Istorya ng Linggo

PNoy ‘bagsak’ sa unang taon sa Palasyo


Sa larangan ng ekonomiya, paggalang sa karapatang pantao, pag-empleyo at makabuluhang dagdag-sahod, industriyalisasyon at tunay na repormang agraryo — at iba pang usapin — bagsak na bagsak si Pang. Benigno Aquino III sa mata ng militanteng mga organisasyon.

Teksto ni Darius Galang / Mga larawan ni Macky Macaspac

Martsa ng Bayan patungong Mendiola. (Macky Macaspac)
Martsa ng Bayan patungong Mendiola. (Macky Macaspac)

Malalaking karatula ng mga letrang bumubuo ng salitang “FAIL” (bagsak) ang bitbit ng mga demonstrador na nagmartsa patungong Mendiola Bridge sa Maynila para markahan ang unang taon ng administrasyon ni Benigno Aquino III.

Sa protestang ito na pinangunahan ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), kinakatawan ng nabuong salita ang grado umano ng militanteng mga organisasyon sa unang taon ni Aquino sa panunungkulan.

“Binibigyan natin si Aquino ng gradong ‘4’, mula sa lima bilang pinakamababa, para sa performance niya sa ekonomiya, karapatang pantao, polisiyang panlabas at governance,” pahayag ng Bayan.

Kabilang sa mga dahilan ng “pagkabagsak” umano ni Aquino ang sumusunod:

(1) Hindi pagtugis ni Aquino sa dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo;

(2) Papataas na kawalan ng empleyo, presyo ng mga bilihin, kagutuman;

(3) 48 kataong biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa loob ng isang taon at kawalan pa rin ng pananagutan sa mga abuso sa karapatan noong nakaraang rehimen;

(4) Hindi pagtulak ng tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon;

(5) Pagkakaroon ng maraming problema sa panunungkulan na sangkot ang mga appointee ni Aquino na tinaguriang “kakampi, kabarkada, kaklase at kabarilan”;

(6) Di pagtupad sa pangako noong nangangampanya pa lamang siya na repasuhin ang RP-US Visiting Forces Agreement.

Samantala, pesimistiko umano ang Bayan sa panawagan ni Aquino para sa isang pambansang pagkakaisa na tinaguriang “Pilipinas Natin.”

“Kakaiba na ipinagdiriwang ni Aquino ang unang taon ng panunungkulan nito habang wala namang dapat ipagdiwang sa kalagayan ng bayan. Pinaglilingkuran lamang ng pagdiriwang na ito ang rehimen,” sabi ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan.

Walang “Pilipinas Natin kung mayorya sa mga mamamayan ay mahihirap, 11 milyon ang walang trabaho at milyon ang nakakaranas ng kagutuman, sabi pa ni Reyes.

“Walang ‘Pilipinas Natin’ kung malalawak na lupaing ang pag-aari ng iilang mga pamilya tulad ng mga Cojuangco-Aquino,” sabi pa ni Reyes.

“Sa unang taon niya sa poder, pinawi ni Aquino ang lahat ng pag-asang maaampat ang kahirapan, kahit di pa maaalis, sa kanyang termino,” sabi ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.

Samantala, noong umaga ng Hunyo 30, marahas na dinispers ng mga pulis ang protesta ng Kilusang Mayo Uno (KMU) kontra sa mababang sahod at kontraktuwalisasyon.

“Sa unang taon niya sa poder, pinawi ni Aquino ang lahat ng pag-asang maaampat ang kahirapan, kahit di pa maaalis, sa kanyang termino,” sabi ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.