingang 8/7/5, ang pabor sa manedsment. Wala umanong naitulong ang pederasyong kanilang kinaaniban, nasaid rin ang pondo ng unyon.

Sa panahong ito rin muling naugnayan ng Alliance of  Nationalist and Genuine Labor Organizations-Kilusang Mayo Uno (Anglo-KMU) si Gilberto. Patapos na rin ang termino ng pamunuan ng unyon at masasalang ulit sa certification election. Paunti-unting inorganisa ni Gilberto ang mga manggagawa, sa pakikipag-ugnayan sa Anglo-KMU.

Dahil malakas pa ang dilawang unyon, paisa-isang nilalapitan ni Gilberto at iba pa ang mga manggagawa:  kinausap, pinaliwanagan, iminulat. Hanggang sa mabuo nila ang lineup ng opisyales na hindi dilawan.

Samantala, maraming eskima ang pinatutupad ng manedsment sa shifting, kaya mahirap tipunin sa pag-aaral ang mga manggagawa. Kinailangang pang makipagrelyebo ang mga manggagawa para makakuha ng Kurso sa Tunay, Palaban at Makabayang Unyonismo (KTPMU).

Sa kabila ng higpit ng manedsment at pamamayagpag ng dilawang unyon, matagumpay na naihalal ang bagong independiyenteng unyon, ang Lakas Manggagawa ng Hansson Paper Philippines Corporation (LMHPPC) sa tulong ng Anglo-KMU. Umalis ang unyon sa dilawang pederasyon noong 2009.

Habang kakuwentuhan niya sa pabrika ang Pinoy Weekly, pinipirmahan nila ng mga opisyal ng unyon ang pag-anib ng unyon sa Anglo-KMU.

Sa kasalukuyan, sila ang kaisa-isang tunay na unyon ng manggagawa sa loob ng compound ng mga pabrika at pagawaan. Kung kaya may bagong mga gawain pa sina Gilberto: ang pag-oorganisa sa labas ng sariling pabrika.

Mula pabrika tungong komunidad

Dati ring manggagawa si Eva, 45. Miyembro siya ng unyon sa Illustrazio, pabrika ng bag. Nang tanggalin siya sa trabaho, humantong sa pagtinda ng isda sa Marikina si Eva.

Dito, nakita niya ang hirap ng buhay-tindera. Di kalakihan ang puhunan para magkapuwesto sa palengke. Samantala, nakapuwesto sa pulitika ang pamilyang Fernando sa Marikina. Kung walisin na lamang ni Bayani Fernando ang mga maralita, akala mo’y hindi sila tao.

Nang matalaga ni Pang. Gloria Arroyo na mamuno ng Metro Manila Development Authority (MMDA), lalong naging mabangis si Bayani sa vendors. Gipit sina Eva. Pinaghahabol sila ng mga awtoridad at ikinukulong. Daig pa nila ang mga kriminal kung ituring.

Kasama ang dalawang kaibigan, nagbuo sila ng grupo ng manininda sa ilalim ng Anakpawis Party-list.

Nangausap sila ng mga tindera, hanggang maitayo ang Samahan ng mga Maninindang Nagkakaisa sa Marikina (Samana-Marikina).

Anim na tao ang unang naorganisa nila. Naging isang organizing team ito sa komunidad na siyang nagtayo ng ad-hoc committee na nagpapatuloy ng pag-oorganisa sa komunidad, hanggang maging ganap na tsapter ng Samana.

Umikot ang organizing teams sa iba pang komunidad. Dahil sa paglalako nila nang bahay-bahay, maraming lugar ang naiikutan nina Eva sa isang araw. Nagkakaroon sila ng mga kontak sa ibang komunidad.

Isang pangyayari ang nagpabilis sa pag-oorganisa. “Tinulungan naming magsampa ng kaso ang isang tinderang tinutukan ng baril ng isang opisyal ng city hall,” kuwento ni Eva. Inilapit nila ito kay Mayor Del de Guzman at nasuspinde ang opisyal. Matapos nito, kusang lumapit ang mga tindera. Nakita nilang kumikilos talaga ang grupo sa kanilang interes.

Lumaki ang Samana-Marikina. Nagkaroon ng sariling ID at uniporme. Pero patuloy pa rin ang mapanupil na mga ordinansa na tinutulan ng mga manininda.

Naging tuntungan din nina Eva ang grupo para makapag-organisa labas ng komunidad. Nagkakabuo sila ng mga unyon sa RC Cola, isang garments factory, isang pabrika ng foam at sa HiCore Corporation, pabrika ng roller para sa barko. Sila ang bumubuo sa Manila East Labor Alliance o Mela.

Inamin nina Gilberto at Eva na sa kagustuhang mapabuti ang kalagayan at pagmamalasakit sa kapwa mahihirap nagsisimula ang hangaring mag-organisa.

Maraming hirap ang nadaanan nila, pero napagpunyagian ito ng pagkakabuklud-buklod sa mga kapwa maralita. Napakita nila ang lakas sa mahigpit na pagkakaisang ito at nakakamit ng ilang tagumpay. Pero hindi raw tapos ang laban, ani Gilberto at Eva. Kailangan ding isanib ang lakas nila sa lakas ng iba pang aping sektor. Kailangang aktibong lumahok din ang kanilang mga organisasyon sa pambansang mga pagkilos.

Hindi na lamang mga pabrika at komunidad ang kailangang baguhin, kundi ang lipunang Pilipino rin.