Pagpabor ni PNoy sa PAL manedsment, kinondena ng mga obrero


“Si Lucio Tan ang boss ko.”

Ito ang pasaring ng Kilusang Mayo Uno (KMU) kay Pang. Benigno Aquino III, matapos pumabor sa manedsment ng Philippine Airlines (PAL) sa iskemang spin-off. Tinatayang mahigit 2,000 empleyado ng PAL ang maapektuhan ng desisyon na magbibigay-daan upang isailalim sa subcontracting ang tatlong departamento ng PAL at tanggalin ang regular na mga empleyado nito.

Elmer "Ka Bong" Labog ng KMU. (Macky Macaspac / PW File Photo)
Elmer "Ka Bong" Labog ng KMU. (Macky Macaspac / PW File Photo)

“Si Lucio Tan ang boss ko.”

Ito ang pasaring ng Kilusang Mayo Uno (KMU) kay  Pang. Benigno Aquino III, matapos pumabor sa manedsment ng Philippine Airlines (PAL) sa iskemang spin-off.  Tinatayang mahigit 2,000 empleyado ng PAL ang maapektuhan ng desisyon na magbibigay-daan upang isailalim sa subcontracting ang tatlong departamento ng PAL at tanggalin ang regular na mga empleyado nito.

“Muling ipinakita ni Pangulong Aquino na ang islogan niyang ‘Kayo ang Boss’ ay  nagpapatungkol sa mga malalaking kapitalista tulad ni Lucio Tan,” pahayag ng KMU.

Ipinahayag ng Office of the President noong Huwebes na nabigo ang unyong PAL Employees’ Association (Palea) na magbigay ng mga bagong argumento upang baligtarin ang naunang desisyon  ng Department of Labor and Employment (DOLE).

The points raised by petitioner in its motion for reconsideration are a mere rehash of those considered, discussed and ruled upon by the Secretary of Labor,” pahayag ni Executive Secretary Paquito Ochoa Jr .

Ngunit ayon sa KMU, itinataguyod lamang ng Malakanyang ang interes ni Tan.

“Gumagawa lang ng dahilan ang  Malakanyang  para sa desisyong ito,” ani Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.  Dagdag pa niyang layunin ni Tan na wasakin ang unyon at palobohin ang kita ng PAL sa pamamagitan ng kontraktuwalisasyon ng lakas-paggawa nito.

Kinontra din ng grupo ang dahilan ng kompanya na nalulugi umano ito. Ayon kasi sa PAL, nalugi umano ito nang $10.6-Milyon  ngayong unang hati ng taon kumpara sa kita nito na $31.6-M sa magkaparehong panahon.

“Ang katotohanan ay  nananatiling pangalawa si Tan sa pinakamayamang tao sa buong bansa at hindi maitatago ng PAL na kumikita siya sa kabila ng mga hokus-pokus niya. Samantala, aabot sa 2,600 regular at unyonisadong manggagawa ang tatanggalin at muling kukunin bilang mga kontraktuwal sa mababang pasahod at benepisyo, “ ani Labog.

Dagdag pa ng lider-manggagawa na walang kasegurahan at mawawalan ng karapatan ang mga manggagawa sa iskemang spin-off ng PAL.

Nangangamba ang KMU na matapos ang desisyon sa PAL, maaaring magsunuran ang mga kompanya kasama na ang mga maliliit na negosyante upang magpatupad ng kontraktuwalisasyon.

“Hindi lang masamang balita para sa mga manggagawa ang desisyon ni Aquino. Bad precedent din ito. Ibinigay na ang green light para sa lahat ng negosyanteng lokal na magpatupad ng kontraktuwalisasyon sa pamamagitan ng iskemang outsourcing,” ani Labog.