Kampanya kontra panunupil, paninira sa mga aktibista, mamamahayag inilunsad
Sinisiraan sila, binabansagang terorista, komunista, o kaaway ng estado. Pagkatapos, sinusupil. Mayroon pa ngang pinapaslang. Ito ang padrong tila sinusunod ng mga militar kontra sa mga aktibista at kahit sa mga mamamhayag na natutukoy nilang lumalaban para sa pagbabago sa lipunan. Nagtipon sila ngayon para labanan ang padrong ito.

Inilunsad ng mga grupong pangkarapatang pantao ang kampanya kontra sa panunupil sa karapatan ng mga mamamayan.
Ginanap sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, ang paglulunsad ng kampanyang “Stop Persecution and Vilification” sa pangunguna ng grupong Dinteg, kasama ang Cordillera Human Rights Alliance (CHRA) at Hustisya-Northern Luzon.
Kasama ang mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao at mga kaanak, ipinanawagan nila ang pagtigil sa paninirang-puri (vilification) at pagbabansag sa mga aktibista, kritiko at progresibong mga grupo bilang mga terorista, prente ng mga rebeldeng grupo o kaaway ng estado. Anila, ang paninirang-puri at pagbabansag na kadalasang ginagawa ng mga armadong puwersang panseguridad ng gobyerno, ang simula ng mas malalang paglabag sa karapatang pantao.
“Vilification or labeling, red baiting smear campaign, guilt by association, malicious misrepresentation with the aim to discredit an individual or organization’s credibility has always been a concern of the progressive people’s movement,” ayon sa Dinteg.
Pulitikal ang motibo
May motibong pulitikal umano ang vilification na nararanasan ng progresibong mga lider at organisasyon kahit ang mga mamamahayag at ordinaryong mga mamamayan.
Anila, karamihan sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao ay nakaranas ng paninira at pagbabansag bago sila maging biktima ng pagpaslang, sapilitang pagkawala o ibang porma ng paglabag.
“Direktang atake ito sa mga miyembro ng progresibong mga grupo na kritikal sa mga patakaran ng gobyerno. Inilalarawan ang mga indibidwal na terorista, kriminal, kaaway ng estado, tutol sa kapayapaan at kaunlaran,” ani Roda Dalang, executive director ng Dinteg. Layunin umano ng ganitong pag-atake na supilin ang pagkilos ng mga mamamayan para sa tunay na panlipunang pagbabago.
Sinabi nilang mismong si Philip Alston, UN Special Rapporteur on Extra Judicial Execution and Summary Executions ang nagsabi sa kanyang ulat noong March 2007 na isa ang vilification sa mga dahilan ng mga ekstrahudisyal na pamamaslang; pangalawa ang mga operasyong kontra-insurhensiya.
Inihalintulad ni dating Rep. Satur Ocampo ng Makabayang Koalisyon ng Mamamayan o Makabayan, ang kasalukuyang kampanyang vilification sa paninira sa mga lumalaban sa gobyerno noong dekada ’40 at ’50.
Ikinuwento ni Ocampo na noong panahong ito, siniraan ng militar, sa tulong ng Central Intelligence Agency (CIA) ang rebeldeng Huk (Hukbong Mapagpalaya ng Bayan o HMB), na anila’y mga aswang at bampira. Layunin umano ng paninira na takutin ang mga mamamayan at pigilan sila na suportahan ang armadong pakikibaka na isinusulong ng mga Huk para sa pampulitika at panlipunang pagbabago.
“The current intensified left bashing through sweeping, indiscriminate branding of individuals organizations and institutions may be a long way from the aswang or vampire tagging. Nonetheless, it’s the same political motivation,” paliwanag ni Ocampo.
Ikinuwento rin niya ang kanyang karanasan bilang bilanggong pulitikal (sa administrasyong Marcos, Cory Aquino at Gloria Arroyo) na dumanas ng matinding tortyur. Nagaganap pa rin umano ang patuloy na paninira at pagtugis kay Ocampo.
Paninira sa mga manggagamot, iba pa
Isang miyembro ng Community Health Education, Services and Training in the Cordillera Region (Chestcore) na nakapanayam ng Pinoy Weekly ang nagsabing tumindi ang pagbabansag at pananakot ng mga militar at paramilitar sa kanilang hanay sa tuwing maglulunsad sila ng mga medical mission at mga pagsasanay sa mga komunidad ng mga katutubo sa mga liblib na lugar ng Kordilyera.
“Wala daw pagkakaiba sa ginagawa ng NPA (New People’s Army) ang ginagawa namin, kaya binabansagan kaming mga NPA,” ani Rosalinda Suyam, networking and advocacy coordinator ng Chestcore.
Biktima rin si Suyam at kasamahan niya sa Chestcore ng mga pananakot at paniniktik ng pinaghihinalaang mga elemento ng Armed Forces of the Philippines o AFP.
Ayon pa kay Suyam, nakatanggap rin ng death threats sa pamamagitan ng text message ang kanilang executive director na si Milagros Ao-wat.
Ayon naman sa grupong pangkarapatang pantao na Karapatan, hindi lamang sa Northern Luzon nangyayari ang mga kahalintulad na kaso ng vilification.
Kahit umano ang mga nagtataguyod ng karapatang pantao o human rights defenders ay biktima rin. Ilan sa mga miyembro ng Karapatan ang biktima ng paninirang-puri at sinampahan ng mga gawa-gawang kaso tulad nina Doris Cuario, dating pangkalahatang kalihim ng Karapatan Southern Tagalog, at iba pa.
“Masakit sa amin na bukod sa pagsampa ng mga gawa-gawang kaso, sinisiraan pa ang aming pagkatao sa pamamagitan ng mga tsismis at pagpapakalat ng mga poster na tila kami ay mga demonyo,” ani Cuario.
Kasama si Cuario sa tinaguiang Southern Tagalog 72, mga lider ng iba’t ibang progresibong organisasyon sa Timog Katagalugan na sinampahan ng patong-patong – at anila’y gawa-gawa – na kasong kriminal.
Layunin umano ng kampanyang “Stop Persecution and Vilification” na makapagpanukala ng isang batas sa Kamara na magpaparusa sa di-makatarungang pagbabansag sa mga aktibista, mamamahayag, organisasyon at iba pang kritiko ng gobyerno.
Hinihikayat din nila ang midya na maging mapagbantay at maingat sa pag-uulat hinggil sa mga biktima ng karapatang pantao na mailarawan bilang mga terorista, komunista, kriminal o kaaway ng estado.