Sa Pinoy, di kay PNoy


Patatawarin na sana natin ang pag-hijack niya sa pangalang “Pinoy” – kung naging tapat lang siya sa pagtupad sa interes ng mga mamamayang gusto niyang kapangalan. Pero hindi.

Editorial cartoon ni Kendrik Bautista
Editorial cartoon ni Kendrik Bautista
Editorial cartoon ni Kendrik Bautista

Patatawarin na sana natin ang pag-hijack niya sa pangalang “Pinoy” – kung naging tapat lang siya sa pagtupad sa interes ng mga mamamayang gusto niyang kapangalan. Pero hindi.

Noong 2010, sumakay si Noynoy Aquino sa isang penomenong nilikha ng mahabang paglaban ng mga mamamayan sa isang kinamumuhiang rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo.  Nasa rurok ng galit kay Arroyo ang bayan nang mamatay ang lider-oposisyon na si dating pangulong Cory Aquino. Mula rito, mabilis na lamang na naitulak si Noynoy sa pagkapangulo.

Iyun lamang ang dahilan kung bakit nasa poder si Noynoy: Tulad ng ina, may impresyong ‘malinis’ (sa kabila ng partisipasyon niya sa masaker sa Hacienda Luisita noong 2004), walang alam (pero mabuti raw na iyun kaysa tuso), walang gagawin para yurakan ang alaala ni Cory at amang si Ninoy.

Kaya nang mapakinggan natin ang kanyang unang talumpati sa Luneta Grandstand, at nang ideliber na niya ang unang State of the Nation Address, nangangako na “puwede na muli tayong mangarap” dahil nakaupo na siya sa Malakanyang — hindi tayo agad-agad nakumbinsi. Nangako siya ng kaunlaran, ng pagbabago, ng malinis na gobyerno. Pero simula’t sapul ay pinasilip na ni Noynoy sa atin ang magiging hitsura ng kanyang pagkapangulo: Kamukhang-kamukha ng dating mga umupo.

Iyun ay dahil simula’t sapul, inihayag na niya ang kanyang framework sa paggogobyerno: ang pagpapatuloy ng neoliberal na mga polisiya sa ekonomiya, ang walang-kahihiyang-dependensiya sa gobyernong US (lalo na sa usaping militar) sa pulitika, at ang mas-maamong-mukha-pero-kasimbangis-din-ng-dati na patakaran sa pagsugpo diumano sa insurhensiya.

Wala nang mas bubuti pang ehemplo ng kabangisan ni Noynoy kundi ang pagpapatuloy ng ekstrahudisyal na mga pamamaslang at pagdukot sa mga aktibista at pinaghihinalaang sumisimpatiya sa armadong oposisyon. Walang kasingbangis ang bigwas sa mga maralitang komunidad na dinedemolis, winawasak, sinusunog, at puwersahang “nililinis” para bigyang daan ang mga proyektong “pangkaunlaran” na bunga ng private-public partnerships.

Walang kasingbangis ang pag-tapyas niya sa badyet ng serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon, kalusugan, pabahay, serbisyo sa mga migrante at kababaihan, at iba pang serbisyo. Sa pamamagitan ng kanyang appointees sa mga kagawaran ng pinansiya, agrikultura, badyet at pangangasiwa, at iba pa, at sa kanyang nakapuwestong mga kaalyado sa Kongreso, nakaumang na ang pagsasapribado ng 14 ahensiya ng gobyerno na dapat naglilingkod sa mga maralita.

Maiksing panahon lamang ang isang taon, pero mabilis namang nararamdaman ang resulta ng ganitong kabangisan. Nakita sa mga sarbey ngayong taon na mabilis na nahuhubaran si Noynoy sa dumaraming bilang ng mga mamamayan.

Ang kadalasang persepsiyon ng mga nalulugmok sa disilusyon kay Noynoy: walang pagbabago, walang nagagawa, inutil, ang Pangulo.
Ngunit kung tutuusin, nakikita nating hindi ito totoo: hindi inutil si Noynoy, may nagagawa siya, at may pagbabagong nagaganap.

Di inutil si Noynoy sa malalaking negosyante, dayuhan at lokal. Marami siyang nagagawa para lalong buksan ang bansa sa panghihimasok ng militar ng US at dayuhang mamumuhunan sa serbisyong panlipunan. May nagbago sa mga mamamayang Pilipino sa ilalim ni Noynoy: Sumahol ang kanilang kalagayan. Tumaas ang presyo ng mga bilihin at singil sa mga serbisyo, lalong bumaba ang halaga ng di-nadadagdagang sahod ng mga manggagawa at kawani. Dumarami ang nawawalan ng bahay, pagkain sa mesa, pag-asa.

Pana-panahon, nakikita natin ang mga patunay: hindi sa mga pangulong may sikat na apelyido ang tunay na pagbabagong makabubuti sa natin. Isang kilusang protesta ang nagwakas sa rehimen ni Arroyo (nagkataon lamang na nasakyan ni Noynoy). Pagkakaisa, pinakamalawak na posibleng pagkakaisa ng mga mamamayan, ang kailangan.

Kung kaya mainam sabihin: Para sa mabuting pagbabago, kailangang magkaisa ang sambayanang Pinoy at ilantad ang kabulukan ni PNoy.